Linggo ng Pentekostes (B)
Mga Gawa 2, 1-11/Salmo 103/1 Corinto 12, 3b-7. 12-13 (o kaya: Galacia 5, 16-25)/Juan 20, 19-23 (o kaya: Juan 15, 26-27; 16, 12-15)
"Happy birthday!" "Maligayang kaarawan!" Ngayon po ay ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Pentekostes, ang kaarawan ng ating Simbahan. Sa araw na ito, sinimulan ng mga apostol ang kanilang misyon bilang mga saksi ng Panginoon. Pagkatapos ng Pag-Akyat ni Hesus sa Langit, bumaba ang Espiritu Santo mula sa langit upang bigyan ng lakas at kagitingan ang mga apostol. Ito ang katuparan ng pangako ni Kristo sa mga alagad bago Siya umakyat sa langit - bibigyan sila ng kapangyarihan ng Espiritu Santo pagbaba Niya mula sa langit.
Bago bumaba ang Espiritu Santo mula sa langit, ang mga alagad ay nagkatipon sa isang silid. Ano kaya ang naramdaman ng mga alagad sa silid na iyon? Takot sa mga autoridad at kamatayan? Kaba dahil sa napakalaking misyong ibinigay sa kanila ng Panginoong Hesus? Anuman iyon, silang lahat ay nagdasal hanggang sa pagdating ng Espiritu Santo. Pagbaba ng Espiritu Santo mula sa langit, silang lahat ay naging magigiting na saksi ng Panginoong Hesukristo. Sinimulan nila ang misyong ibinigay sa kanila ng Panginoon.
Dahil sa lakas at kagitingang mula sa Espiritu Santo na taglay ng mga apostol, naipalaganap nila ang pananampalatayang Kristiyano. Kung hindi dahil sa kapangyarihang ibinigay sa kanila mula sa Espiritu Santo, hindi nila maipapalaganap ang pananampalatayang Kristiyano. Ang kanilang lakas, kapangyarihan, at kagitingan ay nagmula sa Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ang tagabigay ng lakas at kagitingan, hindi lamang sa mga apostol kundi sa lahat ng mga Kristiyano.
Sa tulong ng Espiritu Santo, nagbago ang mga apostol. Kahit napakaliit ang grupong binubuo ng mga apostol, naipalaganap nila ang pananampalataya. Mula sa pagiging hamak na mangingisda at mga simpleng tao, silang lahat ay naging mga misyonero. Kahit wala silang napag-aralan patungkol sa Banal na Kasulatan, katulad ng mga Pariseo, Saduseo, eskriba at marami pang iba, naipalaganap nila ang Mabuting Balita sa lahat. Nakapagsalita pa nga sila ng iba't ibang wika, ayon sa Unang Pagbasa.
Mula sa pagiging isang maliit na grupo o samahan, tatlong libong tao ay naging mga Kristiyano sa araw ng Pentekostes. Tatlong libong tao ay naging Kristiyano sa araw ng Pentekostes. Hindi mangyayari iyon kung hindi dahil sa tulong ng Espiritu Santo. Ang mga apostol ay tinulungan ng Espiritu Santo sa kanilang misyon. Patuloy na ginabayan at tinulungan ng Espiritu Santo ang Inang Simbahan magpahanggang ngayon.
Ang misyon ng mga apostol ay ipinagpapatuloy ng Inang Simbahan magpahanggang ngayon. At ano ang misyon ng mga apostol? Ipalaganap sa buong daigdig ang Mabuting Balita ng Panginoon. Katulad ng sinabi ng Panginoong Muling Nabuhay sa mga alagad sa Ebanghelyo natin ngayon, "Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayon din naman, sinusugo ko kayo." (Juan 20, 21) Sinugo ni Hesus ang mga alagad upang maging Kanyang mga saksi sa bawat sulok ng daigdig. Ang misyong ito'y pinagpapatuloy ng ating Inang Simbahan.
Hindi lamang para sa kaparian ang misyong ibinigay ni Hesus sa Santa Iglesia. Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa Santa Iglesia, kinakailangan nating ipalaganap ang Mabuting Balita tungkol sa ating kaligtasan. Marami tayong mga paraan upang maipalaganap natin ang Salita ng Diyos, lalung-lalo na sa makabagong panahon. Maaari din tayong gumamit ng Social Media, katulad ng Facebook, Twitter, etc. para ipalaganap ang mensahe ng awa at habag mula sa ating Panginoon.
Ang lahat ng mga Kristiyano, pari man o layko, ay bumubuo sa Santa Iglesia. Bilang mga Kristiyano, may misyon tayo mula kay Kristo. Sinusugo tayo ni Kristo na maging Kanyang mga misyonero at saksi sa buong sanlibutan. Hindi tayo nag-iisa sa ating misyon. Kasama natin ang Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ang magbibigay sa atin ng lakas at kagitingan upang maipalaganap natin sa buong daigdig ang Mabuting Balita ng Panginoon.
O Diyos Espiritu Santo, ipagkalooban Mo kami ng lakas at kagitingan para maging mga mabubuting Kristiyanong sumasaksi kay Kristo. Amen.
REFLECTIVE SONG #1: "Tell The World Of His Love" (Theme Song of World Youth Day 1995 in Manila, Philippines - Ms. Carelle Mangaliag and Jeff Arcilla)
REFLECTIVE SONG #2: "Breath of God" (Bukas Palad Music Ministry)
REFLECTIVE SONG #3: "Pagbabasbas" (Hangad Music Ministry)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento