Marso 25, 2015
Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon (ABK)
Isaias 7, 10-14; 8, 10/Salmo 39/Hebreo 10, 4-10/Lucas 1, 26-38
Binibigyang diin ng panahon ng Kuwaresma na makinig at tumalima sa kalooban ng Diyos. Ngayong nalalapit na ang mga Mahal na Araw, binibigyang diin ng Simbahan ang pagtalima sa kalooban ng Diyos. Dalawang huwaran mula sa Banal na Bibliya ang ibinibigay sa atin upang tularan - ang Panginoong Hesukristo at ang Mahal na Birheng Maria. Ang mag-inang Hesus at Maria ay nakinig at tumalima sa kalooban ng Diyos para sa kanila.
Ngayong Miyerkules ng Ikalimang Linggo ng Kuwaresma sa taong ito, ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon. Si San Gabriel Arkanghel ay nagbalita sa Mahal na Birheng Maria tungkol sa misyong ibinigay sa kanya ng Diyos. Pinili ng Diyos ang Mahal na Inang Maria para sa isang napakahalagang misyon sa kanyang buhay - maging ina ng Mesiyas, ang Tagapagligtas na matagal nang hinihintay.
Katulad ng mga Hudyo, hinihintay ng Mahal na Birheng Maria ang pagdating ng Manunubos na ipinangakong isusugo ng Diyos sa bayang Israel. Isa si Maria sa napakaraming mga Hudyong naghihintay para sa pagdating ng kanilang Tagapagligtas, ang Mesiyas. Subalit, hindi inaasahan ni Maria na siya ay pipiliin ng Diyos na maging ina ng Mesiyas.
Ano kaya siguro ang naramdaman ng Mahal na Birheng Maria nang marinig niya ang balitang ito mula sa Arkanghel Gabriel? Takot? Posibleng takot ang naramdaman ni Maria. Narinig ni Maria mula sa Arkanghel na siya'y magdadalantao. Hindi pa kasal ang Mahal na Birheng Maria noong tinanggap niya ang balitang ito mula sa Arkanghel Gabriel. Natatakot si Maria sa kahihiyan at kamatayang dadanasin niya sa mga kamay ng mga Hudyo.
Sa batas ng mga Hudyo, kapag ang isang babae'y natagpuang nagdadalantao sa labas ng kasal, nilabag ng babae ang batas tungkol sa pakikiapid. Ang babae'y tatahakin sa isang pampublikong lugar at babatuhin hanggang sa mamatay. Ito siguro ang kinatatakutan ng Mahal na Birheng Maria - hindi maniniwala sa kanya ang kanyang mga kababayan at siya'y babatuhin hanggang sa mamatay kapag natagpuan siyang buntis.
Pero, sinabi ng Diyos kay Maria sa pamamagitan ng Arkanghel Gabriel na mangyayari ito dahil niloloob ito ng Diyos. Hindi na kailangang matakot o mag-alala ang Mahal na Birheng Maria. Ang Diyos ang bahala sa kanya. Walang masamang mangyayari sa Mahal na Birheng Maria. Hindi papatayin ng mga opisyal at ng taong-bayan ang Mahal na Birheng Maria. Bagkus, ang Mahal na Birheng Maria ay magiging ina ng Tagapagligtas ng bayang Israel.
Si Hesus, ang Anak ng Diyos at ang Anak ni Maria, ay nakaranas din ng takot. Sa Ebanghelyo noong Linggo (Juan 12, 20-33), binanggit ni Hesus na Siya'y nababagabag at natatakot dahil sa nalalapit Niyang kamatayan. Bago Siya dinakip ng mga kawal sa Halamanan ng Getsemani, si Hesus ay nanalangin sa Diyos. Natatakot at nababagabag si Hesus noong Siya'y nanalangin sa Halamanan ng Getsemani. Takot ang nararamdaman ni Hesus sa Getsemani.
Sa kabila ng takot na naramdaman ng mag-ina, tumalima si Hesus at si Maria sa kalooban ng Diyos. Ipinahayag ng Mahal na Birheng Maria ang kanyang fiat, ang kanyang pagtalima sa kalooban ng Diyos na maging ina ng Panginoong Hesukristo, ang Mesiyas at Tagapagligtas. Ganun din si Hesus. Sa wakas ng Kanyang panalangin sa Halamanan, ipinahayag ni Hesus, "Hindi ang kalooban Ko, kundi ang kalooban Mo ang masunod." Napawi at nawala ang lahat ng takot nina Hesus at Maria noong tumalima sila sa kalooban ng Diyos.
Ngayong papalapit na ang Mahal na Araw, tanungin natin ang ating mga sarili:
Natatakot ba akong tumalima sa kalooban ng Diyos?
Mapagmahal naming Diyos Ama, ipagkalooban Mo kami ng lakas ng loob upang sumunod at tumalima sa Iyong kalooban, katulad ng Panginoong Hesus at ng Mahal na Birheng Maria. Amen.
Inang Maria, ipanalangin mo kami.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento