Sabado, Hulyo 18, 2015

AWA AT MALASAKIT

Hulyo 19, 2015
Ikalabing-Anim na Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Jeremias 23, 1-6/Salmo 22/Efeso 2, 13-18/Marcos 6, 30-34



Napakabilis ng panahon. Sa simula ng taong ito, ang Santo Papa Francisco ay dumalaw sa ating bansa. Karamihan sa ating lahat ay pinalad na makakita si Papa Francisco noong bumisita siya sa Pilipinas. Ang tema ng kanyang apostolikong pagdalaw sa Pilipinas noong nakaraang Enero ay, "Awa at Malasakit." Sa kanyang pagbisita sa bansa, naipadama ng Santo Papa ang Awa at Malasakit ng Panginoon sa ating lahat, lalung-lalo na sa mga dukha. Mga anim na buwan na ang lumipas magmula noong si Santo Papa Francisco sa ating bansa. 

Muli nating napakinggan sa mga Pagbasa ngayong araw ng Linggo ang tema ng Awa at Malasakit ng Panginoong Diyos. Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin na nadidismaya ang Panginoon sa mga pastol na walang malasakit sa kanilang mga tupa. Ang ibig sabihin, ang mga pinuno ng bayang Israel ay walang awa at malasakit sa mga Israelita. Naliligaw ng landas ang mga Israelita, subalit walang ginagawa ang mga pinuno nito. Galit ang Panginoon sa inaasal ng mga nagsisilbing pastol ng Kanyang bayan. 

Dahil dito, nangako ang Diyos na magpapadala at magsusugo Siya ng isang tunay na pastol na mangangalaga ng Kanyang mga tupa. Magpapadala Siya ng isang hari o pinuno na mamamahala sa bayang Israel. Sa pamumuno ng pinunong ipapadala ng Diyos, muling pag-iisahin ang mga nawawalang tupa ng bayang Israel. Ang mga nawawalang tupa ay mahahanap muli. Magkakaisa muli ang kawan ng bayang Israel. Natupad ang propesiya ni propeta Jeremias sa katauhan ni Hesus, ang Mesiyas, ang Tagapagligtas ng sansinukob. 

Ipinapaalala sa atin ni San Pablo Apostol sa Ikalawang Pagbasa na tayong lahat ay pinag-isa ni Kristo. Tayong lahat ay naligaw ng landas at nagkawatak-watak, subalit pinag-isa tayong lahat ng Panginoong Hesukristo. Si Kristo ang naging daan tungo sa pagkakaisa ng kawan. Paano Niya ginawa? Sa pamamagitan ng paghahain ng Kanyang buhay sa krus. Ang pagkamatay ng Panginoon sa krus ay naging daan tungo sa pagkakaisa ng Kanyang kawan. Bakit Niya ginawa iyon? Ang Kanyang awa at malasakit sa ating lahat, ang Kanyang kawan. 

Sa ating Ebanghelyo, napakinggan natin na binalak magpahinga si Hesus kasama ang Kanyang mga alagad sa isang ilang na lugar. Bumalik ang mga alagad kay Hesus mula sa misyong ibinigay sa kanila ni Hesus. Pagod na pagod na ang mga alagad. Naawa si Hesus sa kanila. Alam Niya na naghirap ang mga alagad sa kanilang misyon. Kaya, inanyayahan Niya ang mga alagad na magpahinga sa isang ilang na lugar na kasama Niya. 

Habang tumungo ang Panginoong Hesus at ang mga alagad sa pupuntahan nila, nakita at nakilala sila ng napakaraming tao. Sinundan nila si Hesus at ang mga alagad at naunahan pa nga nila sina Hesus sa lugar na binalak nilang puntahan. Nang makita ni Hesus ang mga tao, muli Siyang naawa. Naawa ang Panginoon sa mga tao sapagkat ang mga taong sumunod sa kanila ay parang mga tupang walang pastol. Naliligaw na sila ng landasin. Hindi nila alam kung saan sila dapat tumungo. Kaya, tumungo ang mga tao kay Hesus. 

Binalak ni Hesus na magpahinga sa lugar na yaon. Subalit, hindi na Siya nakapagpahinga. Dahil sa Kanyang awa at malasakit sa mga tao, pinaglingkuran Niya ang napakaraming taong sumunod sa Kanya. Kahit pagod na pagod na siguro si Hesus sa mga sandaling iyon, hindi iyon naging hadlang para sa Kanya upang paglingkuran ang mga taong sumunod sa Kanya at pumunta sa dakong iyon upang makita Siya. Karamihan pa nga sa mga taong pumunta sa dakong yaon ay nagmula pa sa mga malalayong lugar. 

Sa ikatlong araw ng kanyang apostolikong pagdalaw ng Santo Papa sa bansa noong nakaraang Enero, siya'y pumunta sa Leyte. Paglapag ng kanyang erpolano sa Paliparan ng Tacloban, pinangunahan ng Santo Papa Francisco ang Misa sa stage na itinayo sa tarmak ng Tacloban Airport. Bago nagsimula ang Santa Misa ng Santo Papa, nagbigay ang mga organizer ng mga suhestiyon para sa Santo Papa. Ang unang suhestiyon ay isagawa na lamang sa backstage ng altar at ipalabas ang Misa ng Santo Papa sa LED Screens upang mapanood ng mga tao. Ang ikalawang suhestiyon, ayon sa ilang sources, ay isagawa na lang ng Papa ang Misa sa Katedral ng Palo. Mag-momotorcade na lang ang Santo Papa patungong Palo Cathedral, at doon isagawa ang Banal na Misa. 

Subalit, ang sagot ng Santo Papa, "But why? Where are the people? No, no, no." (Pero bakit? Nasaan ang mga tao? Hindi, hindi, hindi.) Hindi pumayas si Papa Francisco na ilipat sa ibang lugar ang Misa upang sa gayon ay hindi siya mabasa habang nagmimisa. Bagkus, pinili ng Santo Papa na magmisa sa gitna ng bagsik ng bagyong Amang upang makapiling niya ang mga naging biktima ng kalamidad, lalung-lalo na ng bagyong Yolanda noong 2013.

Makikita natin na tinularan ng Santo Papa ang ginawa ni Hesus sa Ebanghelyo. Bagamat pagod na pagod na si Hesus at ninais Niyang magpahinga, pinaglingkuran ni Hesus ang napakaraming taong pumunta sa dakong yaon upang makita at mapakinggan Siya. Isinantabi at ipinagpaliban muna ni Hesus ang pagpapahinga upang paglingkuran ang mga taong sumunod sa Kanya. 

Tinularan ng Santo Papa Francisco ang halimbawang ito, lalung-lalo na noong siya'y nasa Leyte. Tandaan din natin, si Papa Francisco'y hindi perpekto. Hindi siya diyos. Tao din siya katulad natin. Siya ang Bikaryo ni Kristo dito sa lupa. Subalit, sinikap niyang tularan ang Panginoon sa kabila ng kanyang katauhan. Kung kinaya niyang tularan ang halimbawa ni Hesus, kayang-kaya din natin iyon. Hinahamon tayo ngayon na maglingkod na may habag at malasakit, katulad ng ating Panginoong Hesukristo. 

Panginoon, tulungan Mo kaming maging maawain at mapagmalasakit, katulad Mo. Amen. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento