Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (B)
(Linggo ng Mabuting Pastol)
Mga Gawa 4, 8-12/Salmo 117/1 Juan 3, 1-2/Juan 10, 11-18
Noong nakaraang Enero, naganap ang makasaysayang pagdalaw ng Santo Papa Francisco sa Pilipinas. Ang tema ng kanyang pagbisita sa Pilipinas ay, "Habag at Malasakit." Sa bawat talumpati at homiliya ng Santo Papa sa Pilipinas, binigyang diin niya ang Dakilang Awa at Habag ng Diyos. Lagi din niyang binibigyang diin ang pagpapadama ng habag at malasakit sa ating kapwa-tao, lalung-lalo na sa mga kapus-palad, kung paanong ipinadama ng Panginoong Diyos ang Kanyang Dakilang Awa at Habag sa sangkatauhan.
Idineklara din ng Santo Papa Francisco ang taong 2016 bilang Taon ng Hubileyo ng Awa. Magsisimula ito sa darating na Disyembre 8 ng taong ito, ang Dakilang Kapistahan ng Inmaculada Concepcion. Tatagal ang Banal na Taon ng Awa hanggang sa Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari na gaganapin sa darating na Nobyembre 20 ng susunod na taon, 2016. Binibigyan tayo ng pagkakataon ng Simbahan sa pamamagitan ng Banal na Taon ng Awa na imulat ang ating mga mata sa Banal na Awa ng Diyos. Katulad ng sinabi ng ating Santo Papa, "Ang Diyos ay hindi nagsasawang magpatawad. Huwag rin tayong magsawa sa paghingi ng kapatawaran mula sa Diyos."
Dalawang linggo na ang nakalipas magmula noong ipinagdiriwang ng Simbahan ang Kapistahan ng Dakilang Awa ng Diyos (Divine Mercy) noong Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Ngayong Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay, ipinagdiriwang ng Simbahan ang Linggo ng Mabuting Pastol. Subalit, ang Mabuting Pastol at ang Hari ng Awa ay iisa - ang Panginoong Hesukristo. Ang Panginoong Hesukristo ang Mabuting Pastol, at bilang Mabuting Pastol, ipinapadama Niya ang Kanyang habag at malasakit sa Kanyang mga tupa.
Napakinggan natin sa ating Ebanghelyo ang diskurso ni Hesus tungkol sa Mabuting Pastol. Hindi pinapabayaan ni iniiwanan ng Mabuting Pastol ang Kanyang mga tupa. Bagkus, ipinagtatanggol ng Mabuting Pastol ang Kanyang mga tupa mula sa mga asong-gubat at iba pang uri ng panganib. Nakahanda ang Mabuting Pastol na ibuwis ang Kanyang buhay alang-alang sa Kanyang mga tupa.
Ang Mabuting Pastol na tinutukoy ni Hesus ay walang iba kundi ang Kanyang sarili. Si Hesus ang Mabuting Pastol. Hindi Siya katulad ng mga pekeng pastol na iiwanan ang mga tupa sa panahon ng panganib. Bagkus, ipagtatanggol ni Hesus ang Kanyang mga tupa. Nakahanda rin si Hesus na ialay ang Kanyang buhay alang-alang sa mga tupa na Kanyang minamahal nang lubusan. Iyan ang tunay na pastol ng mga tupa - handang ipagtanggol ang mga tupa sa panganib at ibuwis ang kanyang buhay alang-alang sa kanilang kaligtasan.
Sino ang kabilang sa kawan ng mga tupa ni Hesus? Tayong lahat ay kabilang sa kawan ng mga tupa ni Hesus. Tayo ang mga tupang minamahal ni Hesus. Dahil sa habag at malasakit ng Panginoong Hesus sa ating lahat, tayo ay Kanyang tinubos sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus at ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Mula sa pagkabihag, tayo ay bumalik sa kawan ni Hesus. Paano? Sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay.
Kapag nagkakasala tayo, napapalayo tayo sa ating Mabuting Pastol. Subalit, hinahanap tayo ng Mabuting Pastol. Madalas, kapag nagkakasala tayo, nagtatatakot tayo at nagtatago tayo mula sa Mabuting Pastol. Pero, hinahanap tayo ng ating Panginoong Hesus, ang Mabuting Pastol na may habag at malasakit sa Kanyang mga tupa. Huwag na tayong matakot. Sa halip, magpakita at magpahanap tayo sa Mabuting Pastol na patuloy na maghahanap at tatanggap sa atin, sa kabila ng ating mga pagkukulang at pagkakasala laban sa Kanya.
Mayroon tayong Pastol na patuloy na maghahanap sa ating lahat sa kabila ng paulit-ulit nating pagtalikod at pagsuway sa Kanya - si Hesus. Si Hesus ang Mabuting Pastol na may habag at malasakit sa Kanyang mga tupa. Laging maawain at nagmamagandang-loob ang ating Panginoon. Ang ating Panginoon na Siyang Mabuting Pastol ay patuloy na maghahanap sa atin, sa kabila ng maraming pagkakataon na tinalikuran at sinuway natin Siya. Tayong lahat ay ipagtatanggol at ililigtas Niya, kahit ang kapalit nito ay ang buhay Niya. Ganyan tayo kamahal ng ating Mabuting Pastol, ang ating Panginoong Hesukristo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento