Katesismo para sa panahon ng Kuwaresma
Ang Laetare Sunday ay ang alternatibong pangalan ng Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma. Ang ibig sabihin ng salitang Laetare ay "Magalak." Nagmula ang pangalang Laetare Sunday sa Antipona sa Pasimula ng Banal na Misa, "Lungsod ng kapayapaan, magalak tayo't magdiwang. Noo'y mga nalulumbay, ngayo'y may kasaganaan sa tuwa at kasiyahan." (Isaias 66, 10-11)
Katulad ng Gaudete Sunday sa panahon ng Adbiyento, maaari ding magsuot ng rosas ang mga pari sa mga Misa tuwing Laetare Sunday sa panahon ng Kuwaresma. Maaari ding maglagay ng mga bulaklak sa altar at gamitin ang organo bilang solo instrumento.
Binibigyang diin ng Laetare Sunday ang kagalakan. Ito ang pagkakaiba ng Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma sa ibang mga Linggo ng Kuwaresma. Nagagalak tayong lahat dahil sa pag-asa dulot ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Ang Laetare Sunday ang hudyat na papalapit na ang pinakaimportanteng pagdiriwang ng Simbahan - ang pagdiriwang ng pagpapakasakit, pagkamatay at Muling Pagkabuhay ni Hesus.
Sa kabila ng pagpepenitensya ngayong panahon ng Kuwaresma, hinihikayat tayong lahat ng Simbahan ngayong Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma na magalak. Magalak dahil sa pag-asang ibinibigay sa atin ng Diyos. Hinihikayat din tayong magalak dahil malapit nang matapos ang panahon ng Kuwaresma at malapit na ang pinakadakilang kapistahan ng Simbahan - ang Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento