Napakasakit para sa Mahal na Birheng Maria na pakinggan ang mga salita ni Simeon patungkol sa Sanggol na Hesus. Ang mga salita ni Simeon ay nagdulot ng isang malaking sugat sa puso ng Mahal na Birheng Maria. Ipinahayag ng Diyos sa Mahal na Birheng Maria sa pamamagitan ni Simeon na iaalay ni Hesus ang Kanyang buhay para sa kaligtasan ng marami sa Kanyang paglaki.
Ang pag-aalay ni Hesus ng Kanyang sarili sa krus ay magdudulot ng sakit sa puso ng Mahal na Birheng Maria. Isang balaraw ang tatarak sa puso ng Mahal na Birhen dahil sa misyon ni Hesus. Mapanganib ang misyon ni Hesus. Nararamdaman na ni Maria ngayon pa lang ang sakit na dulot ng misyon ni Hesus. Si Maria'y natatakot na para kay Hesus.
Takot ang nararamdaman ng Mahal na Ina noong marinig niya mula kay Simeon na ang Panginoong Hesus ay malalagay sa panganib. Natatakot ang Mahal na Inang Maria para sa Panginoong Hesus. Sinong ina ang hindi matatakot at mag-aalala dahil sa posibilidad na malalagay sa panganib ang kanyang anak? Hindi naiiba si Maria sa lahat ng mga ina. Ang Mahal na Inang Maria, bilang isang ina, ay natakot para kay Hesus.
Si Maria'y napahimutok sa pahayag ni Simeon tungkol kay Hesus. Nabagabag si Maria nang malaman niyang isang mapanganib na landas ang tatahakin ni Hesus. Masakit ito para kay Maria, bilang ina ni Hesus. Ginagawa ni Maria ang lahat upang mapalayo si Hesus sa panganib at kapahamakan. Subalit, mapanganib pala ang magiging misyon ni Hesus dito sa lupa. Kaya, ang pangyayaring ito sa buhay nina Hesus at Maria ay nagdulot ng matinding hapis sa Mahal na Ina.
Mahal na mahal ng Mahal na Birheng Maria ang kanyang Anak, ang ating Panginoong Hesukristo. Nakahanda si Maria na gawin ang lahat upang mailigtas ang kanyang Anak na si Hesus mula sa panganib. Subalit, tumatalima sa kalooban ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria. Kahit alam niya ang sakit na dulot ng misyon ni Hesus sa kanyang puso, nananalig at tumatalima pa rin si Maria sa kalooban ng Diyos.
IKALAWANG HAPIS: Ang Pagtakas sa Ehipto (Mateo 2, 13-15)
Hindi na isang ligtas na lugar ang Betlehem para sa Banal na Pamilya nina Hesus, Maria at Jose. Nasa panganib ang buhay ni Hesus. Balak patayin ni Herodes ang Sanggol na Hesus. Para kay Haring Herodes, si Hesus ay isang banta sa kanyang paghahari. Ayaw mawala si Herodes sa kanyang kaharian. Gusto niyang manatiling hari. Gusto ni Herodes na manatili sa kapangyarihan. Si Herodes ay isang sakim at gahaman na pinuno ng bayang Israel.
Noong narinig ni Haring Herodes ang balita tungkol sa bagong isinilang na sanggol na magiging hari ng Israel, nabagabag si Herodes. Si Herodes ay natakot na mawala sa kanyang puwesto bilang hari. Gusto ni Herodes na siya lang ang magiging hari ng Israel at siya lang ang masusunod. Ayaw ni Herodes na mapatalsik sa kanyang puwesto. Ayaw ni Herodes na mawala ang lahat ng kanyang kapangyarihan bilang isang hari.
Kaya, noong bumalik ang tatlong pantas mula sa silangan ay hindi bumalik kay Herodes, doon nating nalalaman ang tunay na balak ni Herodes. Nais niyang patayin ang bata. Hindi niya ipinahahanap at ipinagpapatay ang tatlong pantas noong hindi sila bumalik sa kanya. Bagkus, ipinagpatay niya ang lahat ng mga inosenteng sanggol sa Betlehem.
Upang maligtas ang Sanggol na Hesus mula sa kasakiman ni Herodes, nagpakita kay San Jose sa panaginip ang isang anghel at ibinalita ang masamang balita. Kailangan nilang umalis ng Betlehem at tumungo sa Ehipto alang-alang sa kaligtasan ng Banal na Sanggol. Nasa malaking panganib si Hesus. Sanggol pa lamang Siya, nalalagay na sa panganib ang Kanyang buhay.
Isipin at ilarawan natin sa ating isipan kung paanong namimighati ang Mahal na Birheng Maria dahil sa problemang dulot ng plano ni Herodes. Isang napakalaking problema ang dulot ng plano ni Herodes na patayin ang Sanggol na Hesus para sa Mahal na Birheng Maria. Ang pangyayaring ito'y naging isang hapis para sa Mahal na Birheng Maria dahil sa kanyang pamimighati noong itinatakas nilang dalawa ni San Jose ang Sanggol na si Hesus.
Buong pagmamahal na inaruga at kinalinga ng Mahal na Birheng Maria ang Sanggol na Hesus sa kanyang kandungan. Nakahanda si Maria upang ipagtanggol si Hesus mula sa panganib. Alam ni Maria na hindi pa nagsisimula ang misyon ni Hesus. Kaya, habang hindi sinisimulan ni Hesus ang Kanyang misyon, ipinagtatanggol Siya ni Maria mula sa banta ni Herodes sa Kanya.
Alam ni Maria na balang araw, hindi na niya mailalayo sa panganib si Hesus. Bagkus, masasamahan na lamang ni Maria si Hesus sa landas na Kanyang tatahakin. Sa paglaki ni Hesus, mapanganib ang landas na Kanyang tatahakin. Ang landas na tatahakin ni Hesus ay patungo sa Kalbaryo. Subalit, kahit hindi Siya maipagtatanggol ni Maria, sumunod at sinamahan ni Maria si Hesus hanggang sa huling hininga ni Hesus sa krus.
IKATLONG HAPIS: Ang Paghahanap sa Batang Hesus sa Templo ng Jerusalem (Lucas 2, 41-50)
Tatlong araw na nawala ang Batang Hesus sa paningin ng Mahal na Inang Maria. Pagkatapos ng Pista ng Paskuwa, ang Batang Hesus ay nagpaiwan sa Jerusalem. Labis na nag-alala ang Mahal na Birheng Maria para sa Panginoong Hesus. Ang Mahal na Birheng Maria ay lubos na nabagabag dahil sa pagkawala ng Panginoong Hesus sa kanyang paningin. Isang malaking problema para sa Mahal na Birheng Maria at kay San Jose ang pagkawala ng Panginoong Hesukristo sa Jerusalem.
Sinong ina ang hindi mag-aalala nang lubusan kapag nawala sa kanyang paningin ang kanyang anak? Sinong ina ang hindi maghihirap sa paghahanap sa kanyang anak hanggang sa matagpuan niya ito? Gagawin ng isang ina ang hanapin ang kanyang anak na nawawala, kahit gaano mang kahirap ito. Kahit napakahirap at nakakaubos ng oras ang paghahanap sa anak na nawawala, gagawin ng isang ina ang sakripisyong ito mahanap lang ang kanyang anak.
Para kay Maria, napakasakit ang tatlong araw na wala si Hesus sa kanyang paningin. Ang kanyang Anak na minamahal ay nawawala. Napakasakit para kay Maria na mawala ang kanyang Anak. Ang Mahal na Birheng Maria at si San Jose ay naghirap sa paghahanap sa Panginoong Hesus. Unang tinanong nila ang kanilang mga kamag-anak at mga kakilala. Subalit, hindi kasama ng Panginoong Hesus ang kanilang mga kamag-anak o mga kakilala.
Namimighati ang Mahal na Birheng Maria sa tatlong araw na nawala ang Panginoong Hesukristo. Napakahalaga ang Panginoong Hesus para sa Mahal na Birheng Maria. Si Hesus ang biyaya ng Diyos sa Mahal na Inang Maria. Sa pagkawala ng Panginoong Hesus sa kanyang paningin, namimighati ang Mahal na Birheng Maria. Labis ang kalungkutan at pagmimighating dinanas ni Maria sa loob ng tatlong araw na iyon.
Ang kalungkutan na dinanas ni Maria at Jose sa tatlong araw na nawala si Hesus noong matagpuan nila si Hesus sa templo. Hindi maintindihan ni Maria kung bakit nawala si Hesus sa kanyang paningin sa loob ng tatlong araw. Kahit ang sagot ni Hesus sa katanungan ni Maria, "Hindi po ba ninyo alam na kailangan Kong gawin ang ipinapagawa sa Akin ng Ama?", hindi maintindihan ni Maria.
Iningatan ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang puso ang lahat ng nangyari. Bagamat hindi niya naintindihan kung bakit nangyari ang pagkawala ni Hesus, iningatan pa rin ni Maria ang lahat ng iyon sa kanyang puso upang pagnilay-nilayan. Sa katahimikan, pinagninilayan ni Maria ang lahat ng mga nangyari sa buhay ni Hesus.
IKAAPAT NA HAPIS: Ang Pagsalubong nina Hesus at Maria sa daang patungong Kalbaryo
Ang mga pinakamasakit na sandali sa buhay ni Maria ay naganap noong unang Biyernes Santo. Sa araw ng pagdurusa ni Hesus, mas lalong nagdusa si Maria. Hinding-hinding ninanais ng isang ina na makita ang kanyang anak na nagdurusa. Masakit para sa isang ina na makita ang kanyang anak na nagdurusa.
Nadama ni Maria ang pagdurusa ni Hesus. Ang bawat sakit na naramdaman ni Hesus dahil sa koronang tinik at ang bigat ng krus ay naramdaman din ni Maria. Ang engkuwentro nina Hesus at Maria sa Via Dolorosa ay nagdulot ng matinding sakit sa puso ni Maria. Muling tinarakan ng isang balaraw ang kalinis-linisang puso ni Maria.
Wala nang magawa si Maria para sa kanyang Anak na nagdurusa. Hindi na niya mailalayo mula sa panganib ang kanyang Anak. Kahit nais ng Mahal na Birheng Maria na itakas ang Panginoong Hesus mula sa kamatayan sa Kalbaryo, hindi niya magawa ito. Bakit? Ang kamatayan ng Panginoong Hesukristo ang kalooban ng Diyos. Kalooban ng Diyos na mamatay si Hesus sa krus sa Kalbaryo alang-alang sa kaligtasan ng sangkatauhan.
Habang pinapasan ni Hesus ang mabigat na krus, sinusundan Siya ni Maria sa katahimikan. Tahimik na tinanggap ng Mahal na Inang Maria ang kalooban ng Diyos. Hindi pinabayaan ni Maria si Hesus na magdusa mag-isa. Bagkus, nakiisa si Maria sa pagdurusa ni Hesus.
Makikita din natin sa hapis na ito ang pagiging matatag ng Mahal na Birheng Maria sa kabila ng pagsubok. Isang napakalaking pagsubok para kay Maria ang pagtatagpo nila ni Hesus sa Via Dolorosa. Pero, sa kabila ng hapis na nadama ni Maria sa pagtatagpong iyon, sinamahan pa rin ni Maria si Hesus hanggang sa huli. Hinding-hindi pinabayaan ni Maria si Hesus sa Kanyang pagdurusa.
Tayo ba, handa ba tayong samahan at sumunod kay Hesus, sa kabila ng mga pagsubok sa buhay, katulad ng Mahal na Birheng Maria?
IKALIMANG HAPIS: Si Maria at Juan sa paanan ng krus ni Hesus (Juan 19, 25-27)
Ano ang gagawin ng isang ina kapag nakikita niya ang kanyang anak na naghihingalo sa harapan niya? Ano ang nararamdaman niya?
Napakasakit para sa Mahal na Birheng Maria na makita ang Panginoong Hesus na naghihingalo sa krus. Ang kanyang Anak na inaruga at inalagaan niya mula sa Kanyang pagkabata hanggang sa simula ng Kanyang pangangaral ay unti-unting namamatay sa krus. Unti-unting binabawian ng buhay si Hesus, ang Anak ng Diyos at Anak ni Maria.
Labis na nagdusa si Hesus sa krus. Napakasakit ang dinanas ni Hesus noong Siya'y nakabayubay sa krus. Noong ipinapako si Hesus sa krus, napakasakit ang mga pakong ipinapako sa Kanyang mga kamay at paa. Ganun din noong itinaas ang krus at Siya'y itinampok sa mga tao. Hindi makahinga nang maayos si Hesus. Kinakailangang isuporta ni Hesus ang Kanyang katawan para makahinga gamit ang Kanyang likod at paa.
Hindi lang iyan ang pagdurusang dinanas ni Hesus sa Kalbaryo. Nagdusa si Hesus noong Siya'y nilibak ng Kanyang mga kaaway. Ininsulto at binastos si Hesus ng Kanyang mga kaaway. Nakapako na nga si Hesus sa krus, nililibak pa rin Siya. Walang kalaban-laban si Hesus noong Siya ay nasa Kalbaryo. Napakasakit ang mga pisikal at emosyonal na pagdurusa ni Hesus noong Siya ay nakabayubay sa krus sa Kalbaryo.
Kahit nagdurusa ni Hesus, hindi Siya pinabayaan ng Kanyang Inang Maria. Ang Mahal na Birheng Maria ay nagdurusa din habang si Hesus ay nagdurusa. Damang-dama ng Mahal na Birheng Maria ang pagdurusa ng kanyang Anak na si Hesus. Si Maria ay nakiisa sa pagdurusa ni Hesus sa krus sa Kalbaryo habang siya ay nasa paanan ng krus ni Hesus.
Inihabilin ni Hesus ang Mahal na Birheng Maria sa pangangalaga ni San Juan, na kumakatawan sa ating lahat. Tayo rin po ay mga anak ng Mahal na Birheng Maria. Kapag tayo ay nasasaktan o nagdurusa, nararamdaman at nakikiisa ang Mahal na Birheng Maria sa ating mga sakit o pagdurusa sa buhay. Siya ang ating ina. Hindi ninanais ng isang ina na makita ang kanyang (mga) anak na nagdurusa o nasasaktan.
IKAANIM NA HAPIS: Ibinaba si Hesus sa krus
Tapos na ang pagdurusa ni Hesus sa krus.
Subalit, nagdusa pa rin ang Mahal na Inang Maria, kahit na binawian ng buhay ang Panginoong Hesus. Noong kinandong ng Mahal na Birheng Maria ang katawan ni Hesus na kamamatay lamang, nakaranas siya ng matinding hapis. Isang matinding hapis ang dinanas ni Maria noong kinandong niya ang katawan ni Hesus na wala nang buhay, wala nang hininga.
Noong nabubuhay si Hesus, sa tuwing may pagkakataong nalulumbay si Maria, nandoon si Hesus upang aliwin ang Kanyang Ina. Ngayong patay na si Hesus, wala na ang tagapag-aliw ng Mahal na Birheng Maria. Matinding hapis at kalungkutan ang dinanas ni Maria nang makita ang kanyang minamahal na Anak na binawian ng buhay.
Alam ni Maria ang pakiramdam ng pagkawala ng mahal sa buhay. Alam ng Mahal na Ina kung ano ang nararamdaman natin sa pagpanaw ng ating mga mahal sa buhay. Naranasan ni Maria ang hapis ng pagkamatay ng kanyang mga magulang, ni San Jose, at ngayon naman, ng kanyang minamahal na Anak na si Hesus.
Tapos na ang pagdurusa na dinanas ni Hesus sa krus ng Kalbaryo. Subalit, ang pagduyan sa bangkay ni Hesus ay nagdulot ng matinding hapis sa puso ng Mahal na Birheng Maria. Napakasakit para sa Mahal na Inang Maria ang pagkamatay ng Panginoong Hesus, ang kanyang Anak na minamahal.
IKAPITONG HAPIS: Inilibing si Hesus (Mateo 27, 57-61; Marcos 15, 42-47; Lucas 23, 50-56; Juan 19, 38-42)
May ugnayan ang ikapito at huling hapis ng Mahal na Birheng Maria sa ikaanim na hapis. Pagkatapos ibaba ang bangkay ni Hesus mula sa krus, idinuyan siya ni Maria. Ang araw na iyon ay ang Araw ng Paghahanda ng mga Hudyo, kaya kinailangang ilibing agad si Hesus. Napakahalaga para sa mga Hudyo ang Araw ng Paghahanda. Kaya, kinailangang ilibing agad si Hesus.
Ilang ulit nang naramdaman ng Mahal na Birheng Maria na mamatayan ng mga mahal sa buhay at ilibing sila. Naranasan ni Maria ang hapis at kalungkutan dulot ng pagpanaw at paglilibing sa kanyang mga magulang na sina Santa Ana at San Joaquin. Naranasan din ni Maria ang hapis at kalungkutan noong si San Jose ay pumanaw at ilibing. Muling naranasan ni Maria ang hapis at kalungkutan ng pagpanaw ng mahal sa buhay sa pagpanaw ni Hesus at noong Siya'y nilibing.
Subalit, sa kabila ng kalungkutan at hapis na dulot ng pagkamatay ni Hesus, hindi nawalan ng pananalig at pag-asa ang Mahal na Birheng Maria. Nananalig ang Mahal na Birheng Maria na hindi magtatapos ang misyon ng Panginoong Hesus sa kamatayan. Alam ng Mahal na Birheng Maria kung bakit naparito ang Panginoong Hesukristo sa sanlibutan - iligtas ang sangkatauhan mula sa kanilang mga kasalanan. Hindi pa matatapos ang lahat sa krus at kamatayan.
Alam ni Maria na hindi magtatagal at muling mabubuhay si Hesus. Sa Muling Pagkabuhay ni Hesus, mapapawi at mawawala ang lahat ng kanyang hapis at kalungkutan dulot ng Biyernes Santo. Nananalig si Maria sa plano ng Diyos, sa kabila ng matinding pagsubok sa kanyang buhay. Buong pananalig tinanggap at tumalima ang Mahal na Birheng Maria ang kalooban ng Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento