Mayo 3, 2015
Ikalimang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (B)
Mga Gawa 9, 26-31/Salmo 21/1 Juan 3, 18-24/Juan 15, 1-8
Ang buwan ng Mayo ay ang buwan na alay sa Mahal na Birheng Maria. Ginaganap sa kabuuan ng buwan ng Mayo ang Flores de Mayo. Sa pamamagitan ng Flores de Mayo, tayong lahat ay nagbibigay-pugay sa ating Mahal na Ina, ang Mahal na Birheng Maria. Kabilang sa mga debosyon sa Mahal na Birheng Maria ngayong buwan ng Mayo ang Flores de Mayo. Malapit sa ating mga puso, bilang mga Pilipinong Katoliko, ang pagdedebosyon sa ating Mahal na Inang Maria. Kaya ang Pilipinas ay tinatawag na Pueblo Amante de Maria (Bayang Sumisinta kay Maria).
Isang huwaran ng tema ng Ebanghelyo ngayon ang Mahal na Birheng Maria. Ang tema ng ating Ebanghelyo ngayong Linggo ay pananatili sa pag-ibig ng Panginoon. Napakadakila ang pag-ibig ng ating Panginoong Diyos. Walang makakapantay sa dakilang pag-ibig ng Diyos. Dapat manatili tayong lahat sa pag-ibig ng Panginoon. Ang pag-ibig ng ating Panginoon ay nananatili, hindi kukupas, walang katapusan, at walang kapantay. Kahit ang pag-ibig na matatagpuan natin sa mundo, hindi kayang pantayan ang pag-ibig ng Diyos.
"Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga." Inilalarawan tayong lahat ni Hesus bilang mga sanga. Magkakaugnay ang puno at ang mga sanga nito. Kung ang puno at ang mga sanga ay magkahiwalay, hindi makakapamunga nang masagana ang mga sanga. Walang kakuwenta-kuwenta, walang kabuluhan ang mga sanga ng puno kung magkahiwalay ito sa mga puno.
Ganyan ang ating mga buhay. Kung wala ang Diyos, walang kakwenta-kwenta ang ating mga buhay. Hindi tayo mabubuhay ngayon kung hindi dahil sa Diyos. Ang Panginoon ang nagkaloob sa atin ng buhay. Ipinagkaloob Niya sa atin ang karapatang mabuhay dito sa sanlibutan. Ang ating mga buhay dito sa daigdig ay hiniram lamang mula sa Diyos. Katulad ng mga unang titik ng awiting Sino Ako?:
Hiram sa Diyos, ang aking buhay.
Ikaw at ako'y tanging handog lamang.
'Di ko ninais na ako'y isilang,
ngunit salamat dahil may buhay.
Kung wala ang Diyos, wala tayong buhay. Ang Diyos ang tagabigay ng buhay. Ang Diyos ay nagkakaloob ng buhay. Isang biyaya mula sa Diyos ang karapatan nating mabuhay dito sa sanlibutan. Napakasagrado ang buhay. Wala tayong karapatan upang abusuhin o wakasan ang ating buhay gamit ang ating kapangyarihan. Sino ang may kapatan? Ang Diyos lamang.
Inalay ng Mahal na Birheng Maria ang kanyang buhay sa Diyos. Noong ibinalita sa kanya ni San Gabriel Arkanghel na pinili siya ng Diyos na maging ina ng Panginoong Hesukristo, hindi maunawaan ng Mahal na Birheng Maria kung paanong mangyayari iyon. Hindi niya maintindihan na ang isang dalaga ay magdadalantao. Mapaparusahan siya ng kamatayan kapag nalaman ng publiko. Subalit, sinabihan siya ng Arkanghel Gabriel na iyon ang kagustuhan ng Diyos. Kaya, kahit napakahirap unawaing mabuti ang sinabi ng anghel ng Panginoon, tumalima si Maria sa kalooban ng Diyos.
Pinili ng Mahal na Birheng Maria na tumalima sa kalooban ng Diyos. Bakit? Dahil sa kanyang pag-ibig sa Panginoon. Mahal na mahal niya ang Panginoong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong kaluluwa. Alam din ni Maria na mahal na mahal din siya ng Diyos. Kaya, nanatili si Maria sa dakilang pag-ibig ng Diyos. Pinili ni Maria na manatili sa dakilang pag-ibig ng Panginoon dahil wagas at walang kapantay ang pag-ibig ng Panginoon. Ang pag-ibig ng Panginoon ay nakahihigit pa sa pag-ibig mula sa sanlibutang ito.
Maraming mga debosyon sa loob ng Simbahan. Nawa'y maging daan ang ating mga debosyon tungo sa pananatili sa pag-ibig ng Diyos. Ito ang tunay na dahilan kung bakit may mga debosyon sa loob ng Simbahan - upang mapalapit tayo sa Diyos. Kung hindi tayo napapalapit sa Diyos dahil sa ating mga debosyon, hindi iyon tunay na debosyon. Ang tunay na debosyon ay umaakay sa ating lahat tungo sa pag-ibig ng Panginoong Diyos at manatili sa Kanyang pag-ibig.
O Diyos, tulungan Mo kaming manatili sa Iyong dakilang pag-ibig, katulad ng Mahal na Birheng Maria at ng lahat ng mga banal sa Iyong kaharian sa langit. Amen.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento