Linggo, Hulyo 5, 2015

PANANALIG SA GITNA NG MGA PAGSUBOK SA BUHAY

Hulyo 5, 2015
Ikalabing-Apat na Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Ezekiel 2, 2-5/Salmo 122/2 Corinto 12, 7-10/Marcos 6, 1-6


Ang tema ng mga Pagbasa ngayong araw ng Linggo ay tungkol sa mga pagsubok sa buhay. Alam naman nating siguro na ang buhay ay hindi laging masaya o maliwanag. May mga pagkakataon kung kailan nagiging madilim o malungkot ang buhay. Hindi nating maiiwasan ang mga pagsubok o mga madidilim at malulungkot na sandali sa ating mga buhay. Kusa lamang itong dumarating. Subalit, kung nagtataglay tayo ng pananalig sa Diyos, kahit kaunti lamang ito, madadaanan at mapagtatagumpayan din natin ang mga iyon. 

Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin ang salaysay ng pagsugo ng Diyos kay propeta Ezekiel. Isang napakahirap na misyon ang ibinigay ng Diyos para kay Ezekiel. Napakahirap ang papel na gagampanan ni Ezekiel. Sa kanyang pagmimisyon bilang propetang isinugo ng Diyos, may mga pagsubok na haharapin si Ezekiel. Karamihan sa kanyang mga kababayan ay hindi makikinig sa kanya dahil sa katigasan ng kanilang puso at isipan. Hindi rin siya tatanggapin ng ilan sa kanyang mga kababayan at posibleng isang karumal-dumal na kamatayan ang naghihintay din sa kanya, lalung-lalo nang kapanahunan ng pagkakatapon ng bayang Israel sa Babilonia. 

Nakaranas din ng matitinding pagsubok si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Siya'y nagkaroon ng kapansanan sa katawan at tatlong ulit siyang nanalangin sa Panginoon na ialis ang kapansanang ito mula sa kanyang katawan. Para kay San Pablo Apostol, hindi niya magagampanan nang maayos ang kanyang misyon. Kapag may kapansanan siya o mahina, hindi siya magiging matagumpay sa kanyang pangangaral at pagmimisyon. 

Subalit, sa kabila nito, sina Propeta Ezekiel at San Pablo Apostol ay nagpatuloy sa pagganap sa mga tungkuling ibinigay sa kanila ng Diyos. Bakit? Ang Panginoon ang tumutulong sa kanila sa kanilang mga misyon. Kahit mahihina pa sila, tinutulungan sila ng Panginoon. Kung hindi dahil sa pagpapala at grasyang kaloob ng Panginoon, hindi sila magiging tagumpay sa kani-kanilang pagmimisyon. Katulad ng sinabi ni Apostol San Pablo, "Kung kailan ako mahina, saka ako malakas." (2 Corinto 12, 10) Ang grasya ng Panginoon ang tumutulong sa atin sa ating mga misyon sa buhay. 

Isang nakakalungkot na pangyayari ang ating natunghayan sa Ebanghelyo ngayong araw na Linggo. Ang Diyos na naging tao, si Hesukristo, ay hindi tinanggap ng Kanyang mga kababayan sa Nazaret. Hindi hinhangaan si Hesus sa Nazaret, katulad ng paghanga sa Kanya ng mga tao sa ibang lugar sa Galilea, katulad ng Capernaum. Kung ginagalang si Hesus sa ibang bayan katulad ng Capernaum, hindi gayon ang nangyari sa Nazaret. Sa halip na tanggapin si Hesus sa Nazaret, Siya'y itinakwil nila. 

Bakit hindi tinanggap si Hesus sa Nazaret? Masasabi natin na ang mga kababayan ni Hesus sa Nazaret ay inggit lamang sa Kanya. Nainggit sila sa husay at kaalaman ni Hesus tungkol sa Banal na Kasulatan. Wala silang nakita o nakikilalang dalubhasa sa Banal na Kasulatan katulad ni Hesus. Ngayon sila nakarinig ng ganitong kahusay na tagapagsalita at tagapagpaliwanag ng Banal na Kasulatan sa katauhan ni Hesus. 

Kilala din ng mga taga-Nazaret kung sino si Hesus. Kilala nila ang Kanyang mga magulang at mga kamag-anak. Alam ng buong bayan ng Nazaret na si Hesus ang anak nina San Jose at ng Mahal na Birheng Maria. Marami silang alam tungkol kay Hesus, Maria at Jose. Alam nila na si Maria ay dalaga pa lamang noong dinadala niya si Hesus sa kanyang sinapupunan. Si San Jose naman ay kilala sa Nazaret bilang karpintero at kabiyak ng puso ng Birheng Maria. 

Ang kalungkutan diyan, ginamit ng mga kababayan ni Hesus ang kanilang kaalaman tungkol sa Kanya upang hindi tumanggap sa Kanya bilang kaisa nila. Hindi nila ipinagmamalaki si Hesus. Hindi rin sila nanalig kay Hesus. Bagkus, si Hesus ay itinakwil, pinagdudahan at ikinahiya ng mga kababayan Niya sa Nazaret. Napakasakit siguro para kay Hesus na makita at marinig sa mga labi ng Kanyang mga kababayan na hindi Siya tanggap sa bayan Kanyang kinalakihan. 

Subalit, sa kabila ng di-pagtanggap sa Kanya sa Nazaret, nagpatuloy si Hesus sa Kanyang misyon. Nananalig Siya na ang Ama at Espiritu Santo ay kasama pa rin Niya, kahit na Siya'y itinakwil sa Nazaret. Hindi naging dahilan para kay Hesus ang di-pagtanggap sa Kanya sa Nazaret para umatras sa misyong ibinigay sa Kanya ng Ama. Patuloy Niyang sinundan ang Kanyang misyon hanggang sa mabuo ito sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. 

Alam ng Panginoon ang pakiramdam ng mga pagsubok sa buhay. Alam ng Panginoon na tayo ay nasasaktan kapag hindi tayo tinatanggap o iginagalang. Naranasan ng Panginoon ang lahat ng ito. Sa panahon ng mga pagsubok, kasama natin ang Diyos. Kaisa natin ang Diyos. Tutulungan tayo ng Diyos na makabangon mula sa mga matitinding pagsubok sa ating buhay. Hindi tayo nag-iisa. Kasama natin ang Diyos at tutulungan Niya tayong pagtagumpayan ang ating mga personal na pagsubok sa buhay.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento