Hunyo 21, 2015
Ikalabindalawang Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Job 38, 1. 8-11/Salmo 106/2 Corinto 5, 14-17/Marcos 4, 35-41
Matutunghayan natin sa Ebanghelyo na pinatigil ni Hesus ang unos. Ipinamalas ni Hesus ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos sa pagpapatahimik sa bagyo. Ang kalikasan ay nakikinig sa Diyos na nagkatawang-tao. Nakinig ang hangin at dagat kay Kristo. Si Kristo ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na lumikha sa daigdig. Ang daigdig at kalikasan ay tumatalima lamang sa Panginoon.
Isa sa mga nilikha ng Panginoong Diyos sa simula ng panahon ay ang tubig. Noong pinalaya ng Diyos ang mga Israelita mula sa kaalipinan sa Ehipto, hinati ng Diyos ang tubig ng Dagat ng mga Tambo upang makatawid sa tuyong lupa ang mga Israelita. Nang makatawid ang lahat ng mga Israelita, binalik ng Diyos ang tubig ng Dagat ng mga Tambo sa dati nitong anyo at nilipol ang mga Ehipsiyo.
Sa Bagong Tipan naman, makikita natin na ang Diyos na nagkatawang-tao dito sa lupa sa katauhan ni Hesus. Si Hesus ang Diyos, ang Maylikha ng lahat ng bagay, na nagkatawang-tao. Bininyagan Siya ni San Juan Bautista sa tubig ng Ilog-Jordan. Ipinamalas Niya ang Kanyang kapangyarihan bilang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo noong ang tubig ay ginawa Niyang alak sa Kasalan sa Cana. Noong kinausap ni Hesus ang Babaeng Samaritana sa Balon ni Jacob, ipinangako Niya sa kanya na ipagkakaloob Niya ang tubig ng buhay.
Ngayon, sa Ebanghelyo ngayong Linggo, pinatahimik ni Hesus ang napakalakas na bagyo. Ang hangin at ang dagat ay tumalima naman sa Kanya. Natakot muli ang mga alagad dahil kay Hesus. Natakot sila noong bumabagyo nang malakas, pero mas natakot sila noong pinatahimik ni Hesus ang unos. Hindi pa nila lubusang nakikilala si Hesus. Nagtanung-tanungan pa nga sila kung sino nga si Hesus.
Sa mga oras na iyon, si Hesus ay isang matalik na kaibigan, Panginoon, at Guro sa mata ng mga alagad. Subalit, hindi pa nila nakikilala si Hesus bilang Anak ng Diyos at Pangalawang Persona sa Banal na Santatlo. Hindi nila nakikilala si Hesus bilang Diyos at Tagapagligtas ng sangkatauhan. Hindi pa sila natitiyak na si Hesus ang Diyos na nagkatawang-tao, ang Mesiyas na hinihintay ng bayang Israel sa loob ng napakahabang panahon.
Hinding-hindi pa nakasaksi ng ganitong pangyayari ang mga alagad. Wala sila nakitang tao na may kakayahang magpatahimik ng unos. Ang Panginoong Hesukristo lamang ang nakakagawa ng mga kababalaghang katulad nito. Walang ibang tao na nakakapagpatahimik ng bagyo, malakas na hangin o tubig. Si Kristo lamang ang nakakagawa noon. Hindi salamangka ang ginawa ng Panginoon. Hindi isang salamangkero ang Panginoon. Bagkus, ipinamalas ng Panginoon ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos.
Ipinapakita sa atin ng Panginoong Hesus kung gaano kapangyarihan ang Diyos. May autoridad Siya sa kalikasan sapagkat Siya ang Diyos na lumikha sa kalikasan. Ang pagpapatahimik ng Panginoong Hesukristo sa unos ay hindi isang salamangka; ito'y pagpapamalas ng kapangyarihan ng Diyos. Tunay ngang Diyos at Tagapagligtas si Hesus sapagkat tumalima sa Kanya ang kalikasan. Alam ng kalikasan kung sino si Hesus - ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na Siyang lumikha ng langit at lupa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento