Linggo, Marso 15, 2015

MAGALAK SA LIWANAG DULOT NG DAKILANG PAG-IBIG NG DIYOS

Marso 15, 2015
Ikaapat na Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B) 
2 Cronica 36, 14-16. 19-23/Salmo 136/Efeso 2, 4-10/Juan 3, 14-21 



Ngayong Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma, hinihikayat tayo ng Simbahan na magalak. Ang tawag sa Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma ay Laetare Sunday o Linggo ng Kagalakan. Sa kabila ng penitensya ngayong panahon ng Kuwaresma, hinihikayat tayong lahat ng Simbahan na magalak ngayong Linggo. Ang Ebanghelyo ngayong Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma ngayong taon ang dahilan kung bakit dapat tayong magalak sa kabila ng ating pagpepenitensya sa banal na panahon ng Kuwaresma. 

Ang pinakamasikat na talata sa Banal na Bibliya ay mapapakinggan sa Ebanghelyo ngayong Linggo. "Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay Niya ang Kanyang Bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." (Juan 3, 16). Ito ang mensahe ng Simbahan sa ating lahat ngayong papalapit na ang mga Mahal na Araw. 

Sa kabila ng ating mga penitensya ngayong Kuwaresma, tinatawag tayong lahat na magalak sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. Napakadakila ng pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan. Hindi ipinagkait ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak. Bagkus, buong puso Niyang inialay ang Kanyang Bugtong na Anak para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Bagamat napakasakit para sa Diyos Ama ang makita ang Diyos Anak na nagdurusa para sa kaligtasan ng sangkatauhan, ginawa pa rin Niya ito dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig sa atin. 

Ang pag-ibig ng Diyos ay nakakaakit. Inaaakit tayo ng pag-ibig ng Diyos na pagsisihan ang ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Diyos. Tinatawag tayo ng Diyos na magbagong-buhay, lalung-lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma. Ang pag-ibig ng Diyos ay napakadakila. Maaawain at mapagmahal ang Diyos. Sino ang hindi maaakit sa dakilang pag-ibig ng Diyos? 

Nais ipaalala sa atin ng Salita ng Diyos ngayong Linggo na ang Diyos ay pag-ibig. Ang pag-ibig na tunay at perpekto ay ang pag-ibig ng Diyos. Mahal na mahal tayong lahat ng Diyos. Ang pag-aalay ng Panginoong Hesus ng Kanyang sarili sa krus ang patunay ng dakilang pag-ibig ng Diyos sa atin. Maaaring iligtas tayo ng Diyos nang hindi nadadamay pa ang Kanyang Anak. Maaari ding iligtas ng Diyos Ama ang Diyos Anak na si Hesus upang hindi Niya maranasan ang sakit dulot ng krus. Subalit, pinili pa rin ng Diyos na ialay ni Hesus ang Kanyang buhay sa krus upang ipamalas sa atin ang Kanyang dakilang pag-ibig sa atin. 

Isang panahon ng espirituwal na paglalakbay ang panahon ng Kuwaresma. Ang pag-ibig ng Diyos ay nagsisilbing liwanag para sa atin sa ating paglalakbay. May mga pagkakataon kung kailan maliligaw tayo ng landas. Sa mga pagkakataong naliligaw tayo ng landas dahil sa ating mga kasalanan, nandiyan ang pag-ibig ng Diyos na nagsisilbing liwanag para sa atin. Tayo ay inaakay ng liwanag na dulot ng pag-ibig ng Diyos pabalik sa Kanya. Sundan natin ang liwanag na dulot ng dakilang pag-ibig ng Diyos. 

Dapat tayong magalak ngayong Linggong ito, sa kabila ng ating penitensya. Pag-asa ang mensahe ngayong Linggo ng Laetare. Kahit naliligaw tayo ng landas, nandoon ang pag-ibig ng Diyos. Ang pag-ibig ng Diyos ay nagsisilbing liwanag para sa ating lahat upang manumbalik sa Diyos mula sa kadiliman ng ating mga kasalanan. Sumunod nawa tayong lahat sa liwanag dulot ng dakilang pag-ibig ng Diyos.

AWIT SA PAGNINILAY: "Pagkabighani" 


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento