Linggo, Abril 5, 2015

KAGALAKAN DULOT NG MULING PAGKABUHAY

Abril 5, 2015 
Pagmimisa sa Bukang-Liwayway ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 10, 34a. 37-43/Salmo 117/Colosas 3, 1-4 (o kaya: 1 Corinto 5, 6b-8)/Juan 20, 1-9



Mababasa ba sa Banal na Bibliya ang pagpapakita ng Panginoong Hesukristong Muling Nabuhay sa Mahal na Birheng Maria? Hindi. Walang mababasa sa Banal na Bibliya patungkol sa pagpapakita ng Panginoong Muling Nabuhay sa Mahal na Ina. Tahimik ang Banal na Kasulatan tungkol sa pangyayaring ito. Walang kunkretong salaysay ang Banal na Bibliya tungkol sa pagpapakita ni Kristong Muling Nabuhay sa Mahal na Birheng Maria. 

Subalit, bakit nating ipinagdiriwang ang Salubong? Ang tunay na dahilan ng pagdiriwang ng Salubong ay upang magalak tayo sa Muling Pagkabuhay ng Panginoon, kasama ang Mahal na Ina. Kagalakan ang dulot ng Muling Pagkabuhay ni Kristo sa ating mga Kristiyano. Hindi mapapantayan ninuman ang kagalakang dulot ng Muling Pagkabuhay ni Kristo. Ang kagalakang hatid ng Panginoong Muling Nabuhay ay higit na dakila pa kaysa sa kagalakang dulot ng sanlibutan.

Isa na namang pagtawid ang natunghayan natin sa Salubong. Sa Salubong, ginugunita natin ang pagpapakita ng ating Panginoong Hesus sa Mahal na Birheng Maria pagkatapos na Siya'y muling mabuhay. Ang itim na belo ay sumasagisag sa hapis at lumbay ng Mahal na Inang Maria dahil sa pagpanaw ng kanyang Anak na si Hesus noong Biyernes Santo. Tinanggal ang itim na belo mula sa imahen ng Mahal na Ina. Sa pamamagitan noon, nagwakas na ang kalungkutan ng Mahal na Ina. Mula sa kalungkutan, tumawid ang Mahal na Birheng Maria tungo sa kagalakang hatid ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon. 

Ang hapis ng Mahal na Birheng Maria ay naging kagalakan. Nagalak ang Mahal na Birheng Maria nang magpakita sa kanya si Hesus na muling nabuhay. Hindi mapapantayan ninuman ang kagalakang nadama ng Mahal na Birheng Maria noong si Hesus ay muling mabuhay. Ang hapis ng Mahal na Birheng Maria dulot ng pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus sa Kalbaryo ay hindi nagtagal. Dahil sa Muling Pagkabuhay ni Hesus, naranasan ng Mahal na Birheng Maria ang kagalakang dulot nito. 

"Reyna ng Langit, magalak ka! Aleluya!" Ito ang mensahe ng mga anghel sa Mahal na Birheng Maria patungkol sa Panginoong Muling Nabuhay. Hindi lamang para sa Mahal na Ina ang mensaheng ito ngayong Pasko ng Pagkabuhay. Tayong lahat ay inaanyayahan na makiisa at makigalak sa kagalakang dulot ng Muling Pagkabuhay. Ang araw ng Pasko ng Pagkabuhay ay araw ng kagalakan. Napagtagumpayan na ni Hesus ang kapangyarihan ng kadiliman. Si Hesus ay nagtagumpay laban sa kapangyarihan ng kasamaan at kamatayan. 

Tapos na ang paghahapis ng Mahal na Birheng Maria. Ang matinding hapis ng Mahal na Birheng Maria dulot ng pagdurusa at pagkamatay ni Hesus ay nawala na. Napawi na ang hapis ng Mahal na Birheng Maria. Pinawi ni Hesus ang hapis ni Maria sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay.  Inaanyayahan tayong lahat na makiisa sa kagalakang dulot ng Panginoong Hesus sa Mahal na Birheng Maria sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay. 

"Huwag ninyong hahayaang mawalan kayo ng pag-asa. Tayo ay isang sambayanan ng Muling Pagkabuhay at Aleluya ang ating awit." - Papa San Juan Pablo II 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento