Linggo, Marso 29, 2015

PAG-ALAALA SA KALIGTASAN DULOT NI KRISTO

Abril 2, 2015
Huwebes Santo 
Pagmimisa sa Pagtatakipsilim sa Paghahapunan ng Panginoon 
Exodo 12, 1-8. 11-14/Salmo 115/1 Corinto 11, 23-26/Juan 13, 1-15 


Sinisimulan natin ang Banal na Tatlong Araw o ang Banal na Triduo. Sa unang araw ng Banal na Triduo, ginugunita natin ang Huling Hapunang pinagsaluhan ng Panginoong Hesukristo at ng Kanyang mga alagad. Napakahalaga ang mga huling sandaling magkakasama ang Panginoong Hesukristo at ang mga alagad. Alam ng Panginoong Hesus na nalalapit na ang oras ng Kanyang kamatayan. Kaya, magkasamang ipinagdiwang ng Panginoong Hesus ang Hapunang Pampaskuwa kasama ang Kanyang mga alagad. 

Ang Paskuwa ay ang pinakamahalagang pagdiriwang ng mga Hudyo. Ginugunita nila ang pagpapalaya ng Diyos sa kanilang mga ninuno noong sila'y mga alipin sa Ehipto. Pinalaya ng Diyos ang bayang Israel na naging alipin sa Ehipto sa loob ng mahabang panahon. Iniligtas ng Diyos ang bayang Israel mula sa huling salot sa Ehipto. Pinatay ang isang kordero o bisirong kambing, at ang dugo nito ay inilagay sa pintuan ng kanilang mga tirahan. 

Sa pamamagitan ng dugo ng korderong inilagay ng mga Israelita sa mga pintuan ng kanilang mga tirahan, iniligtas sila ng Diyos mula sa pinakahuling salot sa Ehipto. Ang mga panganay na lalaki ay papatayin ng Diyos, kabilang na doon ang panganay na lalaki ng Faraon. Kaya, mahalaga para sa mga Hudyo ang kordero. Sa pamamagitan ng dugo ng kordero, iniligtas at pinalaya ng Diyos ang bayang Israel mula sa kaalipinan sa Ehipto. 

Hindi lamang iyon ang dahilan kaya napakahalaga ang kordero para sa mga Hudyo. Ang kordero ay inihahain ng mga Hudyo sa Diyos bilang pagbabayad-puri sa kanilang mga kasalanan. Sa dinami-dami siguro ng mga kasalanang nagawa ng mga tao noon, maraming mga inosenteng kordero ang pinatay. Ang kordero ay kilala bilang isang pinakainosenteng hayop. Kaya, dahil walang dungis ang isang kordero, ito'y inihahain ng mga Hudyo bilang tanda ng paghingi ng kapatawaran sa Diyos mula sa kanilang mga kasalanan. 

Isang bagong kordero ang natunghayan natin sa Bagong Tipan - si Hesus. Si Hesus ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, katulad ng sinabi ni San Juan Bautista (Juan 1, 29; Juan 1, 36). Kahit nagkatawang-tao si Hesus katulad natin, hindi Siya nagkasala kahit kailan. Hindi dinungisan ng kasalanan si Hesus. Bagkus, si Hesus ay nanatiling perpekto, walang dungis, at walang kasalanan. Kaya tinatawag natin Siyang, "Kordero ng Diyos." 

Sa Huling Hapunang pinagsaluhan ni Hesus at ng mga alagad, kumuha si Hesus ng tinapay at hinati iyon sa dalawa. Kinuha din ni Hesus ang kopa ng alak. Ibinigay ni Hesus ang mga iyon sa mga alagad. Ang tinapay at alak ay naging Katawan at Dugo ni Kristo. Inihain ni Kristo ang Kanyang Katawan sa krus sa Kalbaryo at dumaloy ang Dugo mula sa Kanyang Katawan. Binilin pa ni Kristo sa mga alagad, "Gawin ninyo ito bilang pag-alala sa Akin." (1 Corinto 11, 24) 

Nais ni Hesus na maalala natin Siya. Kaya itinatag Niya ang pagdiriwang ng Banal na Misa. Sa tuwing ipinagdiriwang natin ang Banal na Misa, ginugunita natin ang sakripisyo ni Hesus sa Kalbaryo. Inihain ni Kristo ang Kanyang sarili sa Kalbaryo. Sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang Katawan at Dugo sa krus sa Kalbaryo, iniligtas at pinalaya tayo ni Hesus mula sa kaalipinan ng kasamaan at kasalanan.

Sa pagpapatuloy ng ating paggunita sa Banal na Tatlong Araw, atin pong alalahanin ang kaligtasan dulot ni Kristo. Tinamo ng Panginoon ang ating kaligtasan sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang Katawan at Dugo sa Kalbaryo. Sa pamamagitan ng pagkamit ng kaligtasan para sa atin, ipinakita ng Panginoon ang Kanyang paglilingkod at pagmamahal sa atin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento