Linggo, Marso 29, 2015

GAANO KAHALAGA SA IYO ANG PANGINOONG HESUS?

Abril 1, 2015 
Miyerkules Santo 
Isaias 50, 4-9a/Salmo 68/Mateo 26, 14-25 



Sa ating Ebanghelyo, natunghayan natin kung paanong sumang-ayon si Hudas Iskariote sa mga Pariseo na ipagkanulo si Hesus. Nakipagkasundo si Hudas Iskariote na ipagkanulo si Hesus kapalit ng tatlumpung pirasong pilak. Tatlumpug pirasong pilak ang halaga ni Hesus. Ibinenta lamang si Hesus ni Hudas Iskariote. Pagkatapos ng matagal na panahon na kanilang pinagsambahan, si Hesus ay binenta ni Hudas Iskariote sa mga Pariseo at mga matatanda ng bayan. 

Napakasakit para sa atin bilang tao na talikuran tayo ng ating kaibigan, lalung-lalo na ang pinakamatalik na kaibigan. Pagkatapos ng inyong mahabang samahan, tinalikuran ka bigla ng iyong pinakamatalik na kaibigan. Ang lahat ng mga oras na pinagsamahan ninyo ay binalewala na lamang niya. 

Kahit palihim na nakipagkita si Hudas Iskariote sa Sanedrin, alam ng Panginoong Hesus na ipagkakanulo Siya ni Hudas. Hindi na kailangan ng Panginoong Hesus ng makapagsasabi sa Kanya kung ano ang plano ni Hudas. Kahit ano pang gawin ni Hudas, hindi niya maitatago kay Hesus ang kanyang planong ipagkanulo Siya. Alam ng Panginoong Hesukristo na binalewala ni Hudas Iskariote ang matagal nilang pagsasama. Alam ng Panginoong Hesukristo sa simula pa lamang na ipagkakanulo Siya ng isa sa Kanyang mga alagad. 

Tatlumpung piraso ng pilak. Napakasakit siguro para kay Hesus na isipin na hindi na kaibigan ang turing sa Kanya ni Hudas Iskariote. Pagkatapos kaibiganin ni Hesus si Hudas Iskariote nang matagal na panahon, ganito ang ginawa ni Hudas. Si Hesus ay nilagyan ni Hudas ng presyo sa ulo. 

Naalala ko po tuloy ang kwentong ibinahagi ni Cardinal Tagle noong pinangunahan niya ang Misa ng Linggo ng Palaspas noong nakaraang taon sa Manila Cathedral. Ibinahagi niya ang isang pangyayari noong siya'y Obispo pa lamang ng Imus, Cavite. Sa isang Kumpilan sa basketbolan, tinanong niya ang mga kabataan, "Alin ang mas mahalaga? Ang Misa o tatlumpung milyong dolyar?" Dinaig pa ng koro ang sagot ng mga kabataan, "Tatlumpung milyong dolyar!" 

Tingnan po ninyo, napakadaling pagpalitan ang Diyos. Maaaring piliin nating mag-aral kaysa manood ng TV. Maganda iyan. Kailangang mag-aral tayo nang mabuti. Dapat hindi tayo nagbubulakbol. Pero, tatlumpung milyong dolyar kaysa ang Diyos? Napakasakit isipin iyon! Ang halaga ba ng Diyos, tatlumpung milyong dolyar? Alam kong karamihan sa atin ay hindi mga milyonaryo, pero dapat nating malaman na hindi natin maipagpapalit ang Diyos. 

Sa panahon ngayon, halos wala na tayong panahon para sa Diyos. Kahit ang magdasal sa gabi bago matulog, parang balewala lamang iyon. Kahit sabihin pa naman nating, "Katoliko ako!" hindi binibigyan ng panahon ang Diyos. Mahirap ba ang magdasal ng Ama Namin, Aba Ginoong Maria, at Luwalhati bago matulog? 

Pagnilayan natin ang katananungang ito ngayong Miyerkules Santo. Tanungin natin ang ating mga sarili, "Gaano ba kahalaga sa akin ang Panginoong Hesus?" Gaano ba kahalaga ang Panginoon sa buhay mo? May halaga ba ang Panginoon sa buhay mo? Ipagpapalit mo ba ang Panginoon, katulad ng ginawa ni Hudas? Mananatili ka bang tapat sa Panginoon? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento