Linggo, Marso 8, 2015

TUNAY NA PAGSAMBA SA DIYOS

Marso 8, 2015
Ikatlong Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B) 
Exodo 20, 1-17 (o kaya: 20, 1-3. 7-8. 12-17)/Salmo 18/1 Corinto 13, 22-25/Juan 2, 13-25



Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin ang Sampung Utos ng Diyos. Ang Sampung Utos ng Diyos ay hindi isang pangkaraniwang, "Dapat gawin at hindi dapat gawin." Bagkus, ang Sampung Utos ay ibinigay ng Diyos sa bayang Israel upang maging gabay kung paanong mamuhay para sa Kanya. Nais ng Diyos na mamuhay ang lahat ng tao nang may pagmamahal sa Kanya at sa Kanyang mga nilikha, lalung-lalo na ang kapwa-tao. 

Isa sa mga Sampung Utos ng Diyos ay sambahin lamang ang Diyos. Ang Diyos ang dapat sambahin ng lahat. Ang Diyos ay ang iisang Diyos na dapat sambahin ng lahat. Walang kapantay ang Diyos. Nararapat lamang na sambahin at ibigin ang Diyos sapagkat Siya ang makapangyarihan sa lahat. Walang diyos-diyosan ang makahihigit sa kapangyarihan at kadakilaan ng nag-iisang Panginoong Diyos na makapangyarihan sa lahat. 

Matutunghayan natin sa Ebanghelyo na nagalit si Hesus sa nakita Niya sa Templo. Hindi nagustuhan ni Hesus ang ginagawa ng mga tao sa Templo. Binastos ang Templo - ang tahanan ng Diyos. Walang paggalang ang mga tao sa presensya ng Diyos. Nakita ni Hesus na hindi totoo ang pagsamba ng mga tao sa Diyos. Hindi galing sa puso ang pagsamba ng mga tao sa Templo. 

Para kay Hesus, ang tunay na pagsamba sa Diyos ay galing sa puso. Hindi basta-basta sa templo o sa isang gusaling sambahan lamang ang tunay na pagsamba. Dapat din nating isabuhay ang ating pagsamba sa Diyos. Kailangang isabuhay, isadiwa natin ang ating pagsamba sa Diyos. Sapagkat pagpapaimbabaw, kaek-ekan lamang ang ating pagsamba sa Diyos nang hindi ito isinasabuhay, kahit sa labas ng Simbahan. 

Hindi magkahiwalay ang buhay sa loob ng Simbahan at ang buhay sa labas ng Simbahan. Magkakaugnay ang ating buhay at sarili sa loob ng Simbahan at sa labas ng Simbahan. Hindi pwede ang magsimba-simba ka at magdasal-dasal ng mga nobenaryo at maraming iba pang mga gawain at pagkatapos ay magpapatuloy ka ng mga masasamang bagay. Ang pagsimba at pagdarasal ay hindi lamang isang obligasyon. 

Ang hirap sa atin at sa mundo ngayon, iniisip natin na pagkatapos tayong magsimba at manalangin, pwede na tayong magbalik sa dati nating gawain, lalo na kung ito'y masama. Iniisip natin na hiwalay ang ating buhay at asal sa loob ng Simbahan at kapag nasa labas ng Simbahan. Iniisip natin na kapag lumabas tayo ng Simbahan, pwede tayong bumalik sa mga dati nating gawain, lalo na ang mga masasamang bagay. 

Para sa Panginoong Hesus, ang tunay na pagsamba sa Diyos ay dapat galing sa puso. Hindi tayo sumasamba sa Diyos upang ipagyabang natin sa mga tao o dahil obligasyon lamang iyon. Bagkus, ang tunay na Kristiyano ay sumasamba sa Diyos nang buong puso at buong buhay. Isinasabuhay ng isang tunay na Kristiyano ang kanyang pagsamba sa Panginoong Diyos, sa loob at labas ng Simbahan. 

Suriin at tanungin natin ang ating mga sarili: Galing ba sa aking puso ang aking pagsamba sa Diyos? 

Manalangin tayo: 
O Diyos, tulungan Mo kaming sumamba sa Iyo nang taos sa puso. Amen. 


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento