Linggo, Hulyo 19, 2015

NAKABABATID AT TUMUTUGON ANG PANGINOON SA PANGANGAILANGAN NG TAO

Hulyo 26, 2015 
Ikalabimpitong Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
2 Hari 4, 42-44/Salmo 144/Efeso 4, 1-6/Juan 6, 1-15



Ang Linggong ito ang simula ng limang Linggo ng Taon B kung kailan ang Ebanghelyo para sa Banal na Misa ng araw ng Linggo ay hango sa ikaanim na kabanata ni San Juan. Tuwing Taon B, ang mga Ebanghelyo sa mga Misa sa mga araw ng Linggo ng Karaniwang Panahon ay nagmumula sa Ebanghelyo ni San Marcos. Subalit, napaikli lamang ang Ebanghelyo ni San Marcos. May labing-anim na kabanata lamang ang Ebanghelyo ni San Marcos. Kaya, hiniram ang ikaanim na kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan para sa Banal na Misa ng mga araw ng Linggo sa Karaniwang Panahon ng taong ito, Taon B sa kalendaryo ng Simbahan. 

Sa ating Ebanghelyo, natunghayan natin na pinarami ni Hesus ang tinapay at isda. Pinakain Niya ang Limang Libong tao sa pamamagitan ng limang tinapay at dalawang isda. Tinugon ni Hesus ang pangangailangan ng mga tao. Alam ni Hesus na malayo ang pinanggalingan ng mga taong sumunod sa Kanya sa lugar na yaon. Alam ni Hesus na pagod na ang mga tao at nagugutom na sila. Wala silang dalang pagkain. Kahit mukhang imposibleng pakainin ang sobrang dami ng taong nagkatipon sa lugar na yaon, alam ni Hesus kung ano ang gagawin Niya. 

Noong tinanong ni Hesus si Felipe kung saang makakabili sila ng pagkain, sinusubukan lamang Niya si Felipe. Alam ni Hesus kung ano ang sasagutin ni Felipe at alam din Niya kung ano ang Kanyang gagawin, dagdag pa nga ni San Juan Ebanghelista. Batid ni Hesus ang Kanyang gagawin, bago pa sumagot ang mga alagad sa katanungan Niya. Alam ni Hesus kung papaano Niyang pakakainin ang ganitong karaming tao - limang-libo pa nga ang bilang ng mga taong nagkatipon sa lugar na yaon. 

Hindi nakahanap ng pagkain ang mga alagad sa lugar na yaon. Dagdag pa nga ni San Felipe Apostol, napakamahal ang babayaran nila para mapakain ang ganitong karaming katao. Nakahanap si San Andres Apostol ng isang bata na may dalang pagkain. Limang tinapay at dalawang isda lamang ang dala ng batang iyon. Talagang hindi sasapat ang limang tinapay at dalawang isda para sa limang libong katao. Himala lamang ang kailangan para mapakain ang limang libong tao.

Batid ni Hesus kung ano ang Kanyang gagawin. Batid ni Hesus na kailangan Niyang gumawa ng kababalaghan para mapakain ang mga tao. Kaya, noong kinuha ni Hesus ang limang tinapay at dalawang isda, matapos manalangin at magpasalamat sa Diyos, hinati niya ang mga tinapay at isda at napakain Niya ang mga tao. Ginamit ni Hesus ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos na paramihin ang mga tinapay at isda upang pawiin ang kagutuman ng limang libong taong nagkatipon sa lugar na yaon. 

Ipinapakita ni Hesus sa Ebanghelyo na alam Niya ang pangangailangan ng bawat tao. Tinutugon din ng Panginoon ang ating mga pangangailangan sa iba't ibang paraan. Wika pa ng Panginoong Hesus noong nagturo Siya kung paanong manalangin, "Alam na ng Amang Diyos ang inyong mga pangangailangan bago ninyo hilingin ito sa Kanya." (Mateo 6, 8) Nakita natin iyon noong pinarami ni Kristo ang mga tinapay at isda upang makakain ang mga tao. Hindi man humiling ang mga tao sa Panginoon na pakainin sila. Subalit, alam ng Panginoon na gutom na gutom sila. Alam ng Panginoon na gusto nang kumain ang mga tao. 

Tunay at totoo ang tugon sa ating Salmong Tugunan ngayong araw ng Linggo. "Pinakakain Mong tunay, kaming lahat, O Maykapal." Tumutugon ang Panginoon sa ating mga pangangailangan. Hindi lamang ang ating mga pagkain o inumin ang mga ipinagkakaloob Niya sa atin. Lahat ng ating mga pangangailangan, maging pisikal, materyal o espiritwal, ipinagkakaloob Niya. Nasa Kanya ang lahat. Hinding-hindi tayo bibiguin. Hinding-hindi nagkukulang ang Panginoon. 

Dagdag pa nga ni San Juan Ebanghelista sa katapusan ng Ebanghelyo ngayon, nakapuno ng labindalawang bakol ang mga alagad. Labis-labis at sobra-sobra ang tinapay at isda. Nabusog ang lahat ng mga tao. Mula sa limang tinapay at dalawang isda, napakain ni Hesus ang limang libong katao. May mga natira pang tinapay at isda. Tamang-tama kung sakaling magutom muli sina Hesus at ang mga alagad. May makakain pa sila sapagkat sobra-sobra ang dami ng mga pagkain noong araw na yaon. Dahil sa sobrang dami ng pagkain, may natira pang mga tinapay at isdang sasapat para kina Hesus at sa mga alagad. 

Kung ang Diyos ay magkakaloob sa atin, labis-labis. Sobra-sobra. Higit pa sa ating mga inaasahan. Alam ng Diyos ang ating mga pangangailangan. Batid Niya ang lahat ng mga kailangan natin sa pang-araw-araw na buhay. Kadalasan nga, higit pa sa mga kailangan natin ang ipinagkakaloob Niya sa atin. Sa pamamagitan ng pagkakaloob ng ating mga pangangailangan, ipinapakita ng Diyos na Siya'y maunawain sa ating mga pangangailangan at mapagbigay. Pag-ibig, awa at malasakit ang dahilan kaya ang Diyos ay nakababatid at tumutugon sa pangangailangan ng tao. Dahil sa Kanyang pag-ibig, awa at malasakit sa ating lahat, Siya ay maunawain sa ating mga pangangailangan at mapagbigay. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento