Hunyo 13, 2015
Paggunita sa Kalinis-linisang Puso ng Birheng Maria
Isaias 61, 9-11/1 Samuel 2/Lucas 2, 41-51
Ang pagdiriwang natin ngayon ay may ugnayan sa Kapistahan natin kahapon. Kung kahapon ay ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Mahal na Puso ni Hesus, ngayong araw naman ay ginugunita natin ang Kalinis-linisang Puso ng Birheng Maria. Sinasagisag ng puso ng Mahal na Birheng Maria ang buhay ng Mahal na Birhen. Maraming dinanas si Maria sa kanyang buhay na may ugnayan kay Hesus. Nakaranas si Maria ng tuwa at hapis dahil kay Hesus.
Magkaiba ang Ebanghelyo natin ngayong araw na ito sa Ebanghelyo natin kahapon. Kahapon, natunghayan natin ang pag-ulos ng isang Romanong sundalo ng kanyang sibat sa tagiliran ni Hesus. Dumaloy ang dugo at tubig mula sa tagiliran ni Hesus. Ang Ebanghelyo naman ngayon ay tungkol sa paghahanap ni San Jose at ng Mahal na Birheng Maria sa Batang Hesus sa Jerusalem. Ang dalawang pangyayaring ito ay ilan lamang sa mga hapis sa buhay ni Maria.
Noong inulos ang tagiliran ni Hesus, patay na Siya. Sinugatan ang puso ng Panginoong Hesukristo upang siguraduhin na Siya'y patay. Pero, ang nakadama ng pag-ulos na yaon ay ang Mahal na Birheng Maria. Noong inulos ang tagiliran ni Hesus, tinanggap ni Maria ang sakit dulot ng pag-ulos ng sundalong Romano sa tagiliran ng kanyang Anak. Ang tulis ng sibat ay naramdaman ni Maria sa kanyang puso. Dahil sa ugnayan ni Maria kay Hesus, naramdaman niya ang sakit dulot ng sibat ng sundalong Romano.
Hindi laging maginhawa ang pag-ibig. May mga pagsubok din kapag tayo ay umiibig. Hindi punung-puno ng kaginhawahan at kapayapaan ang pag-ibig. Sa pag-ibig, mayroon ding mga pagsubok na naghihintay. Maraming mga paghihirap dahil sa pag-ibig. Kung tunay ang pagmamahal ang isang tao, titiisin niya ang lahat ng mga pagsubok at paghihirap alang-alang sa kanyang minamahal.
Isang halimbawa nito ang pag-ibig ng Panginoong Hesus at ng Birheng Maria. Hindi naging madali ang buhay ni Kristo at Maria bilang mag-ina. May mga pagsubok silang dinanasan. Halimbawa, noong si San Jose ay pumanaw. Napakasakit iyon para sa Panginoon at sa Mahal na Ina. Si San Jose, na tumayong bilang amain ni Hesus dito sa lupa, ay binawian ng buhay bago pa sinimulan ni Hesus ang Kanyang pangangaral. Napakasakit iyon para sa Banal na Pamilya. Napakahirap din iyon. Subalit, dahil sa tunay na pagmamahalan ng Banal na Pamilya, napagdaanan nila iyon. Si Hesus ay nagtrabaho para sa kanilang dalawa ni Maria hanggang sa umabot Siya ng tatlumpung taong gulang.
Sinamahan pa rin ni Maria si Hesus hanggang sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Kung ang mga alagad ay tumakas sa Halamanan at nagtago mula sa mga autoridad, hindi nagtago si Maria. Hindi natakot si Maria na makilala ng mga autoridad. Dahil sa kanyang pag-ibig kay Hesus, sumunod siya sa mga yapak ni Hesus patungong Kalbaryo. Tiniis niya ang lahat ng mga pambabastos, pagkutya, at pananakit kay Hesus na walang kalaban-laban, kahit napakasakit para kay Maria na masaksihan iyon nang personal.
Ang puso ni Maria ay nagsasalarawan sa kanyang ugnayan sa puso ng kanyang Anak na si Hesus. Punung-puno ng tunay na pag-ibig ang ugnayan ng mga puso ng mag-inang si Hesus at Maria. Maraming pinagdaanan si Hesus at si Maria bilang mag-ina. Tiniis nilang dalawa ang bawat pagsubok na humantong sa kanilang buhay, napagdaanan at napagtagumpayan ang mga iyon. Ang pag-ibig ng mag-inang sina Hesus at Maria ay ang halimbawa ng tunay na pag-ibig na hindi magwawakas.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento