Lunes, Abril 27, 2015

PAGLINGKURAN ANG DIYOS AT KAPWA, KATULAD NI HESUS, MARIA AT JOSE

Mayo 1, 2015 
Paggunita kay San Jose, manggagawa 
Genesis 1, 26-2, 3 (o kaya: Colosas 3, 14-15. 17. 23-24)/Salmo 89/Mateo 13, 54-58


Buong buhay ni Hesus, Siya'y naglingkod. Pinaglingkuran Niya ang Diyos Ama at ang tao sa Kanyang ministeryo. Kahit hindi Siya tinanggap sa Kanyang bayan sa Nazaret, katulad ng natunghayan natin sa Ebanghelyo natin ngayong araw na ito, patuloy pa rin Siyang naglingkod. Patuloy na nangaral si Hesus tungkol sa kaharian ng Diyos at paggawa ng maraming kababalaghan bilang paglingkod sa mga tao, kahit nagkaroon Siya ng maraming kaaway, lalo na sa pamahalaan, dahil sa Kanyang misyon. 

Ang inggit ng mga Pariseo, Saduseo, at maraming pang iba kay Hesus noong kapanahunang yaon ay hindi naging hadlang sa paglilingkod ni Hesus sa mga tao. Kahit nagkaroon Siya ng maraming kaaway, hindi tinigilan ng Panginoong Hesus ang Kanyang paglilingkod sa Diyos at kapwa. Naglingkod si Hesus hanggang sa pinakahuling sandali ng Kanyang buhay. 

Pinaglingkuran din ng Mahal na Birheng Maria ang Diyos at kapwa buong buhay niya. Tumalima ang Mahal na Birhen sa kalooban ng Diyos na maging ina ng Panginoong Hesukristo. Bagamat napakalaking pananagutan ito para sa Mahal na Ina, tinanggap at sinunod niya ang kalooban ng Diyos para sa kanya. Noong nalaman ni Maria na buntis din ang kanyang kamag-anak na si Santa Isabel, kahit buntis si Maria, pinuntahan pa rin niya si Santa Isabel upang makasama at makapiling ang kanyang kamag-anak, lalo na't parehas silang nagdadalantao. 

Si San Jose rin ay naglingkod sa Diyos at kapwa. Pinaglingkuran niya ang Diyos sa pamamagitan ng pagtanggap kina Maria at Hesus. Tinanggap ni Jose ang dalawang responsibilidad na ibinigay sa kanya ng Diyos - maging kabiyak ni Maria at amain ni Hesus. Naglingkod din siya sa kanyang kapwa-tao. Bilang isang karpintero, siya'y gumawa ng mga upuan, hapag-kainan, at maraming iba pang mga muwebles. 

Tinatawag tayo ngayon ng Diyos ngayong Araw ng mga Manggagawa na paglingkuran natin Siya at ang ating kapwa-tao. Ang mga manggagawa ay naghahanap-buhay para sa kanilang pamilya. Sa kanilang paghahanap-buhay, pinaglilingkuran nila ang iba. Tinutugon nila ang pangangailangan ng iba, anuman ang kanilang hanap-buhay. 

Hindi lamang po ang mga manggagawa ang may responsibilidad sa atin. Inuutusan tayo ng Panginoong Hesus na paglingkuran din natin ang ating kapwa-tao. Sa pamamagitan ng paglilingkod sa ating kapwa, pinaglilingkuran din natin ang Diyos. Maging masigla nawa tayo sa ating paglingkod sa Diyos at kapwa, katulad ng Banal na Pamilya nina Hesus, Maria at Jose. 

O Diyos, tulungan Mo kaming paglingkuran Ka at ang aming kapwa-tao. Amen. 

San Jose Manggagawa, ipanalangin mo kami. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento