Linggo, Abril 5, 2015

TAGUMPAY NG PANGINOONG MULING NABUHAY; TAGUMPAY NATIN ITO!

Abril 5, 2015
Pagmimisa sa Araw ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 10, 34a. 37-43/Salmo 117/Colosas 3, 1-4 (o kaya: 1 Corinto 5, 6b-8)/Juan 20, 1-9 


Hindi nagtapos ang lahat sa kamatayan ng Panginoong Hesukristo. Sa ikatlong araw, ang Panginoong Hesus ay muling nabuhay, katulad ng Kanyang sinabi. Kahit na nakatakip ang libingan ng Panginoon at kahit binantayan pa ito ng mga kawal na ipinadala ni Pilato, hindi ito naging hadlang sa Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Si Hesus ay muling nabuhay. Walang laman ang libingan. Wala na sa libingan ang bangkay ng Panginoon. Hindi na mahanap ang bangkay ni Hesus sapagkat Siya'y muling nabuhay. 

Ang akala ng mga kaaway ni Hesus at ng marami na tapos na ang lahat para kay Hesus noong Siya ay namatay. Pati ang Kanyang mga alagad, inakala nilang tapos na ang lahat sa pagkamatay ni Hesus. Nawala, naguho ang lahat, nang si Hesus ay namatay. Hindi lamang iyon, ginusto pa ng mga kaaway ni Hesus na panatilihing patay si Hesus. Kaya, humingi sila ng mga kawal mula kay Pilato para bantayan ang libingan ng Panginoon. Gusto nilang manatiling patay si Hesus. Hindi sapat para sa kanila na mamatay si Hesus. 

Subalit, hindi mapigilan ng mga kaaway ni Hesus ang Kanyang Muling Pagkabuhay. Kahit na binantayang maigi ng mga kawal ang libingan, hindi nila mapigilan ang Muling Pagkabuhay ni Hesus. Hindi kinaya ng kapangyarihan ng kamatayan ang kapangyarihan ni Hesus. Hindi kinaya ng libingang panatilihin si Hesus sa loob nito. Bagkus, napagtagumpayan ni Hesus ang kasamaan at kamatayan. Nagtagumpay ang Panginoon. 

Natunghayan natin sa Ebanghelyo na pumunta si Santa Maria Magdalena sa libingan ng Panginoon noong madilim-dilim pa. Natagpuan niyang walang laman ang libingan. Hindi niya matagpuan ang bangkay ng Panginoon. Ang akala niya ay may nagnakaw sa bangkay ng Panginoon. Kaya, pinuntahan niya sina San Pedro Apostol at ang alagad na minamahal ni Hesus at ibinalita ang kanyang nakita. 

Inakala nilang lahat na ninakaw ang bangkay ng Panginoon. Subalit, noong dumating sina San Pedro Apostol at ang minamahal na alagad, natagpuan ng dalawang alagad na ito na imposibleng ninakaw ang bangkay ng Panginoon. Bakit? Nakatiklop ang mga kayong lino at magkahiwalay pa iyon sa panyong ibinalot sa ulo. Walang pakialam ang mga magnanakaw sa mga kayong lino at ang panyong ibinalot sa ulo kung may nanakawin silang bangkay. 

Hindi pa nila naunawaan noon na kinailangan pang muling mabuhay si Hesus. Subalit, ang alagad na minamahal ni Hesus ay naniwala na si Hesus ay muling nabuhay. Katulad ng sinabi ni Hesus noong kasama pa Niya ang mga alagad, muling Siyang mabubuhay sa ikatlong araw. Nagkatotoo, natupad ang lahat ng mga sinabi ng Panginoon sa kanila. Muling nabuhay ang Panginoon. 

Ang Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo ay ang pagbubuo at ang pagkukumpleto sa Kanyang tagumpay at kaluwalhatian. Nagtagumpay na si Hesus, habang nagdurusa pa Siya sa krus. Kinumpleto ng Muling Pagkabuhay ang Kanyang tagumpay. Kung hindi muling nabuhay si Kristo, hindi magiging kumpleto ang Kanyang tagumpay. Mawawalan ng saysay ang pag-aalay ni Kristo ng Kanyang sarili sa krus kung hindi Siya muling nabuhay. 

Kinamtan ni Hesus ang tagumpay hindi lamang para sa Kanyang sarili, kundi para sa ating lahat. Inaanyayahan tayong lahat ni Hesus na nagtagumpay laban sa kasamaan at kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay na makigalak sa Kanyang tagumpay. Sapagkat ang tagumpay na kinamtan ni Hesus ay hindi lamang para sa Kanyang sarili. Tayo ang dahilan kaya kinamtan ni Kristo ang tagumpay laban sa kasamaan at kamatayan. Hindi na tayo mga alipin. Pinalaya tayong lahat ni Kristong Muling Nabuhay. 

MALIGAYANG PASKO NG PAGKABUHAY SA ATING LAHAT! 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento