Linggo, Marso 22, 2015

BAKIT TINATAKPAN ANG MGA IMAHEN SA SIMBAHAN TUWING IKALIMANG LINGGO NG KUWARESMA?

Katesismo para sa Panahon ng Kuwaresma 



Ngayong Linggo ang Ikalimang Linggo ng Kuwaresma, ang huling linggo bago ang Linggo ng Palaspas, ang simula ng mga Mahal na Araw. Mapapansin nating mga Katoliko na sa ating pagsimba na nakatakip ng lilang tela ang mga larawan at rebulto ni Kristo at ng mga santo. Maitatanong siguro ng marami, "Bakit tinatakpan ang mga imahen ng Panginoon at ng mga Santo ngayong Ikalimang Linggo ng Kuwaresma?" 

Ang pagtakip ng mga imahen sa huling linggo bago ang mga Mahal na Araw ay isang matandang tradisyon sa Simbahan. Ito'y hudyat ng pagsisimula ng Passiontide, ang pangalang ibinigay ng Simbahan sa huling linggo ng Kuwaresma bago ang mga Mahal na Araw. Binibigyang diin ng panahong ito ang pagka-Diyos ng Panginoong Hesukristo at ang Kanyang paglalakbay patungong Jerusalem para tuparin ang Kanyang misyon. 

Hango ang tradisyong ito sa ikawalong kabanata ng Ebanghelyo ayon kay San Juan na kung saan si Hesus ay nagtago noong Siya ay babatuhin ng mga tao dahil sa Kanyang pahayag na Siya ang Anak ng Diyos (Juan 8, 54-59). Ang salaysay na ito ay ang Ebanghelyo sa Banal na Misa ng Ikalimang Linggo ng Kuwaresma bago ang pagbabago sa Kalendaryong Panliturhiya noong 1969. Mapapakinggan na ngayon ito sa Banal na Misa ng Huwebes ng Ikalimang Linggo ng Kuwaresma. 

Ayon kay San Agustin, hindi nawala si Kristo dahil sa Siya'y naduwag o natakot sa mga tao. Bagkus, ang pagkubli ni Kristo mula sa mga tao ay pagpapahayag ng Kanyang kalikasan bilang Diyos. Ginamit ni Kristo ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos upang ikubli ang Kanyang sarili mula sa mga taong nais bumato sa Kanya. Hindi pa noon panahon ni Kristo. 

Binibigyang-diin ng Simbahan sa panahon ng Passiontide ang pagka-Diyos ni Kristo, kaya itinatakpan ng lilang tela ang mga larawan at rebulto ni Kristo. Isa ring dahilan ng pagtatakip sa mga imahen ni Kristo at mga santo sa Simbahan ngayong araw na ito ay dahil nais bigyang-diin ng Simbahan ang ginawa ni Kristo para sa katubusan ng sangkatauhan. 

SOURCE: Catholics Know The Answer Facebook Page

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento