Abril 12, 2015
Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (B)
(Linggo ng Dakilang Awa ng Diyos)
Mga Gawa 4, 32-35/Salmo 117/1 Juan 5, 1-6/Juan 20, 19-31
Kasabay ng Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ay ipinagdiriwang din ng Simbahan ang Kapistahan ng Banal na Awa ng Diyos. Binibigyang diin ng Kapistahan ng Dakilang Awa ng Diyos ang awa ng Panginoon sa ating lahat. Ang debosyon sa Banal na Awa ng Diyos ay nagsimula sa Poland sa pamamagitan ni Santa Faustina. Nagpakita si Hesus kay Santa Faustina at pinili Niya si Santa Faustina upang ipalaganap sa buong daigdig ang mensahe tungkol sa Kanyang awa sa buong sangkatauhan.
Ipinamalas ng Panginoong Hesukristo sa ating Ebanghelyo ngayon ang Kanyang awa sa mga alagad na tumalikod sa Kanya noong Siya'y dinakip at pinatay. Kung matatandaan natin sa salaysay ng Pasyong Mahal ng ating Panginoong Hesukristo, iniwanan ng mga alagad ang Panginoong Hesukristo noong Siya'y dinakip sa Halamanan ng Getsemani. Tatlong ulit ipinagkaila ni San Pedro Apostol na siya'y alagad o tagasunod ni Kristo. Ang kaisa-isang alagad na sumunod sa bawat yapak ng pagpapakasakit ng Panginoon ay si San Juan Apostol.
Subalit, noong muling mabuhay ang ating Panginoon, hindi paghiganti ang mensaheng ipinaabot Niya sa Kanyang mga alagad. Hindi Siya naghiganti sa mga alagad na tumalikod sa Kanya sa pinakamadilim na bahagi ng Kanyang buhay. Bagkus, awa at kapayapaan ang hatid ng Panginoon sa mga alagad. Ibinahagi ng Panginoong Muling Nabuhay ang Kanyang awa at kapayapaan sa mga alagad na nagtago dahil sa matinding takot.
Ang pangamba at takot ng mga alagad ay napawi dahil sa awa at kapayapaang ibinahagi ng Panginoong Muling Nabuhay. Nagtago ang mga alagad sa isang silid dahil sa matinding takot sa mga Hudyo at pangamba. Sila'y natatakot at nangangamba dahil sa mga autoridad at ang mga nasa pamahalaan. Baka dakipin din sila ng mga autoridad. Subalit, pinawi ni Kristong Muling Nabuhay ang kanilang takot at pangamba sa pamamagitan ng Kanyang awa at kapayapaang ibinahagi Niya sa mga alagad.
Wala si Santo Tomas Apostol sa unang pagkakataong nagpakita si Hesus sa mga alagad. Hindi siya naniwala sa sinabi ng mga alagad sa kanya. Nais maramdaman ni Tomas ang awa at kapayapaang hatid ni Kristong Muling Nabuhay. Bago siya maniwala sa sinabi ng mga alagad, nais mahawakan ni Tomas ang mga kamay at ang tagiliran ng Panginoong Muling Nabuhay.
Dahil sa awa at habag ni Hesus, nagpakita Siya uli sa mga alagad. Pinayagan Niyang mahawakan ni Tomas ang Kanyang mga kamay at ang Kanyang tagiliran. Nakita ni Tomas ang butas ng pako sa mga kamay at paa ni Hesus. Nakita din ni Tomas ang sugat sa tagiliran ni Hesus. Ang mga sugat sa Katawan ni Hesus ang patunay ng Kanyang awa. At dahil sa dakilang awa ng Panginoong Hesus, kapayapaan ang ipinagkakaloob Niya sa lahat.
Hindi ipagkakait ng Panginoon ang awa at kapayapaan sa sinumang humihiling nito. Kagaya nga sa Ebanghelyo, kahit walang sinambit ang mga alagad tungkol sa kahilingan nila ng awa at kapayapaan, alam ng Panginoon na humihingi sila ng awa at kapayapaan mula sa Kanya. Dumulog tayo sa ating Panginoon. Humingi tayo ng awa at kapayapaan mula sa Kanya. Hinding-hindi Niya tayo dadamutan sa ating kahilingan para sa Kanyang awa at kapayapaan.
Tunay ngang maawain at mahabagin ang Panginoong Muling Nabuhay. Lumapit tayo sa Kanya. Huwag tayong mag-atubiling lumapit sa Panginoong Muling Nabuhay na puno ng awa at habag para sa ating lahat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento