Sabado, Marso 28, 2015

ANG PAGIGING MASUNURIN NI HESUS SA KABILA NG PAGDURUSA

Marso 29, 2015 
Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon (B) 
Sa Pursisyon ng Palaspas: Marcos 11, 1-10 (o kaya: Juan 12, 12-16) 
Sa Misa: Isaias 50, 4-7/Salmo 21/Filipos 2, 6-11/Marcos 14, 1-15, 47 (o kaya: 15, 1-39) 


Ngayong Linggo ng Palaspas, ginugunita ng Simbahan ang maluwalhating pagpasok ng Panginoong Hesukristo sa Jerusalem. Ang Panginoong Hesukristo'y pumasok sa Jerusalem, na nakasakay sa isang asno. Habang pumapasok ang Panginoong Hesus sa Jerusalem, Siya'y sinalubong ng mga taong nagwawagayway ng mga palaspas at naglalatag ng kanilang mga balabal sa daanan. Lahat sila'y nagbigay-pugay sa Panginoong Hesus, katulad ng isang hari o isang mandirigmang nagtagumpay sa digmaan. Sigaw pa nila, "Osana, anak ni David! Pinagpala ang naparirito sa Ngalan ng Panginoon!" 

Subalit, alam ni Hesus na ang mga pagpupugay na tinanggap Niya sa Kanyang pagpasok sa Jerusalem ay hindi magtatagal. Alam ni Hesus na darating din ang araw kung kailan dadakipin Siya ng Kanyang mga kaaway at ihaharap ni Poncio Pilato sa mga tao. Hindi na mga pagpupugay ang maririnig Niya mula sa mga tao sa sandaling ihaharap Siya ni Pilato sa taong-bayan. Bagkus, iinsultuhin ng mga tao si Hesus at hihilinging patayin Siya. 

Ano kaya ang nararamdaman ni Hesus sa mga sandaling iyon? Natatakot o nabibigo kaya si Hesus dahil sa alam Niya kung ano ang mangyayari pagkatapos ng araw na iyon? Masasabi natin na sa kabila ng ingay at pagpupugay ng mga tao sa Kanya, may pagkabagabag na nararamdaman si Hesus. Alam Niya kung gaano kasakit ang ituturing sa Kanya ng mga tao ilang araw makalipas ang Kanyang matagumpay na pagpasok sa Jerusalem. 

Tinalikuran ng mga alagad si Hesus noong Siya ay dinakip. Ang mga taong sumalubong sa Kanya noong pumasok Siya sa Jerusalem ay kumutya sa Kanya. Napakasakit para sa isang tao na siya'y talikuran ng mga humahanga sa kanya. Ano pa kaya ang sakit na naramdaman ni Hesus noong nakikita Niya ang Kanyang mga alagad at ang mga taong sumasalubong sa Kanya? Alam Niya kung ano ang gagawin nila sa Kanya. Ang mga alagad ay tatalikod at tatakas habang ang mga taong sumalubong sa Kanya ay kukutya sa Kanya sa harapan ni Pilato. 

Maaaring humiling si Hesus sa Ama na huwag nang ituloy ang Kanyang plano na mamatay sa krus. Napakasakit at napakabrutal ang kamatayan sa krus. Hindi lamang pisikal na sakit ang naramdaman ni Hesus sa krus. Nasaktan din ang damdamin ni Hesus noong Siya ay nakabayubay sa krus. Si Hesus ay kinukutya ng mga tao na walang kalaban-laban. 

Kahit maaaring hilingin ni Hesus sa Diyos na iligtas Siya mula sa nalalapit Niyang pagdurusa at pagkamatay, pinili pa rin ni Hesus na sumunod at tumalima sa kalooban ng Diyos. Nagsalita si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa pagiging masunurin ni Hesus noong Siya'y nabubuhay dito sa lupa. Ipinaliwanag ni San Pablo Apostol na si Hesus ay nagpakababa, kahit na Siya ay Diyos. Nagpakababa, nagkatawang-tao, at namuhay nang masunurin sa kalooban ng Ama si Hesus. 

Napakahirap ang pinapagawa ng Diyos Ama kay Kristo. Isang karumal-dumal na kamatayan ang dadanasin ni Kristo sa Kanyang buhay dito sa lupa. Subalit, bilang pagsunod sa kalooban ng Ama, hindi tinakasan ni Kristo ang krus at ang Kalbaryo. Bagkus, hinarap Niya ito nang buong pagtalima sa kalooban ng Ama. Mula sa Kanyang pagsilang sa mundo, hindi sinuway ni Hesus ang Ama. Hanggang sa mga huling sandali ng Kanyang buhay, sinunod ni Hesus ang kalooban ng Ama. 

Katulad ng Panginoong Hesus, maging masunurin nawa tayong lahat sa kalooban ng Diyos. Sa bawat sandali ng ating buhay dito sa lupa, tularan natin si Hesus sa pagsunod sa kalooban ng Ama. Tandaan, ang kalooban ng Ama ang nakabubuti para sa ating lahat. May plano ang Diyos para sa ating lahat. Katulad ng Panginoong Hesukristo, manalig at tumalima tayo sa Kanyang kalooban. Sa kahuli-hulihan, magaganap ang kagustuhan ng Diyos. 

Ama, mangyari nawa ang Iyong kalooban. Nawa'y maging masunurin kami sa Iyong kalooban, katulad ng Panginoong Hesus. Amen. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento