Linggo, Mayo 10, 2015

ANG PAG-IBIG NG DIYOS: PAG-IBIG NA WALANG ITINATANGI

Mayo 10, 2015 
Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (B) 
Mga Gawa 10, 25-26. 34-35. 44-48/Salmo 97/1 Juan 4, 7-10/Juan 15, 9-17


Natiyak ni San Pedro Apostol sa Unang Pagbasa na walang itinatangi ang Diyos. Bukas ang pag-ibig ng Diyos sa lahat ng tao. Anuman ang lahi o estado ng buhay ng isang tao, bukas pa rin sa kanya ang pag-ibig ng Diyos. Makasalanan man o matuwid ang isang tao, ang pag-ibig ng Diyos ay para din sa kanya. Walang itinatangi ang Diyos. Walang pinipili ang Diyos. Ang lahat ng tao'y mahal ng Diyos, anuman ang kanilang lahi, estado, o posisyon sa buhay. 

Ganun din ang ipinapahayag sa atin ni San Juan Apostol sa Ikalawang Pagbasa. Ang Diyos ay pag-ibig. Dapat din tayong magmahal. Sabi rin ni San Juan Apostol, "Tayo ay umiibig sapagkat Siya ang unang umibig sa ating lahat." (1 Juan 4, 19) Sa Diyos nagmumula ang pag-ibig. Ang pag-ibig na nagmumula sa Diyos ay tunay at wagas. Nararapat lamang na ibahagi natin ang pag-ibig na ito sa isa't isa. Hindi lamang personalan ang pag-ibig ng Diyos. Tandaan, walang pinipili ang Diyos. Para sa lahat ang pag-ibig ng Diyos. 

Ang Ebanghelyo ngayon ay bahagi ng pamamaalam ni Hesus sa Kanyang mga alagad sa ika-15 kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan. Habang papalapit na ang Dakilang Kapistahan ng Pag-Akyat ni Hesus sa Langit, mapapakinggan natin ang pamamaalam ni Hesus sa mga alagad sa Huling Hapunan. Alam ni Hesus na darating din ang araw na babalik Siya sa Ama. Siya'y isinugo ng Ama, at babalik ang isinugo balang araw. 

Sa Kanyang pamamaalam, may bilin si Hesus sa mga alagad. Ang bilin na iyon ay magmahal, katulad ng Kanyang pagmamahal sa kanila. Hindi lamang para sa mga alagad ang bilin na ito, kundi para sa ating lahat. Dahil minahal tayo ng Panginoon, dapat magmahalan din tayong lahat. Nais ng Panginoong Hesus na ipalaganap at ibahagi natin sa isa't isa ang pagmamahalan. Sa pamamagitan nito, malalaman natin na tayo'y nananahan sa pag-ibig ng Panginoon. 

Tayong lahat ay mga anak ng Diyos. Magkakapantay tayong lahat sa paningin ng Diyos. Walang makahihigit sa isa't isa sa mata ng Diyos. Tayong lahat ay pantay-pantay sa Kanyang paningin. Wala sa atin ang mas mataas kaysa sa ating kapwa sa paningin ng Diyos. Ang ating mga posisyon o kalagayan sa buhay ay walang halaga sa Kanyang paningin. Mayaman, dukha, iisa pa rin ang pagtingin ng Diyos sa ating lahat - tao lamang. 

Kahit tayo ay taong hamak lamang sa paningin ng Diyos, minamahal pa rin tayo ng Diyos. Sa kabila ng maraming mga kasalanang ginawa natin laban sa Diyos, na madalas paulit-ulit din nating ginagawa, minamahal pa rin tayo ng Diyos. Kahit paulit-ulit tayong magkasala laban sa Diyos, mahal pa rin tayo ng Diyos. Hindi iyon magbabago. Ang pag-ibig ng Diyos ay tunay, wagas, mananatili, at hindi kukupas kahit kailan. 

Bilang mga anak ng Diyos, dapat din tayong magmahal. Mahalin natin ang ating kapwa-tao, kilala man natin siya o hindi. Hindi natin kailangang makilala ang lahat ng ating kapwa-tao para mahalin natin sila. Hindi na mahalaga kung ano ang kanilang nakaraan, kung sino man sila, o kung ano ang lahi nila. Kinakailangang mahalin pa rin natin sila, sapagkat ganun din tayo kamahal ng Diyos. Alam Niya ang lahat sa ating buhay. Alam ng Diyos ang mga madidilim nating mga nakaraan, lahi, at maraming iba pa. Subalit, hindi iyon mahalaga para sa Diyos. Hindi iyon naging hadlang para mahalin tayo ng Diyos. Sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay isang pag-ibig na walang itinatangi, at ito'y hindi kukupas kahit kailan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento