Hunyo 28, 2015
Ikalabintatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Karunungan 1, 13-15; 2, 23-24/Salmo 29/2 Corinto 8, 7. 9. 13-15/Marcos 5, 21-43 (o kaya: 5, 21-24. 35b-43)
Pananalig. Ito ang tema ng ating Ebanghelyo ngayong araw ng Linggo. Pananalig ang dahilan kaya nakagawa si Hesus ng dalawang himala sa salaysay ng ating Ebanghelyo ngayong araw ng Linggo. Sa mahabang Pagbasa ng Ebanghelyo natin ngayon, pinagaling ni Hesus ang isang babaeng dinudugo sa loob ng labindalawang taon, at muli Niyang binuhay ang anak ni Jairo. Ipinahihiwatig ng Ebanghelyo ngayong Linggo na malaki ang maitutulong ng pananalig sa ating pagluhog sa Panginoon. Pananalig ang susi upang tulungan tayo ng Panginoon.
Sa mahabang Pagbasa ng ating Ebanghelyo, mapapakinggan natin sa unang bahagi na may isang babaing labindalawang taon nang dinudugo. Marami siyang napuntahang mga doktor o manggagamot, subalit hindi siya gumagaling. Sa loob ng labindalawang taon, pumupunta siya sa mga manggagamot, ngunit hindi kayang pagalingin ng mga manggagamot ang kanyang sakit.
Noong nabalitaan Niyang dumadaan ang Panginoong Hesus sa kanilang lugar, nagkaroon Siya ng pag-asa. Umasa ang babaing papagalingin siya ng Panginoong Hesus. Subalit, napakalaki ang bilang ng mga taong pumupunta at sumusunod sa Kanya. Papunta sina Hesus at ang mga alagad sa bahay ni Jairo upang pagalingin ang kanyang anak. Habang papunta sila, napakarami ang mga taong sumusunod kay Hesus. Nagsisiksikan at nagtutulakan ang mga tao dahil kay Hesus.
Hindi magiging madali para sa babae na gumaling. Subalit, determinado siyang gumaling. Malaki ang kanyang pananalig na siya ay gagaling dahil kay Kristo. Sabi niya sa sarili, "Mahawakan ko lamang ang tela ng Kanyang damit, gagaling na ako." Napakalaking pananalig ang ipinakita ng babaing ito. Hindi na mahalaga para sa kanya na hilingin sa Panginoon na pagalingin siya. Nananalig siyang pagagalingin siya ng kapangyarihan ni Hesus, kahit mahawakan lamang ang tela ng kanyang damit.
Naramdaman ni Hesus na may kapangyarihang nawala sa Kanya. Alam Niyang may humipo sa Kanya. Hindi Niya naramdaman iyon noong nagsisiksikan ang mga tao sa Kanya. Subalit, alam Niyang isa sa mga sumusunod sa Kanya ang humipo sa Kanya. Nawala pa nga ang Kanyang kapangyarihan dahil may humipo sa Kanya. Sa dinami-dami ng mga nagsisiksikan at nagtutulakan sa Kanya, alam ng Panginoong Hesus na may humawak sa Kanya. Dahil sa paghipo sa Kanya, naramdaman ni Hesus na nawala ang Kanyang kapangyarihan.
Umamin ang babae na siya nga ang humawak kay Kristo. Alam niyang siya ay pinagaling ng kapangyarihan ni Kristo, kahit hindi siya nagpaalam o dumulog sa Kanya na pagalingin siya. Nakita ng Panginoon ang malalim na pananalig ng babaeng ito. Gumaling ang babaing ito dahil sa kanyang pananalig na siya'y pagagalingin ng kapangyarihan ni Kristo. Kahit hindi siya sumamo kay Kristo na pagalingin ang kanyang karamdaman. Nananalig siya na kahit mahawakan lamang niya ang tela ng damit ni Kristo, gagaling siya.
Noong nabalitaan ni Jairo na patay na ang kanyang anak, nawalan na siya ng pananalig. Sabi nga ng mga dumating sa bahay ni Jairo na inaaksaya lamang niya ang oras ng Panginoong Hesukristo. Wala nang dahilan pa para papuntahin si Hesukristo sa kanyang bahay. Binawian ng buhay ang anak ni Jairo. Masakit man para kay Jairo na tanggapin ang katotohanan, tinanggap niya ang katotohanang ito at nawalan siya ng pananalig. Nang marinig ito ni Hesus, nilakasan Niya ang loob ni Jairo at sinabihang manalig lamang siya at mabubuhay ang kanyang anak.
At noong dumating na sina Hesus at Jairo sa tahanan ni Jairo, muling binuhay ni Hesus ang anak ni Jairo. Sa isang utos ni Hesus sa bata, dumilat ang mga mata ng dalagita at tumindig siya sa harapan nina Jairo at ng kanyang mga kamag-anak. Ang hapis at kalungkutan ni Jairo at ng kanyang pamilya ay nawala na. Muling binuhay ni Hesus ang anak ni Jairo.
Napakalaki ng makakagawa ng pananalig natin sa Diyos. Kinakailangan nating magkaroon ng pananalig sa dakilang kapangyarihan ng Diyos. Ito ang kauna-unahang hakbang upang makamtan natin ang tulong ng Diyos. Dinirinig at dinidinggin ng Panginoon ang mga dalangin ng mga nananalig sa Kanya. Ang pananalig sa Diyos ang susi upang pakinggan at tugunan ng Panginoon ang ating mga pagsamo at pagdalangin sa Kanya. Hinding-hindi Niya binibigo ang mga taong may pananalig sa Kanya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento