Linggo, Hunyo 21, 2015

SAN JUAN BAUTISTA: IPINAHAYAG ANG KAGILIWAN NG DIYOS SA ABANG SANLIBUTAN

Hunyo 24, 2015
Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista (ABK) 
Isaias 49, 1-6/Samo 138/Mga Gawa 13, 22-26/Lucas 1, 57-66. 80 



Isang napakagandang pagdiriwang ang ipinagdiriwang ng Simbahan ngayon - ang Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista. Ano ang kahalagahan ni San Juan Bautista sa buhay ni Kristo at sa buhay ng Simbahan? Si San Juan Bautista ang tagahanda ng daraanan ng Mesiyas, ang huling propeta bago ang pagdating ni Kristo. Hinanda niya ang daraanan ni Kristo. 

Buong buhay nangaral si San Juan Bautista sa Ilog Jordan tungkol sa pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Tinawagan niya ang mga Israelita na tumalikod sa kasamaan at magpabinyag bilang tanda ng pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos at upang maging handa sila para sa pagdating ng Mesiyas. Bakit siya nangaral tungkol sa pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos? Ang kahulugan ng kanyang pangalan ang dahilan kaya si San Juan Bautista ay nangaral tungkol sa pagsisisi at nagbibinyag - Magiliw ang Diyos

Ang Diyos ang pumili at humirang kay San Juan Bautista upang maging tagapaghanda ng daraanan ng Panginoong Hesukristo. Pinili at hinirang si San Juan Bautista upang mangaral tungkol sa pagsisisi at magbinyag ng mga tao bilang paghahanda sa pagdating ng Panginoong Hesukristo. Hindi nangangaral at nagbibinyag si San Juan Bautista dahil sa kanyang sariling autoridad. Hindi nanggaling sa kanyang sarili ang karapatang iyon. Ibinigay kay San Juan Bautista ng Diyos ang karapatang iyon. 

Pinili at hinirang ng Diyos si San Juan Bautista bilang tagapaghanda ng daraanan ng Mesiyas, si Hesus. Kagustuhan ng Diyos ang maihanda ang bayang Israel para sa pagdating ng Panginoon. Tinatawag ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ni Juan Bautista upang magsisi at magbalik-loob sa Diyos. Ipinapahayag ng Diyos sa pamamagitan ni Juan Bautista ang Kanyang kagiliwan sa santinakpan. Ayaw Niyang manatiling makasalanan ang sangkatauhan. 

Nangaral din si San Juan Bautista tungkol kay Hesus. Si Hesus ang tinutukoy ni San Juan Bautista noong sinabi niyang may isang higit na dakila kaysa sa kanya ang darating. Sinabi pa ni Juan Bautista na hindi siya karapat-dapat na magkalag ng tali ng sandalyas ni Hesukristo. Dagdag ni Juan Bautista, nagbibinyag siya sa tubig para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan, ngunit iba ang binyag ni Hesus. Si Hesus ay magbibinyag sa pamamagitan ng Espiritu Santo at sa apoy. 

At noong makita ni San Juan Bautista ang Panginoong Hesukristo na dumadaan sa lugar, ipinakilala niya ang Panginoong Hesukristo bilang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan. Dagdag pa ni San Juan Bautista, si Hesus ang higit na dakila na susunod sa kanya. Sa pamamagitan ng pagturo kay Hesus, ipinakilala sa buong sanlibutan ang Mesiyas. Ipinahayag ni San Juan Bautista na dumating na ang Diyos ng kagiliwan dito sa sansinukob. 

Kay San Juan Bautista rin nanggaling ang mga katagang, "Kinakailangang si Hesus ay maging dakila, at ako nama'y mababa." (Juan 3, 30) Alam ni San Juan Bautista ang kanyang misyon - ipahayag ang kagiliwan ng Diyos sa pamamagitan ng pangangaral tungkol sa pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos at pagbibinyag sa mga taong nagsisisi bilang paghahanda para sa pagdating ni Kristo. Hindi nainggit si San Juan Bautista na mas dumami pa ang mga tagasunod ng Panginoon kaysa sa kanya. Alam ni Juan Bautista na higit na dakila kaysa sa kanya si Kristo. Tagapaghanda lamang si Juan Bautista ng daraanan ni Kristo. 

Habang siya'y nabubuhay, si San Juan Bautista ay nangaral tungkol sa kagiliwan ng Diyos. Magiliw ang Diyos sa lahat ng tao, lalung-lalo na sa mga makasalanan. Hinding-hindi ipagkakait ng Diyos ang Kanyang kagiliwan o kabutihan, kahit sa pinakamalaking makasalanan. Bagkus, patuloy na ipapadama ng Diyos ang Kanyang kagiliwan, awa at malasakit sa lahat, kahit gaano mang kabigat ang kasalanan ng sangkatauhan. Kaya Niya hinirang at sinugo si Hesus at si San Juan Bautista - upang ipahayag ang Mabuting Balita tungkol sa kagiliwan ng Diyos at ang kaligtasan dulot nito. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento