Hunyo 13, 2015
Paggunita kay San Antonio de Padua, pari at pantas ng Simbahan
2 Corinto 5, 14-21/Salmo 102/Mateo 5, 33-37
Dalawang paggunita ang ipinagdiriwang natin ngayong araw na ito. Ang una ay ang Paggunita sa Kalinis-linisang Puso ng Mahal na Birheng Maria. Tuwing Sabado kasunod ng Dakilang Kapistahan ng Mahal na Puso ni Hesus, ginugunita ng Simbahan ang Kalinis-linisang Puso ng Birheng Maria. Ang ikalawa naman ay ang Paggunita kay San Antonio de Padua. Tuwing ika-13 ng Hunyo ay ginugunita ng Santa Iglesia si San Antonio de Padua. Kakatuwang pansin na tumugma ang dalawang paggunitang ito sa iisang araw ngayong taong ito.
Bago siya naging Franciscano, si San Antonio de Padua ay ipinanganak sa isang mayamang pamilya. Subalit, tinalikuran niya ang buhay na punung-puno ng kayamanan at pinili niyang maging pari. Noong una, si San Antonio de Padua ay naging Agustino. Subalit, nabalitaan niya na may limang Franciscanong na nag-alay ng buhay bilang mga martir alang-alang sa Mabuting Balita at sa pananampalatayang Katoliko. Ang balitang ito ang nag-akit kay San Antonio na lumipat ng orden. Mula sa pagiging Agustino, siya'y naging Franciscano. Pinangarap din ni San Antonio na mag-alay ng buhay alang-alang sa Mabuting Balita at sa pananampalatayang Katoliko.
Subalit, kahit hindi siya namatay katulad ng isang martir, namuhay ng isang banal na pamumuhay si San Antonio de Padua. Namuhay siya na puno ng karukhaan. Sa kabila ng kanyang karukhaan, nangaral siya tungkol sa Mabuting Balita at ipinalaganap niya ang pananampalatayang Katoliko. Ipinangtanggol niya ang pananampalatayang Katoliko mula sa mga erehe. Masigasig siyang nangaral sa lahat tungkol sa Salita ng Diyos.
Ang pamumuhay ni San Antonio de Padua ay hindi naging madali. Namuhay siya ng isang buhay ng karukhaan. Sa kanyang pangangaral at pagmimisyon, hindi siya nagtaglay ng anumang kayamanan o damit. Hindi siya nagdala o nagbaon ng anumang kayamanan, damit, lukbutan o pagkain. Bagkus, ang tanging dala lamang niya ay ang Salita ng Diyos. Nangaral siya sa lahat tungkol sa Salita ng Diyos. Ang biyaya ng pangangaral na mula sa Diyos ang tanging dinala ni San Antonio de Padua sa kanyang pagmimisyon.
Tayong lahat ay mga dukha rin. Maaaring nagtataglay tayo ng mga ari-arian o kayamanan. Subalit, sa paningin ng Diyos, tayong lahat ay mga maralita. Walang taong mas mataas ang posisyon sa ibang tao sa mata ng Diyos. Sa mata ng Diyos, tayong lahat ay pantay-pantay. Tayong lahat ay mga dukha sa mga mata ng Diyos. Ang Diyos lamang ang nasa pinakamataas na posisyon, at wala nang makakaabot sa Kanyang posisyon.
Kahit tayo'y mga maralita sa paningin ng Diyos, tinatawag at pinipili tayo ng Panginoon na mamuhay nang payak at ipalaganap ang Mabuting Balita. Hindi natin kailangang maging banal o mayaman upang maging piliin ng Diyos. Tayong lahat ay pinili ng ating Panginoon upang ipalaganap ang Mabuting Balita. Tinatawag tayong lahat ni Kristo na maging mga misyonero Niya sa makabagong panahon, tulad ni San Antonio de Padua.
Hindi tayo kailangang maging espesyal o mayaman para maging banal. Hindi natutumbasan sa galing o kayamanan ang pagiging banal. Tinatawag ng Diyos ang mga makasalanan at mga simpleng tao upang maging banal. Katulad ni San Antonio de Padua. Bago siya naging pari, namuhay siya ng isang mayamang pamumuhay. Subalit, nagbago ang lahat noong pinili maging pari si San Antonio de Padua. Buong pagpapakumbabang ibinigay ni San Antonio de Padua ang kanyang buhay sa Diyos. Sa pagpanaw ni San Antonio, itinaas naman siya ng Panginoon. Ginantimpalaan ng Diyos si San Antonio para sa kanyang pagpapakumbaba, pag-aalay ng buhay sa Diyos at kabanalan.
O Diyos, tulungan Mo kaming mamuhay nang simple at payak, katulad ni San Antonio de Padua. Amen.
San Antonio de Padua, ipanalangin mo kami.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento