Linggo, Hulyo 12, 2015

PAGMIMISYON

Hulyo 12, 2015
Ikalabinlimang Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Amos 7, 12-15/Salmo 84/Efeso 1, 3-14 (o kaya: 1, 3-10)/Marcos 6, 7-13



Bilang mga Kristiyano, tayong lahat ay may tungkuling ibinigay sa atin ng Panginoon. Ang pagsaksi sa Panginoon sa buong daigdig ang tungkuling ibinigay sa atin bilang mga Kristiyano. Marahil, sasabihin ng ilan na ipaubaya na lang natin sa Santo Papa, mga Kardinal, mga Obispo, ang kaparian, o kaya sa mga relihiyoso't relihiyosa ang tungkulin ng pagsaksi sa Panginoon sa makabagong panahon. Subalit, kahit tayo ay mga pangkaraniwang tao lamang, tayong lahat ay hinirang at isinusugo ng Panginoon na maging Kanyang mga misyonero sa buong daigdig, lalung-lalo na sa makabagong panahon. 

Si Propeta Amos ay isang halimbawa ng isang pangkaraniwang taong hinirang ng Panginoong Diyos na maging Kanyang propeta sa bayang Israel. Sa Unang Pagbasa, ipinakilala ni Propeta Amos ang kanyang sarili noong sinabihan siya ng saserdoteng si Amasias na umuwi na sa kanyang bayan upang manghula na lang doon. Ayon sa saserdoteng si Amasias, hanapbuhay lamang para kay Amos ang ginagawang panghuhula at wari'y panlilinlang sa bayan. Akala ni Amasias na naghahanap-buhay si Amos kaya siya naparoon sa bayan ng Betel. 

Tinugon naman ni propeta Amos si Amasias. Sinabi ni Amos sa saserdoteng si Amasias na hindi siya naghahanap-buhay doon sa Betel. Bagkus, naparoon siya upang maging tagapagpahayag ng mensahe ng Diyos sa bayang Israel. Dagdag pa ni Amos, isang hamak na pastol at tagapag-alaga ng mga punong igos. Subalit, hinirang siya ng Panginoong Diyos upang maging tagahatid ng Kanyang mensahe sa bayang Israel, sa kabila ng kanyang simple at payak na pamumuhay bilang tagapag-alaga ng mga tupa at mga punong igos.

Ipinahayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na tayong lahat ay hinirang ng Diyos. Si Kristo ang dahilan kaya tayo ay hinirang ng Diyos na maging Kanyang bayang sumasaksi sa Kanya. Tayong lahat ay hinirang ng Diyos sapagkat tayong lahat ay iniligtas ni Kristo sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan. Ang kamatayan ni Kristo ay naging daan patungo sa pakikipag-isa sa Kanya at ang paghirang sa atin ng Diyos bilang Kanyang bayan. 

Pinalaya tayo ni Kristo mula sa kaalipinan dulot ng kasamaan. Sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo, tinubos tayo mula sa kasamaan. Hindi na tayo mga alipin ng kasamaan. Hindi na tayo mga anak ng kadiliman. Bagkus, tayong lahat ay mga anak ng Diyos. Si Kristo, na Siyang Bugtong na Anak ng Diyos, ang ating kapatid. Tayong lahat ay naging mga anak ng Diyos sapagkat pinalaya tayo ni Kristo mula sa kasamaan at kadiliman. 

Natunghayan naman natin sa Ebanghelyo na isinugo ni Hesus ang Kanyang mga alagad para magmisyon. Ano ang kanilang misyon? Ipahayag ang Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Ang mga alagad ang magpapatuloy ng sinimulan ni Hesus. Isinugo ni Hesus ang mga alagad sa mga bayan upang mangaral at sumaksi sa paghahari ng Diyos. 

Subalit, kahit maganda at mabuting balita ang ipangngaral ng mga alagad tungkol sa paghahari ng Diyos, hindi sila tatanggapin sa mga bayan. Katulad ng natunghayan natin noong nakaraang Linggo, hindi tinanggap si Hesus sa Kanyang sariling bayan. Hindi matanggap ng mga kababayan ni Hesus sa Nazaret dahil sa Kanyang taglay na karunungan at kapangyarihan. Paano pa kaya ang mga alagad ni Hesus sa kanilang pagmimisyon? 

Ang pagmimisyon, para kay Hesus, ay hindi para matuwa ang mga tao sa mga sinasabi at itinuturo. Bagkus, ang pagmimisyon, ang pagsaksi sa kaharian ng Diyos, ay ang pagsasabi ng katotohanan. Marami ang pagdadaanan ng mga alagad na di-pagtanggap, katulad ng dinanas ni Hesus. Dinanas ni Hesus ang pagtatakwil sa Kanya sa Nazaret, at muli Niyang dinanas ang pagtatakwil ng mga tao sa Kanya noong Siya'y ipako sa krus. 

Masakit man ang katotohanang ipinangaral ni Hesus para sa ilan, hindi Siya natakot sabihin iyon. Alam ni Hesus na iyon ang kalooban ng Diyos. Tumatalima si Hesus sa kalooban ng Diyos. Hindi naparito si Hesus para gawin ang mga gusto ng tao para sa Kanya. Noong gagawin sana Siyang hari ng mga tao, si Hesus ay umalis at nagtungo sa isang ilang na lugar upang manalangin. Alam ni Hesus na hindi kalooban ng Diyos na maghari nang isang pulitikong paghahari. Alam ni Hesus na hindi kalooban ng Diyos na patalsikin Niya ang mga sumasakop sa Kanyang bayan nang may karahasan. 

Ipinangaral ni Hesus na ang kaharian ng Diyos ay isang kaharian ng awa at habag para sa lahat. Hindi naparito si Hesus, ang Diyos na naging tao, upang hatulan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito. Kaya, isinugo ni Hesus ang mga alagad upang ipalaganap ang Mabuting Balita ng kaligtasan sa lahat. Ipinagpapatuloy pa rin magpahanggang ngayon ng Simbahan ang misyong ibinigay ng Panginoon. Isinusugo rin tayong lahat na maging mga saksi sa kaharian ng Diyos. Sa ating pagmimisyon dito sa lupa, ating ipalaganap ang Mabuting Balita ng kaligtasan dulot ng awa at habag ng ating Panginoon. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento