Linggo, Hunyo 7, 2015

PUSO NI HESUS: PUSPOS NG TUNAY AT WAGAS NA PAG-IBIG

Hunyo 12, 2015
Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus (B) 
Oseas 11, 1. 3-4. 8k-9/Isaias 12/Efeso 3, 8-12. 14-19/Juan 19, 31-37



Ang araw ng Debosyon sa Mahal na Puso ni Hesus ay tuwing Unang Biyernes ng bawat buwan. Subalit, kahit ang Biyernes na ito ay hindi Unang Biyernes ng buwan ng Hunyo, ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ng ating Panginoong Hesukristo. Ang Dakilang Kapistahan ng Kamahal-Mahalang Puso ni Hesus ay ipinagdiriwang sa Biyernes kasunod ng Dakilang Kapistahan ng Kabanal-Banalang Katawan at Dugo ng Panginoon. 

Isang napakagandang Debosyon ang Debosyon sa Mahal na Puso ni Hesus. Nagsimula ang napakagandang Debosyon na ito sa isang madreng taga-Pransiya na si Santa Margaret Alacoque. Ilang ulit na nagpakita ang Panginoong Hesukristo kay Santa Margaret upang ipakilala ang Debosyon sa Kanyang Mahal na Puso. Pinili ng Panginoong Hesus si Santa Margaret Alacoque upang ipalaganap ang Debosyon sa Kanyang Mahal na Puso. 

Ano ang mensahe ng Mahal na Puso ni Hesus? Pag-ibig. Ang mensaheng ipinapalaganap ng Mahal na Puso ni Hesus ay ang dakilang pag-ibig ng Diyos. Ipinamalas ng Panginoong Hesus ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan noong unang Biyernes Santo. Sa pag-ng Kanyang buhay sa Kalbaryo, ipinadama ni Hesus sa buong santinakpan ang dakilang pag-ibig ng Banal na Santatlo - ang Ama, Anak at Espiritu Santo. 

Ang Ebanghelyo para sa Dakilang Kapistahan ng Mahal na Puso ni Hesus ngayong taon ay tungkol sa pag-ulos ng isang Romanong sundalo ng kanyang sibat sa tagiliran ni Hesus. Noong si Hesus ay namatay, dugo at tubig ay dumaloy mula sa Kanyang tagiliran. Mula sa Banal na Puso ni Hesus, dumaloy ang dugo at tubig. Sinugatan ng sundalo ang puso ni Hesus upang siguraduhing patay na si Hesus, dumaloy ang dugo at tubig. 

Mapapansin natin na kung titingnan natin ang buong detalye ng mga imahen o larawan ng Mahal na Puso ni Hesus, may makikita tayong sugat sa Kanyang Puso. Ang sugat na iyan ay sumasagisag sa Kanyang dakilang pag-ibig sa ating lahat. Pag-ibig ang dahilan kung bakit naparito si Hesus sa sanlibutan. Pag-ibig ang dahilan kaya't pinili ni Hesus na iligtas tayo mula sa kasamaan at kasalanan. Kahit ilang ulit Siyang nasaktan at nasugatan dahil sa pagkakasala ng santinakpan, pinili pa rin tayong ibigin at iligtas ni Hesus. 

Para kay Hesus, walang pag-ibig na makahihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-alay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. Ano ang napakagandang halimbawa ng pag-ibig na iyon? Ang pag-ibig ni Hesus. Kahit alam ni Hesus na isang malagim na kamatayan ang hahantungan Niya dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig sa atin, hinarap pa rin Niya ito. Maaari din namang hilingin ni Hesus sa Ama na iligtas Siya mula sa malagim na kamatayan na umaabang sa Kanya. Subalit, alang-alang sa Kanyang dakilang pag-ibig sa atin ni Hesus, hinarap Niya ang kamatayang naghihintay sa Kanya. 

Sa Halamanan ng Getsemani, nagdusa si Hesus. Iniisip ni Hesus ang Kanyang kapakanan sa Halamanan at iniisip din Niya ang abang kalagayan nating lahat. Ayaw ni Hesus na dumanas ng matinding pagdurusa at kamatayan, subalit nais din Niyang maligtas ang santinakpan. Noong nasa Halamanan si Hesus kasama ang mga alagad, sinabi pa Niyang, "Ang puso Ko'y tigib ng hapis na halos ikamamatay Ko." (Mateo 27, 38; Marcos 14, 34) Nandidilim at punung-puno ng hapis ang Kanyang puso. Takot si Hesus na harapin ang kamatayan. 

Noong nananalangin na si Hesus sa Halamanan, hiniling Niya sa Ama na alisin sa Kanya ang kalis ng pagdurusa. Sa Kanyang panalangin sa Ama, tinanong Niya kung may ibang paraan upang maligtas ang sangkatauhan. Subalit, dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig sa atin ni Hesus, sinundan Niya ang kalooban ng Ama. Tinanggap Niya ang kalooban ng Ama. Ang Kanyang panalangin bago Siya dinakip, "Hindi ang kalooban Ko, kundi ang kalooban Mo ang masunod." Isang napakalaking sakripisyo ang ginawa ni Hesus. 

Walang kundisyon o pasubali ang pag-ibig ni Hesus sa ating lahat. Puspos ng pag-ibig ang Mahal na Puso ni Hesus. Nagmahal si Hesus hanggang sa katapusan. Humantong pa si Hesus sa kamatayan, hindi tumigil si Hesus sa Kanyang dakilang pag-ibig sa atin. Ang pag-ibig ni Hesus ay ang tunay na pag-ibig. Sapagkat ang pag-ibig na ipinamalas ni Hesus ang pag-ibig na handang mag-sakripisyo. Ang pinakamalaking sakripisyong naganap sa sanlibutan ay ang pag-aalay ni Hesus ng Kanyang buhay sa krus. Inialay ni Hesus ang Kanyang buhay sa Kalbaryo alang-alang sa Kanyang dakilang pag-ibig sa atin. Ang pag-ibig na ipinamalas ni Hesus sa Kalbaryo ay tunay, wagas at pang-magpakailanman. 

Panginoong Hesus, gawin Mo na ang mga puso nami'y tumulad sa Iyong Mahal na Puso. Amen. 

REFLECTIVE SONG: "Awit sa Mahal na Puso ni Hesus" 


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento