Sabado de Gloria
Magdamagang Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (B)
Genesis 1, 1-2, 2 (o kaya: 1, 1. 26-31a)/Salmo 103 (o kaya: Salmo 32)/Genesis 22, 2-18 (o kaya: 22, 1-2. 9a. 10-13. 15-18)/Salmo 15/Exodo 14, 15-15, 1/Exodo 15/Isaias 54, 5-14/Salmo 29/Isaias 55, 1-11/Isaias 12/Baruc 3, 9-15. 32-4, 4/Salmo 18/Ezekiel 36, 16-17a. 18-28/Salmo 41 (o kaya: Salmo 50)/Roma 6, 3-11/Salmo 117/Marcos 16, 1-7
Nagsimula ang Bihiliya ng Pasko ng Pagkabuhay sa kadiliman. Isinasagisag nito ang kadiliman sa libingan ni Hesus. Sinasagisag din ng kadiliman sa simula ng Bihiliya ang mundo kung wala ang Diyos. Kung wala ang Diyos, tayong lahat ay nabubuhay sa kadiliman. Sinasabi nga sa Unang Pagbasa, noong sinimulan ng Diyos ang paglikha sa sanlibutan, kadiliman ang bumabalot sa kalaliman. Ang kadiliman sa simula ng ating pagdiriwang ay sumasagisag din sa kadiliman sa loob ng libingan ni Hesus.
Sa mga huling sandali ng buhay ni Hesus, iniwanan Siya ng Kanyang mga alagad. Walang dumamay kay Hesus sa mga madidilim na sandali ng Kanyang buhay. Bago Siya dinakip ng mga kawal sa Halamanan ng Getsemani, inutusan Niya ang mga alagad na manalangin at magtanod na kasama Niya. Subalit, ano ang ginawa ng mga alagad? Tinulugan nila si Hesus. Sa halip na manalangin at magbantay, natulog sila. Hindi nila dinamayan si Hesus sa Kanyang pananalangin at pagdurusa sa Halamanan.
Mag-isa rin si Hesus noong Siya'y dinakip ng mga kawal. Noong dinakip ang Panginoong Hesukristo ng mga kawal sa Halamanan, nagsitakas ang mga alagad. Iniwanan nilang mag-isa ang Panginoon. Walang sumama kay Hesus noong Siya'y dinakip. Kahit nangako ang mga alagad, lalung-lalo na si San Pedro Apostol, na sasama sila kay Hesus, hindi nangyari iyon. Bagkus, hinarap ni Hesus ang Kanyang kamatayan na mag-isa.
Inilibing si Hesus ni San Jose na taga-Arimatea sa isang libingang malapit sa kinamatayanan ni Hesus. Napakadilim sa loob ng libingan. Subalit, sa kadiliman ng libingan, nagpahinga ang Panginoon. Ang Panginoong Hesus ay nagpahinga pagkatapos ng napakabrutal at napakasakit na wakas sa Kanyang buhay. Kaya, nararapat lamang na simulan natin ang ating Bihiliya sa kadiliman. Dinadamayan natin si Hesus na inilibing sa kadiliman ng libingan at hinihintay din natin ang Kanyang paglabas mula sa libingan.
Ginugunita natin sa gabing ito ang pagtawid ni Hesus mula sa kadiliman patungo sa liwanag. Mula sa pagdurusa, nakamit ni Hesus ang tagumpay at kaluwalhatian. Hindi naging madali para kay Hesus na makamit ang tagumpay. Kinailangan muna Niyang dumaan sa pagdurusa at kamatayan sa Kalbaryo bago makamit ang kaluwalhatian. Pagkatapos ng pagdurusa at kamatayan sa krus ng Kalbaryo, nakamit ni Hesus ang kaluwalhatian.
Tumawid si Hesus mula sa kadiliman ng libingan patungo sa liwanag na dulot ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Bumangon at lumabas si Hesus mula sa libingan na nagniningning sa kaluwalhatian. Hindi kinaya ng kapangyarihan ng kadiliman at kamatayan si Hesus. Lumabas Siya mula sa libingan na nagtagumpay. Napagtagumpayan na ni Hesus ang kadiliman dulot ng kapangyarihan ng kasamaan at kamatayan.
Sa pagsisimula ng kapanahunan ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, inaanyayahan tayo ni Hesus na tumawid mula sa kadiliman ng ating mga kasalanan patungo sa liwanag ng bagong buhay. Inaanyayahan tayo ni Hesus na magbagong-buhay, lalung-lalo na ngayong Pasko ng Pagkabuhay. Bagong buhay ang dulot ng Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo.
Katulad ng sinabi ni San Pablo Apostol sa Sulat, ituring natin ang ating mga sarili na patay sa ating mga sarili upang makapamuhay tayo kasama ni Kristo. Talikuran natin ang masasamang pamumuhay. Talikuran natin ang masasamang bisyo. Bitiwan natin ang masasamang bisyo at pamumuhay. Magbagong-buhay tayo. Lumabas tayo mula sa kadiliman ng ating mga libingan - libingan ng kasalanan, bisyo, at marami pang iba.
Sa panahon ng Kuwaresma at Mahal na Araw, tayo ay naglakbay kasama ng ating Panginoong Hesukristo patungo sa Kanyang tagumpay at kaluwalhatian. Ngayong nagtatapos na ang ating paglalakbay, makiisa nawa tayong lahat sa tagumpay at kaluwalhatian na kinamit ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan at Muling Pagkabuhay. Kasama ni Hesus, lumabas nawa tayong lahat mula sa kadiliman ng mga libingan ng ating mga kasamaan at kamatayan. Makibahagi nawa tayong lahat sa tagumpay, kaluwalhatian, at ang bagong buhay dulot ng Muling Pagkabuhay ni Hesus.
REFLECTIVE SONG: "Ito ang Bagong Araw"
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento