Marso 28, 2015
Sabado sa Ikalimang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay
Paggunita kay San Pedro Calungsod, katekista at martir
Ezekiel 37, 21-28/Jeremias 31/Juan 11, 45-56
Bukas na po magsisimula ang mga Mahal na Araw. Sa ating Ebanghelyo ngayong Sabado bago ang Linggo ng Palaspas, matutunghayan natin na ang mga punong saserdote at ang mga matatanda ng bayan ay nagpulong para iplano kung paano nila maipadadakip si Hesus at ipapapatay. Hindi nila mapigilan ang ginagawa ni Hesus. Naiinggit lamang ang mga saserdote kay Hesus dahil sa dami ng mga taong lumalapit at pumupunta sa Kanya.
Ayon kay Kaipas, si Hesus ay dapat mamatay alang-alang sa bayang Israel. Isang tao lamang ang dapat mamatay alang-alang sa bayan. Ito'y isang hula. Si Hesus ay mamamatay, hindi lamang para sa bayang Israel, kundi para sa buong mundo. Alam ito ni Hesus. Alam ni Hesus na dapat matupad ang hulang iyon. Bukas, gugunitain natin ang maluwalhating pagpasok ni Hesus sa Jerusalem upang tupdin ang Kanyang misyon bilang Mesiyas.
Inalay ni Hesus ang Kanyang buhay sa krus alang-alang sa ating lahat. Mahal na mahal tayo ni Hesus, kaya pinili Niyang ialay ang Kanyang buhay sa krus. Walang kasalanang ginawa ang Panginoong Hesus buong buhay. Hinatulan Siya para sa ating mga kasalanan. Pero, kusang-loob na inalay ni Hesus ang Kanyang buhay bilang kabayaran sa dinami-dami ng ating mga kasalanan.
Ngayon po ay ginugunita natin ang Ikalawang Pilipinong Santo - si San Pedro Calungsod. Hindi niya alam na siya ay papatayin. Alam ni San Pedro Calungsod na may mga pagkakataon kung kailan magiging mahirap ang pagtulong niya kay Beato Diego Luis de San Vitores. Maaari ding alam ni San Pedro Calungsod na may masamang mangyayari sa kanya doon.
Subalit, bakit pinili ni San Pedro Calungsod na sumama kay Beato Diego Luis de San Vitores? Inalay ni San Pedro Calungsod ang kanyang buhay bilang paglilingkod sa Diyos. Bagamat hindi pari o relihiyoso si San Pedro Calungsod, inalay niya ang kanyang buhay para sa Diyos. Buong buhay at pagmamahal sa Panginoon na inalay ni San Pedro Calungsod ang kanyang buhay sa paglilingkod sa Diyos at sa kapwa.
Iyan ang mensahe ng mga Mahal na Araw. Ang Diyos ang unang nagmahal sa atin, at patuloy na nagmamahal sa atin. Kaya, dapat tayong mamuhay ng isang buhay ng pagmamahal. Dapat tayong mabuhay nang may pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa kapwa-tao.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento