Lunes, Hunyo 29, 2015

SAN PEDRO AT SAN PABLO APOSTOL: DALAWANG DAKILANG MARTIR NA NAMATAY PARA SA SIMBAHAN

Hunyo 29, 2015
Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo (B)
Mga Gawa 12, 1-11/Salmo 33/2 Timoteo 4, 6-8. 17-18/Mateo 16, 13-19 


Sina San Pedro at San Pablo Apostol ay kilala bilang mga haligi ng Simbahan. Ang dalawang Santong ito ay ang dakilang santo ng Inang Simbahan. Buong katapangan at katapatan ipinangaral ang Mabuting Balita ni Hesukristo sa bawat dako hanggang sa araw ng kanilang kamatayan. Ayon sa tradisyon, magkaparehas ang araw ng kanilang kamatayan. Marahas na kamatayan ang dinanas ng dalawang santong ito - si San Pedro Apostol ay ipinako sa krus nang patiwarik, sapagkat hindi siya karapat-dapat mamatay katulad ni Kristo; si San Pablo Apostol naman ay pinugutan ng ulo. 


Maraming pagkakataon sa kani-kanilang mga buhay kung saan nakaranas sina Apostol San Pedro at San Pablo ng karahasan. Ilang ulit silang dinakip ng mga autoridad, at ilang ulit silang binalak patayin, katulad ng ibang mga apostol ni Kristo. Subalit, nanatili silang matatag sa kanilang pananampalataya sa Diyos at patuloy na ipinangaral ang Mabuting Balita hanggang sa kanilang pagpanaw. 

Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin na idinakip si San Pedro Apostol ni Haring Herodes. Bago dinakip si San Pedro Apostol, pinagbitay niya si Santiago Apostol, ang kapatid ni San Juan Apostol. Paano binitay ni Haring Herodes si Santiago Apostol? Pinugutan ang ulo ni Santiago Apostol. Napakarahas ang kamatayang dinanas ni Santiago Apostol. Hindi lang iyon ang binalak ni Haring Herodes. Binalak niyang usigin at patayin ang mga apostol. Gusto niyang wasakin ang Simbahang itinatag ni Kristo dito sa mundo. 

Binalak ni Haring Herodes na iharap si San Pedro Apostol sa bayan kinabukasan. Subalit, hindi iyon natuloy. Bakit? Ipinadala ng Panginoon ang Kanyang anghel mula sa langit upang itakas si Pedro mula sa kagipitan at pag-uusig ni Haring Herodes. Hindi pa iyon ang panahon kung kailan magwawakas ang buhay ni San Pedro Apostol. Marami pa siyang kailangang gawin. 

Nakaranas din si San Pablo Apostol ng mga karahasan sa kanyang buhay. Noong siya ay nasa Listra, pinalakad niya ang isang lumpo. Akala ng mga taga-Listra na sina San Pablo at San Bernabe na sila ay mga diyos ng mga Griego. Kaya, sinamba ng mga taga-Listra sina San Pablo at San Bernabe. Ngunit, isang araw, dumating ang ilang Hudyo mula sa Antioquia at Iconio. Sinulsulan nila ang mga tagaroon para batuhin nila sina San Pablo Apostol at San Bernabe. Binato nila si San Pablo Apostol hanggang sa akala nilang patay na siya. Ngunit nang pinalagiran na ng mga alagad si San Pablo Apostol, tumindig siya nang buhay (Mga Gawa 14, 8-20). 

Inamin din ni Apostol San Pablo na limang ulit siyang hinagupit ng mga Hudyo sa kanyang ikalawang Sulat sa mga taga-Corinto. Sinabi niyang tatlumpu't siyam ulit siyang hinampas ng mga Hudyo bawat pagkakataon. Limang pagkakataon siyang hinagupit at hinampas. Minsan din siyang binato, at tatlong ulit siyang hinagupit ng mga Romano (2 Corinto 11, 24-26).

Humantong ang kanilang paglilibot sa mundo upang ipalaganap ang Mabuting Balita sa kanilang kamatayan. Marahas ang paraan ng kamatayang dinanas ng dalawang dakilang apostol at martir ng Simbahan. Si San Pedro Apostol ay ipinako sa krus nang patiwarik. Hiniling iyon ni San Pedro Apostol sa mga autoridad sapagkat para sa kanya, hindi siya karapat-dapat mamatay katulad ng Panginoong Hesukristo. Si San Pablo Apostol naman ay pinugutan ng ulo ng mga Romano. 

Sa kabila ng mga karahasang dinanas nila, nanatiling tapat sina San Pedro at San Pablo Apostol sa kanilang tungkulin bilang mga apostol ni Kristo. Ipinalaganap at ipinangaral nila sa lahat ng dako ang Mabuting Balita. Marami ang naging Kristiyano dahil sa mga pangangaral ng mga apostol, lalung-lalo na nina San Pedro at San Pablo Apostol. Dahil doon, marami ang piniling maging martir para sa pananampalataya kaysa itakwil si Kristo. 

Tunay ngang mga dakilang apostol at martir sina San Pedro at San Pablo Apostol. Dahil sa paghirang ni Hesus sa kanilang dalawa, naipalaganap sa daigdig ang Mabuting Balita. Magkaiba ang pamamaraan ng paghirang ni Hesus kina Apostol San Pedro at San Pablo. Subalit, hinirang silang dalawa ni Hesus para sa kaisa-isang misyon - ipalaganap sa daigdig ang Mabuting Balita. Laganap na sa daigdig ang Mabuting Balita ng Panginoon at ang Simbahang itinatag ni Kristo. Sapagkat pandaigdigan ang misyon ng Simbahan - ang pagpapahayag at pagpapalaganap ng Mabuting Balita ng kaligtasan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento