Agosto 2, 2015
Ikalabing-Walong Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Exodo 16, 2-4. 12-15/Salmo 77/Efeso 4, 17. 20-24/Juan 6, 24-35
Ang Ebanghelyo ngayong Linggo ay ang simula ng diskurso ni Hesus tungkol sa Tinapay ng Buhay. Ipinapakilala ni Hesus ang Kanyang sarili bilang pagkaing nagmula sa langit. Siya ang bagong manna at higit pa sa mannang nahulog sa langit noong kapanahunan ni Moises. Higit pa sa pisikal na kagutuman ang pinapawi ni Hesus bilang pagkaing nagbibigay-buhay.
Sa Unang Pagbasa, napakinggan natin ang salaysay ng manna. Nagreklamo ang mga Israelita dahil wala silang makain sa ilang. Galit na galit sila kay Moises dahil sa kakulangan ng pagkain. Dahil dito, kinausap ng Diyos si Moises. At sa pag-uusap nina Moises at ng Panginoong Diyos, nangako ang Panginoon na pauulanan Niya ng tinapay ang mga Israelita kinabukasan para magkaroon sila ng pagkain para sa maghapon. Gayon nga ang nangyari. Umulan ng tinapay mula sa langit. Dininggin ng Diyos ang kahilingan ng mga tao.
Sa Ebanghelyo, nakita natin na hinahanap ng mga tao si Hesus. Nang mahanap nila si Hesus, tinanong nila kung gaanong katagal na Siya nandoon sa ibayo ng lawa. Subalit, batid ni Hesus na hindi Siya hinahanap ng mga tao dahil sa kababalaghang ginawa Niya. Bagkus, alam ni Hesus na hinanap Siya ng mga tao dahil nabusog silang lahat sa nakain nila. Noong nakaraang Linggo, ang Ebanghelyo ay tungkol sa pagpapakain sa limang libo. Pinakain ni Hesus ang limang libong katao sa pamamagitan ng limang tinapay at dalawang isda lamang.
Dito nagsimula ang diskurso ni Hesus tungkol sa Tinapay ng Buhay. Ipinapakilala ni Hesus ang Kanyang sarili bilang pagkaing nagbibigay-buhay. Ang Kanyang Katawan at Dugo ay ang pagkain at inuming nagbibigay-buhay. Nangako si Hesus na ang sinumang lumalapit at nananalig sa Kanya ay hindi na muling magugutom o mauuhaw. Si Hesus ay sapat na upang pawiin ang mga matitinding kagutuman at kauuhawan, hindi lamang sa pisikal na kagutuman at kauuhawan, kundi pati na rin sa mga espirituwal na pagkagutom at pagkauhaw.
Nagtaka ang mga tao sa mga narinig nila mula kay Hesus. Para sa mga tao, imposible naman iyon sapagkat tao lamang Siya. Hindi nila lubusang nakikilala si Hesus. Ayon sa kanila, si Hesus ay isang taong gumagawa ng mga himala at isa ring guro na nagmumula sa Nazaret. Subalit, higit pa doon si Hesus. Higit pa si Hesus kaysa sa mga inaakala nila. Hindi lamang isang guro o isang taong gumagawa ng himala si Hesus. Hindi lamang Siya taga-Nazaret. May isang bagay tungkol kay Hesus na hindi alam ng mga tao.
Para sa ating lahat, si Hesus ang Anak ng Diyos, ang Mesiyas, ang Diyos na naging taong tulad natin. Siya ang Diyos na lumikha ng lahat ng bagay. Siya ang Diyos na nakababatid sa mga pangangailangan ng tao. Alam Niya kung ano ang nakabubuti para sa ating lahat. Siya ang makapangyarihan sa lahat ng mga nilalang.
Ipinahayag ni Hesus na ang pagkaing nagmula sa langit ay ibinigay ng Ama. Akala ng mga tao na aktual na pagkain ang tinutukoy ni Hesus noong sinabi Niyang ang Ama ang nagbibigay ng pagkaing nagbibigay-buhay. Hiling nila kay Hesus na ibigay Niya sa kanila ang pagkaing iyon upang hindi na sila muling magugutom at mauuhaw. Ang kanilang kahilingan ay katulad ng kahilingan ng babaeng Samaritana kay Hesus noong nagkausap sila sa Balon ni Jacob. Hiniling ng babaeng Samaritana kay Hesus na ibigay sa kanya ang tubig na nagbibigay-buhay upang hindi na niya kailangang sumalok mula sa Balon ni Jacob.
Ang pagkaing nagmumula sa langit na tinutukoy ni Hesus ay ang Kanyang sarili. Walang pisikal na pagkain dito sa mundo ang makakapawi sa mga matitinding kagutuman at kauuhawan ng tao. Si Hesus lamang ang makakapawi sa mga ito. Sapat na si Hesus. Ang Panginoong Hesus ang pagkaing pang-kaluluwa. Lumapit at manalig tayo sa Kanya. Katulad ng sinabi ng Panginoong Hesukristo, Siya ang pagkaing nagbibigay-buhay. Binibigyan tayo ng buhay ni Kristo sa pamamagitan ng Kanyang Katawan at Dugo. Tanggapin natin Siya sa Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Sa Banal na Eukaristiya ay tinatanggap natin ang Katawan at Dugo ni Kristo, ang pagkain at inuming ibinigay ng Ama mula sa langit.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento