Hunyo 14, 2015
Ikalabing-Isang Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Ezekiel 12, 22-24/Salmo 91/2 Corinto 5, 6-10/Marcos 4, 26-34
Dalawang talinghaga ang mapapakinggan natin sa Ebanghelyo natin ngayon. Ang dalawang talinghagang itinuro ni Hesus ay ang Talinghaga ng Binhing Tumutubo at ang Talinghaga ng Butil ng Mustasa. Sa pamamagitan ng dalawang Talinghagang ito, itinuturo sa atin ni Hesus na ang lahat ay nagsisimula sa pagiging maliit. Habang lumilipas ang panahon, unti-unti lumalaki at lumalago ang bagay na iyon.
Gamitin natin ang siklo ng buhay ng isang tao, bilang isang halimbawa. Nagsisimula ang tao bilang isang sanggol. Paglipas ng ilang taon, mula sa pagiging isang munting sanggol, siya ay nagiging isang bata. Lumipas na naman ng ilang taon, siya ay nagbibinata. Dumaan na naman ang ilang taon, ang tao ay nasa sapat na gulang na. Mayor de edad na siya. Siya ay nasa sapat na gulang na. At paglipas na naman ng maraming taon, siya ay tumatanda na. Ganun ang buhay natin bilang tao. Bilang tao, tayo ay tumatanda bawat oras, bawat araw, bawat taon.
Tayong lahat ay hindi nananatiling bata. Hindi tayo nananatiling sanggol. Hindi tayo nananatiling maliit. Bagkus, tayo ay paunti-unting tumatanda at lumalaki. Darating ang panahon kung kailan ang anak ng isang mag-asawa ay magiging isang lalaki o babaeng nasa sapat na gulang.
Noong dumating ang Kristiyanismo sa Pilipinas noong 1521, nagsimula ito bilang isang maliit na komunidad. Isang munting komunidad dito sa Pilipinas ang grupo ng mga Katoliko. Ang mga Espanyol lamang ang nagiging Katoliko. Ginawa ng mga paring Espanyol ang lahat upang ipalaganap ang pananampalatayang Katoliko dito sa Pilipinas. Noong mga kapanahunang yaon, hindi pa nakikilala ng mga Pilipino si Kristo.
Sa paglipas ng panahon, unti-unting lumaganap ang pananampalatayang Katoliko sa buong Pilipinas. Kilala na ang Pilipinas bilang pangatlong pinakamalaking Katolikong bansa dito sa mundo. Laganap ngayon sa buong Pilipinas ang pananampalatayang Katoliko. Buhay na buhay ang Katolisismo dito sa Pilipinas. Marami din po sa ating mga Pilipinong Katoliko ang may Debosyon kay Kristo, sa Mahal na Birheng Maria at sa mga Santo. Iilan lamang sa mga masisikat na Debosyon sa Panginoong Hesukristo dito sa Pilipinas ay ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Quiapo at ang Santo Niño. Sa Mahal na Ina naman, nandoon ang Debosyon sa Ina ng Laging Saklolo, sa Birhen ng Guadalupe, at sa punong pintakasi ng Republika ng Pilipinas, ang Inmaculada Concepcion. May dalawa tayong mga Santong Pilipino - si San Lorenzo Ruiz at si San Pedro Calungsod.
Ang nakakalungkot lamang tungkol dito ay sa panahon ngayon, taliwas ang ilang paniniwala natin sa pananampalatayang Katoliko. Halimbawa, marami po sa atin na dapat ipasabatas ang diborsyo. Subalit, malinaw na malinaw ang turo ng Simbahan tungkol sa diborsyo. Labag sa utos ng Diyos ang diborsyo. Ang Panginoon pa nga ang nagsabi noong itinanong Siya ng mga Pariseo tungkol sa paghihiwalay na hindi maaaring paghiwalayin ng tao ang pinagsama ng Maykapal. Sinusunod ng Simbahan ang batas ng Panginoon. Ito ang dahilan kung bakit tumututol ang Simbahan sa diborsyo.
Isa pang nakakalungkot na bagay - hinihiwalay natin ang ating buhay sa loob ng Simbahan sa ating buhay sa labas ng Simbahan. Tayo ay nagdarasal nang mataimtim kapag tayo ay nasa loob ng Simbahan. Subalit, paglabas natin sa Simbahan, balik sa normal na gawain. Bumabalik tayo sa dati o pangkaraniwan nating mga gawain. Marami sa atin, kapag lumabas tayo sa Simbahan, nakikipagchismisan na kapag nakita natin ang ating ka-chismis.
Magkakaugnay ang ating buhay sa loob ng Simbahan sa buhay sa labas ng Simbahan. Hindi maaaring hiwalayin ninuman ang kanyang buhay sa loob ng Simbahan sa kanyang buhay sa labas ng Simbahan. Sa tuwing magtatapos ang Misa, sinasabi ng pari, "Taglayin ninyo sa inyong pag-alis ang kapayapaan ni Kristo," o kaya, "Tapos na ang Misa. Humayo kayong mapayapa." Sa ating paghayo sa pagtatapos ng Banal na Misa, inaanyayahan tayo ng Simbahan na lumago at lumaki pa ang ating pananampalataya sa Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento