Ikatlong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (B)
Mga Gawa 3, 13-15. 17-19/Salmo 4/1 Juan 2, 1-5a/Lucas 24, 35-48
Natunghayan natin ang pangangaral ni Apostol San Pedro sa Unang Pagbasa tungkol sa pagka-Mesiyas ng Panginoong Hesus. Matagal nang hinintay ng bayang Israel ang pagdating ng Mesiyas, katulad ng ipinangako ng Diyos. Subalit, noong dumating si Hesus, hindi nila nakilala na Siya nga ang Mesiyas na ipinangakong ipapadala ng Diyos. Bagkus, si Hesus ay kinilala ng lahat bilang Anak ni Maria at ni Jose. Kilala din nila si Hesus bilang isang karpinterong taga-Nazaret.
Sa loob ng mahabang panahon, hinintay ng mga Israelita ang pagdating ng Mesiyas. Ilang ulit na inalipin ang bayang Israel ng kanilang mga kaaway. Hinintay nila ang Mesiyas upang ibalik ang karangalan ng Israel. Para sa kanila, palalayain sila ng Mesiyas mula sa kaalipinan at paiiralin ang kapayapaan sa buong Israel. Magiging marangal muli ang bayang Israel, katulad noong kapanahunan ni Haring David.
Maraming sinabi ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta patungkol sa Mesiyas. Subalit, may mga pahayag na binalewala ng mga tao. Katulad ng kung paanong mamatay at muling mabubuhay ang Mesiyas. Ang Mesiyas ay papatayin ng mga taong naghihintay sa kanya sa loob ng napakahabang panahon. Natupad ang lahat ng iyon sa pamamagitan ni Kristo.
Hindi nakilala si Kristo ng Kanyang mga kababayan noong Siya'y naparito sa mundo. Hindi nila nakilala ang Mesiyas. Bagkus, para sa kanila, si Hesus ay isang payak na karpinterong taga-Nazaret. Wala silang nakikitang espesyal si Hesus. Kilala din si Hesus bilang isang guro, tagapaggawa ng mga himala, at isang propeta. Pero, higit pa doon si Hesus.
Noong dumating ang takdang panahon, si Hesus ay hinuli ng Kanyang mga kaaway. Hinatulan Siya ng kamatayan ng Sanedrin at pinadala ni Pilato. Kahit ipinasiya ni Poncio Pilato na palayain ang Panginoon, hindi Niya magawa. Bakit? Hiniling ng taong-bayan na palayain si Barrabas at ipako si Hesus sa krus, sapagkat sinulsulan sila ng mga Pariseo at mga matatanda ng bayan.
Ang akala ng lahat na natapos ang lahat para kay Hesus noong Siya ay namatay sa krus. Subalit, hindi nila inaasahan na si Hesus ay muling mabubuhay. Pati ang mga alagad, nagulat sila nang mabalitaan nila mula kina Maria Magdalena na wala na ang bangkay ng Panginoong Hesus sa libingan. Natupad ang mga naitala sa mga aklat ng mga propeta at ang aklat ng mga Salmo patungkol sa pagpapakasakit, pagkamatay at Muling Pagkabuhay ni Kristo. Ipinahayag din mismo ni Hesus nang ilang ulit sa mga alagad habang kinakasa-kasama pa Niya sila na Siya'y magbabata ng hirap at kamatayan at muling mabubuhay sa ikatlong araw.
Sa Ebanghelyo, natunghayan natin ang pagpapakita ng Panginoong Hesus sa mga alagad matapos na Siya'y muling mabuhay. Ipinakita Niya sa kanila ang Kanyang mga kamay at paa para maniwala ang mga alagad na hindi Siya isang multo. Natakot kasi ang mga alagad nang makita nila si Hesus. Pero, ipinakita ni Hesus ang Kanyang mga kamay at paa. Ang mga sugat sa mga Kamay at Paa ni Hesus ang nagpapakilala na Siya pa rin ang Panginoong Hesus na nagmamahal sa kanila, sa kabila ng kanilang mga kahinaan.
Nilinaw din ni Hesus sa mga alagad na ang lahat ng mga nangyari ay ipinahayag ng mga propeta sa loob ng mahabang panahon. Naisasaad sa Banal na Skriptura ang lahat ng mga ipinahayag ng mga propeta patungkol sa Mesiyas. Ang lahat ng mga propesiya sa Lumang Tipan patungkol sa Mesiyas ay natupad ni Hesus.
Tinupad ni Hesus ang lahat ng mga ipinahayag sa Lumang Tipan patungkol sa Kanya. Sa pamamagitan ng pagtupad sa lahat ng mga sinabi ng mga propeta sa Lumang Tipan, nakamit Niya ang tagumpay para sa ating lahat. Iniligtas tayong lahat ni Hesus dahil sa tagumpay na Kanyang kinamit sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakasakit, pagkamatay at Muling Pagkabuhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento