Biyernes Santo sa Pagpapakasakit ng Panginoon
Isaias 52, 13-53, 12/Salmo 30/Hebreo 4, 14-16; 5, 7-9/Juan 18, 1-19, 42
Mula noong isinilang si Hesus sa sanlibutan, namuhay Siyang dukha. Hindi naranasan ng Panginoong Hesus ang karangyaan at kayamanan dito sa mundo. Kahit na Siya'y Diyos at kahit na Siya ang Mesiyas, hindi namuhay si Hesus katulad ng isang hari o prinsipe dito sa mundo. Walang kayamanan si Hesus noong nabubuhay Siya dito sa daigdig. Bagkus, si Hesus ay namuhay ng isang buhay ng karukhaan bilang pakikiisa sa ating karukhaan.
Noong ipinako ang Panginoong Hesukristo sa krus, pinagsapalaran ng mga kawal ang Kanyang damit. Hinubaran ang Panginoon ng Kanyang mga damit bago Siya ipako sa krus. Ang damit ng Panginoon na sinuot Niya buong buhay Niya ay hinubaran at pinagsapalaran ng mga kawal. Walang sinuot ang Panginoon noong Siya ay nakabayubay sa krus.
Kung titingnan po ninyo ang imahen o larawan ni Kristo na nakapako sa krus, maaawa kayo kay Kristo. Suot Niya ang koronang tinik. Wala Siyang damit, bukod pa sa Kanyang kasuutang pang-ilalim. Dumudugo ang Kanyang Katawan. Sa unang tingin, kawawa na talagang tingnan ang Panginoong nakabayubay sa krus.
Hindi lang noong ipinako si Hesus sa krus makikita ang Kanyang karukhaan. Noong iniharap ni Pilato si Hesus sa madla, sinabi niya, "Narito ang tao!" (Juan 19, 5) Dumadaloy ang Dugo mula sa Katawan ni Hesus. Suot Niya ang koronang tinik. Hinampasan pa ang Katawan ni Hesus. Mukhang inosente si Hesus. Mukhang dukha si Hesus. Kawawa si Hesus, sa unang tingin pa lamang.
Ang karukhaang ipinamalas ni Hesus buong buhay Niya at noong Siya ay ipinako sa krus ay nakakabighani. Sino ang hindi maaakit sa karukhaang ipinamalas ni Hesus sa krus? Sino ang hindi maaakit na lumapit kay Hesus na nag-alay ng sarili para sa atin? Sino ang hindi maaakit sa habag, pagdamay at pag-ibig sa atin ng Panginoon na nakabayubay sa krus?
Si Hesus ay nagpakadukha alang-alang sa atin. Nagpakababa Siya, naging tao, at nabuhay ng isang buhay na payak at puno ng karukhaan. Ipinapakita sa atin ni Hesus ang Kanyang pakikiisa sa ating karukhaan. Kahit gaano mang karami ang ating kayamanan dito sa mundo, may pagkadukha din tayo. Kahit gaano mang karami ang ating pera, tayo ay dukha pa rin. Dukha pa rin tayo dahil kailangan natin ang Diyos. Tayong lahat ay pantay-pantay sa paningin ng Diyos. Lahat tayo ay mga aba sa paningin ng Diyos.
Ang kayamanan at kapangyarihan ay hindi masama. Subalit, nagiging masama na ito kapag ginamit natin ito sa masasamang paraan. Paano nating ginagamit sa masasamang paraan ang kayamanan? Sa pagiging maramot, ganid, gahaman, at kayabangan. Inaabuso natin ang mga biyayang ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Sa halip na magbunga ng kabutihan ang mga biyaya ng Diyos sa atin, ginagamit na natin ito sa masasamang paraan.
Pagmasdan natin ang Panginoong Hesus na nakabayubay sa krus. Kahit Siya ay Diyos, hinubaran Niya ang Kanyang pagka-Diyos at naging tao katulad natin. Sa Kanyang pagpapakadukha, ipinapakita ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang pakikiisa sa ating lahat. Ipinapakita sa atin ng Panginoon ang taliwas ng pagmamataas at pagmamarot. Hindi nagmayabang o naging maramot ang Panginoon dito sa lupa. Bagkus, nagpakababa ang Panginoon at inihain ang Kanyang buhay para sa ating lahat.
Mahirap magpakababa, lalung-lalo na sa panahon ngayon. Tinuturo tayong lahat ng sistema, lalung-lalo na ang mga kabataan, na may mga pagkakataon kung kailan dapat magyabang. Kapag nakakuha ng bagong sasakyan, pwedeng na niyang ipagyabang. Kapag mas mataas ang grado ng isang estudyante sa kanyang kaibigan, pwede niyang ipagyabang iyon. Kapag naging kasintahan na ng isang lalaki ang crush ng buong tropa, pwede na niyang ipagyabang iyon. Pwede naman nating ipagmalaki iyon, pero huwag naman nating paghaluan ng yabang ang pagmamalaki natin sa ating mga tagumpay sa buhay.
Sa krus ng Kalbaryo, ipinagmalaki ni Hesus ang Kanyang pag-ibig, awa at pagdamay sa ating lahat. Inalay ni Hesus nang buong pagpapakumbaba at pagpapakadukha ang Kanyang buhay para sa ating kaligtasan. Habang Siya'y nakabayubay sa krus, tinuturuan tayo ni Hesus na ang pagpapakumbaba at pagpapakadukha ay tanda ng pagmamahal. Kahit Siya'y dukha noong nabubuhay Siya sa mundo, ibinigay ni Hesus ang pinakamahalagang biyaya - ang pag-aalay ng Kanyang sarili sa krus.
Ating pagmasdan at tularan ang karukhaan at ang pagpapakumbaba ni Hesus. Ipinakita ni Hesus ang Kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng Kanyang pagiging dukha at pagpapakumbaba. Tayo ay nailigtas at nabubuhay ngayon dahil sa pagpapakababa at pagmamahal ni Hesus na nagpakadukha.
REFLECTIVE SONG: "Pagkabighani" (Bukas Palad Music Ministry)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento