Linggo, Marso 1, 2015

PAGSUNOD SA KALOOBAN NG DIYOS

Marso 1, 2015
Ikalawang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B) 
Genesis 22, 1-2. 9a. 10-13. 15-18/Salmo 115/Roma 8, 31b-34/Marcos 9, 2-10 



Bago ang salaysay ng pagbabagong-anyo ni Hesus, ipinahayag ni Hesus sa unang pagkakataon na Siya'y dadakipin at papatayin ng mga autoridad, at muling mabubuhay sa ikatlong araw. Napakalungkot ang pahayag na ito mula kay Hesus. Para sa mga alagad, mahirap unawain at tanggapin ang sinabi ni Hesus tungkol sa nalalapit Niyang kamatayan. Hindi nila iyon inaasahan kay Hesus bilang Mesiyas at makapangyarihang Tagapagligtas. 

Pagkatapos ipahayag ni Hesus ang Kanyang kamatayan, muling nagpahayag si Hesus sa mga alagad. May kundisyon ang pagsunod sa Kanya. Hindi biro-biro o laro-laro lamang ang pagsunod kay Hesus. Kailangang seryoso ang pagsunod kay Hesus. Para kay Hesus, kailangang limutin natin ang ating sarili, pasanin ang ating mga krus, at sumunod sa Kanya. Napakahirap ang pagsunod kay Hesus. Hindi basta-basta lamang ang pagsunod kay Hesus. Hindi laging maginhawa ang ating pagsunod kay Hesus. May mga pagsubok at pagdurusa na kailangan nating harapin sa pagsunod kay Hesus. 


Sa bundok, nasilayan ng mga alagad ang unang sulyap sa kaluwalhatiang kakamtan ng Panginoong Hesus pagkatapos ng Kanyang mga pagdurusa. Ang kaluwalhatian ng Panginoong Hesus ay napakaningning at napakadakila. Walang tagumpay na makakasukat o makakapantay sa tagumpay na makakamtan ni Hesus sa pamamagitan ng krus at ng muling pagkabuhay. 

Nagsalita ang Diyos mula sa langit. Muling ipinakilala ng Diyos ang Kanyang Anak na si Hesus. May dagdag pa Siyang utos: makinig tayo sa Kanya. Ano ang nais gawin ni Hesus? Sundin ang kalooban ng Diyos. Nais Niyang tumalima sa kalooban ng Ama. Hindi ang sariling kalooban ang nais masunod ni Hesus. Nais Niyang sumunod sa kalooban ng Diyos Ama. 

Pinili ni Hesus na sundin ang kalooban ng Diyos. Tinatawag tayo ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang pagbabagong-anyo na makinig at sumunod sa kalooban ng Diyos, katulad Niya. Ang utos pa ng Amang Diyos mula sa langit, "Makinig kayo sa Kanya." Ang utos ng Diyos sa atin ay makinig kay Hesus, at sinasabihan tayo ni Hesus na sumunod sa kalooban ng Diyos. 

Ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay hindi madali. Marami tayong mga pagsubok at pagdurusang haharapin sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ganun din ang nangyari kay Hesus. Kahit Siya ang Anak ng Diyos, naranasan Niya ang pagdurusa at paghihirap. Hindi man ninais ni Hesus na mangyari ito sa Kanya, tumalima si Hesus sa kalooban ng Ama. 

Mahirap ang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Hindi magiging madali at maginhawa ang ating pagsunod sa kalooban ng Diyos. Subalit, pagkatapos ng mga paghihirap, pagtitiis at pagsubok, makakamtan natin ang tagumpay. Ang ating mga paghihirap at pagtitiis ay magtatapos din sa awa ng Diyos. Sumunod nawa tayong lahat sa kalooban ng Diyos, katulad ni Hesus. 

O Diyos, tulungan Mo kaming sumunod sa Iyong kalooban, katulad ng aming Panginoon at Tagapagligtas na si Hesus. Amen. 

REFLECTIVE SONG: "Sa Iyong Mga Yapak" - Philippine Madrigal Singers 


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento