Linggo, Marso 22, 2015

KRUS AT MULING PAGKABUHAY

Marso 22, 2015 
Ikalimang Linggo ng Apatnapung Araw ng Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B) 
Jeremias 31, 31-34/Salmo 50/Hebreo 5, 7-9/Juan 12, 20-33 



Isang linggo na lamang ang natitira at ipinagdiriwang ng Simbahan ang mga Mahal na Araw. Sa mga Mahal na Araw, gugunitain at alalahanin nating mga Katolikong Kristiyano ang Misteryo Paskwal - ang Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan ng pagpapakasakit, pagkamatay at Muling Pagkabuhay ni Hesus, nakamtan Niya ang tagumpay para sa Diyos at para sa ating lahat. 

Makikita natin sa maraming Simbahan na ang krusipiho o ang imahen ni Kristong nakabayubay sa krus ang itinatampok sa altar. Ipinapaalala sa atin ng krusipiho o ang imahen ni Kristong nakapako sa krus ang dakilang pag-ibig ng Diyos na ipinamalas ni Kristo sa krus. Buong pagmamahal na inalay ni Kristo ang Kanyang sariling buhay sa krus alang-alang sa buong sangkatauhan. 

Bagamat sinabi ni San Juan Ebanghelista na si Hesus ay nababagabag dahil sa nalalapit Niyang kamatayan, alam ni Hesus na kailangang Niyang danasin ang sakit at kamatayan sa krus sa Kalbaryo. Alam ni Hesus na naparito Siya upang mamatay alang-alang sa sangkatauhan. Inako Niya ang utang ng sangkatauhan sa Diyos. Tinanggap ni Hesus na Siya ang magiging hain para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan ng buong sangkatauhan. 

Kung ninanais ni Hesus, maaari sana Siyang manalangin sa Ama na iligtas Siya mula sa kamatayan. Maaari ding gawin ni Hesus ang lahat para lang makatakas sa krus ng Kalbaryo. Subalit, pinili ni Hesus na tiisin ang hirap at kamatayan sa krus para sa atin. Ito'y kalooban ng Diyos. Niloob ng Diyos na ang Kanyang Bugtong na Anak, ang ating Panginoong Hesukristo, na mamatay sa krus ng Kalbaryo bilang hain para sa katubusan ng sangkatauham. 

"Malibang mahulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung mamatay, ito'y mamumunga nang marami." (Juan 12, 24) Para kay Hesus, kinakailangan Niya munang tiisin ang maraming hirap at kamatayan sa krus sa Kalbaryo upang makamtan Niya ang tagumpay para sa Diyos at para sa sangkatauhan. Kung hindi mamamatay si Hesus sa Kalbaryo, hindi Niya makakamit ang muling pagkabuhay. Walang krus, walang muling pagkabuhay. Magkakaugnay ang krus at ang Muling Pagkabuhay. 

Alam nating lahat na hindi natin makakamit ang tagumpay kung hindi muna tayo nagtitiis at nagtitiyaga. Kailangang lakbayin natin ang daan patungo sa tagumpay. Hindi magiging madali o maginhawa ang daan patungo sa tagumpay. May mga pagkakataon kung kailan madadapa tayo at mayroon ding mga pagsubok na kailangan nating harapin. 

Ganun din ang daan ni Hesus patungo sa tagumpay at kaluwalhatian. Kahit maaaring piliin ni Hesus ang pinakamadaling paraan upang makamtan ang tagumpay at kaluwalhatian, pinili Niya ang pinakamahirap na paraan. Pinili ni Hesus na harapin ang krus at kamatayan sa Kalbaryo para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Sa ikatlong araw pagkalipas ng kamatayan ni Hesus, Siya'y muling nabuhay at nakumpleto Niya ang Kanyang misyon. 

Ngayong papalapit na ang mga Mahal na Araw, inaanyayahan tayo ni Hesus na samahan at makiisa sa Kanya sa Kanyang paglalakbay patungo sa kaluwalhatian at tagumpay. Inaanyayahan tayo na pagnilayan natin ang bawat pagtahak ng Panginoong Hesus sa landas ng pagdurusa. Ang landas ng pagdurusa ang aakay sa ating lahat tungo sa tagumpay at kaluwalhatiang kinamtan ng Panginoong Hesus para sa atin sa pamamagitan ng Kanyang muling pagkabuhay. Hindi magtatapos ang lahat sa krus at kamatayan sa Kalbaryo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento