Linggo, Pebrero 22, 2015

ANG PITONG HULING WIKA NI HESUS

UNANG WIKA: 
"AMA, PATAWARIN MO SILA, SAPAGKAT HINDI NILA NALALAMAN ANG KANILANG GINAGAWA." (Lucas 23, 34) 



Bilang tao, madalas tayong nagtatanim ng galit sa ating kapwa, lalung-lalo na kapag gumawa ng masama ang ating kapwa laban sa atin. Dahil sa bigat ng kasalanang ginawa sa atin, tayo ay nagtatanim ng galit laban sa kanila. Habang tumatagal, tinatanim ng ating galit ang alitan. Nahihirapan tayo sa pagpapatawad. Dahil sa alitan, hindi na natin kayang hilumin ang mga sugat na iniwan ng kasalanang ginawa laban sa atin. 

Madalas, kapag gumawa ng masama ang ating kapwa laban sa atin, ano ang ginagawa natin? Gumaganti. Hindi ba, dahil sa kasalanang ginawa laban sa atin, gusto nating gumanti? Kung ano ang ginawa laban sa atin, iyon din ang kabayaran nila. May kasabihan pa nga, "Mata sa mata at ngipin sa ngipin." 

Subalit, noong si Hesus ay sinasaktan at pinapatay, taliwas ang ginawa Niya. Sa halip na sumpain Niya ang mga tao dahil sa ginagawa nila sa Kanya, humingi ng kapatawaran si Hesus para sa mga kaaway Niya. Kakaiba. Bakit inisip ni Hesus na humingi ng kapatawaran para sa mga kaaway Niya? Parang mali ang ginagawa ni Hesus. Hindi nga makatarungan ang ginagawa sa Kanya, pinapatawad pa Niya? Parang imposibleng gawin iyon! Kalokohan! 

Hindi kalokohan ang ginagawa ni Hesus sa krus. Binibigyan tayo ng halimbawa ng Panginoong Hesus kung paanong magpatawad. Sa ministeryo ng Panginoon, nagturo Siya tungkol sa awa at pagpapatawad. Kahit nakapako sa krus, tinuturuan tayo ng Panginoon kung paanong magpatawad. Ipinapakita sa atin ng Panginoong Hesukristo ang tunay na pagpapatawad, kahit nakapako sa krus. 

Para sa atin, bilang tao, ang pagpapatawad ay napakahirap gawin. Ang pagpapatawad ay isa sa mga bagay na napakahirap gawin. Pero, hindi imposible ang pagpapatawad. May mga bagay na mahirap gawin, subalit hindi imposible. Kahit napakahirap magpatawad, may pag-asa pang magpatawad. Hindi imposible ang pagpapatawad. 

Itinuturo sa atin ni Hesus sa wikang ito na kung paanong pinapatawad tayo ng Diyos, dapat magpatawaran din tayo. Hindi imposible ang pagpapatawad, kahit napakahirap gawin ito. Kung kayang patawarin ng Panginoon, kahit ang pinakamabigat na kasalanan, kaya din nating magpatawad. Ang tunay na Kristiyano ay maawain at mapagpatawad, katulad ng Panginoong Diyos na nagpapadama ng awa at habag. 

REFLECTIVE SONG: "Panginoon, Patawad Po" 



IKALAWANG WIKA: 
"SINASABI KO SA IYO: NGAYON DI'Y ISASAMA KITA SA PARAISO." 
(Lucas 23, 43)



May ugnayan ang pangalawang wika ng Panginoong Hesus sa unang wika Niya sa krus. Kung sa unang wika, humingi ang Panginoong Hesus ng kapatawaran mula sa Ama para sa Kanyang mga kaaway, ngayon naman, pinapatawad ng Panginoong Hesus ang kasalanan ng isang makasalanang ipinako sa krus na kasama Niya. Isang magnanakaw ang humingi ng awa at kapatawaran mula sa Panginoong Hesus sa mga huling sandali ng kanyang buhay. 

Buong kayabangang kinutya ni Hestas si Kristo dahil hindi Niya mailigtas ang Kanyang sarili. Narinig ni Hestas na si Hesus ang Mesiyas, at hinamon niya si Hesus na ibaba ang Kanyang sarili at ang mga kasama Niya. Subalit, naaakit si Dimas sa Panginoong Hesus. Narinig ni Dimas ang unang wika ng Panginoon mula sa krus. Naakit si Dimas sa awa at habag ng Panginoon. 

Napakabigat ng kasalanang ginawa nina Hestas at Dimas. Dahil sa bigat ng kasalanan ginawa ng dalawang salaring ito laban sa bayan, hinatulan sila ng kamatayan. Ang hatol iginawad ng batas ay kamatayan sa krus. Subalit, inosente ang Panginoong Hesus dahil walang Siyang ginawang kasalanan. Pero, pinili ni Hesus na tanggapin ang kamatayan sa krus bilang pagsunod sa kalooban ng Ama at upang tayong lahat ay mailigtas. 

Inamin ni Dimas ang kanyang kasalanan nang buong pagpapakumbaba. Alam ni Dimas na makatarungan ang parusa sa kanya. Subalit, hindi makatarungan ang parusa sa Panginoon dahil wala Siyang ginawang masama kahit kailan. Nakita ni Dimas ang isang inosente at matuwid na tao sa katauhan ni Hesus. Nakita din ni Dimas kay Hesus ang tunay na Haring maawain, mapagmahal at mapagpatawad. 

Sa kabila ng mabigat na kasalanang ginawa ni Dimas, pinatawad ni Hesus si Dimas. Tinupad din ni Hesus ang kahilingan ni Dimas. Nakita ni Hesus ang pagpapakumbaba at ang taos-pusong pagsisisi ni Dimas. Kahit kilala si Dimas ng buong bayan bilang isang magnanakaw at makasalanan, pinatawad pa rin siya ng Diyos. Nanaig ang awa at habag ng Diyos sa mga makasalanan. 

Walang kasalanang napakabigat na hindi mapapatawad ng Diyos. Ang Diyos ay laging handang magpatawad. Papatawarin ng Panginoon ang lahat ng uri ng kasalanan. Maawain at mapagmahal ang Diyos sa ating lahat. Hinding-hindi itatakwil ng Diyos ang puso ng isang makasalanan na taos-pusong nagtitika at nagbabalik-loob sa Kanya. 

Katulad ni Dimas, buong pagpapakumbaba tayong lumapit sa Panginoong mahabagin at mapagpatawad at humingi ng kapatawaran. Sinabi nga ng ating Santo Papa Francisco, "Hindi nagsasawa sa pagpapatawad ang Diyos, tayo ang nagsasawa sa paghingi ng kapatawaran sa Kanya." Huwag tayong matakot o sumawa sa paghingi ng kapatawaran sa Panginoon. Walang kasalanang makakapantay sa Kanyang awa at pagmamahal. Ang awa at pagmamahal ng Diyos ay walang kupas at hindi magwawakas. 

Magbalik-loob tayo sa Diyos. Sa ating pagbabalik-loob sa Diyos, tayo ay tatanggapin Niya muli sa Kanyang mga kamay. Yayakapin Niya tayo sa ating pagbabalik sa Kanya. Hinihintay ng Panginoon ang ating pagbabalik-loob sa Kanya. Hindi tayo itatakwil ng Panginoon sa ating pagbabalik-loob sa Kanya. Bagkus, bukas-palad tayong tatanggapin ng Panginoon.

REFLECTIVE SONG: "Pagbabalik" - Bukas Palad Music Ministry



IKATLONG WIKA:
"GINANG, NARITO ANG IYONG ANAK... NARITO ANG IYONG INA." 
(Juan 19, 25-27)



Noong si Hesus ay dinakip ng mga kawal sa Halamanan ng Getsemani, iniwanan Siya ng Kanyang mga alagad. Ang mga alagad ay natakot at naduwag (maliban na lamang kay San Juan). Kahit malakas na sinabi ng mga alagad na hindi nila iiwanan ang Panginoong Hesus, naduwag sila at iniwanan nilang mag-isa ang Panginoon. Dinakip ang Panginoong Hesukristo na walang kalaban-laban sa Halamanan ng Getsemani. Ang mga alagad ay natakot at nagsitakas dahil ayaw nilang madakip at mapatay. 

Ang Mahal na Birheng Maria ay hindi naduwag. Kahit alam niya na idinakip ang kanyang anak ng mga kawal, hindi natakot si Maria na samahan si Hesus. Sinunod ng Mahal na Ina ang bawat hakbang nina Hesus at ng mga kawal. Walang makakapigil o makakahadlang sa Mahal na Inang Maria sa pakikiisa sa pagpapakasakit at pagdurusa ng Panginoong Hesukristo. 

Habang ang Panginoong Hesus ay nagdurusa, ipinapakita ng Mahal na Inang Maria ang kanyang pakikiisa at katapatan sa kanyang Anak. Masakit man para sa kanya na makita ang pagdurusa ng kanyang Anak, hindi iniwanan ni Maria si Hesus hanggang sa katapusan ng misyon ni Hesus. Naging matapat si Maria kay Hesus. Kung ang ibang mga alagad ay natakot at nagtago sa isang silid, hindi iniwanan ni Maria si Hesus. Sinamahan ni Maria si Hesus mula sa simula hanggang sa katapusan ng Kanyang misyon. 

Pagmamahal ng isang ina ang umudyok sa Mahal na Ina na samahan ang Panginoong Hesukristo hanggang sa huli. Sinakripisyo ng Mahal na Birheng Maria ang lahat, makasama lamang ang Panginoong Hesus sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Ang katapangan ni Maria sa pagpapakasakit at pagdurusa ni Hesus ay bunga ng kanyang pagmamahal kay Hesus bilang Kanyang Ina. 

Kahit ang Panginoong Hesukristo ay nakabayubay sa krus, hindi Niya kinalimutan ang Mahal na Birheng Maria. Inihabilin ni Hesus ang Mahal na Birheng Maria kay San Juan Apostol (na kumakatawan sa ating lahat). Alam ni Hesus na kung paanong minahal, inaruga at sinamahan Siya ni Maria, gayun din ang gagawin ni Maria para sa ating lahat. 

Inihabilin tayo ng Panginoong Hesus sa pangangalaga ng Mahal na Birheng Maria. Katulad ni Hesus, tayo'y mga anak ng Diyos at anak ni Maria. Bilang ating ina, mahal na mahal tayo ng Mahal na Birheng Maria. Kung paano niyang sinamahan ang ating kapatid at Panginoong si Hesus, sasamahan din tayo ng Mahal na Ina sa bawat sandali ng ating buhay. Kasama natin ang Diyos at kasama din natin ang Mahal na Inang Maria. 

Alam ni Hesus ang nakakabubuti para sa atin. Alam ni Hesus na hinding-hindi tayo makakalimutan ni pababayaan ni Maria. Kaya, tayo'y inihabilin ng Panginoong Hesus sa Mahal na Birheng Maria. Tayong lahat ay mga anak ng Diyos at ni Maria, katulad ni Hesus. Sa bawat araw ng ating buhay, hindi tayo nag-iisa. Kasama natin ang Diyos, kasama din natin ang Mahal na Birheng Maria. 

Minamahal tayong lahat ng Mahal na Inang Maria bilang kanyang mga anak. Ipinapadama sa atin ng Mahal na Birheng Maria na minamahal niya tayo at aarugain, katulad ng pagmamahal at pag-aruga niya sa Panginoong Hesukristo. 

REFLECTIVE SONG: "Mariang Ina Ko" - Bukas Palad Music Ministry 



IKAAPAT NA WIKA: 
"DIYOS KO, DIYOS KO, BAKIT MO AKO PINABAYAAN?" 
(Mateo 27, 46/Marcos 15, 34) 



Sa huling araw ng pagbisita ng Santo Papa Francisco sa Pilipinas, bumisita muna siya sa UST para sa pakikipagkita sa mga kabataan. Bago siya pumunta sa Quirino Grandstand sa Luneta para sa huling Misa niya sa Pilipinas sa hapon, pumunta siya sa Unibersidad ng Santo Tomas upang makipagkita at makipagsalamuha sa mga kabataan. 

Habang pinapakinggan ang mga testimonya ng mga kabataan, tinanong ng isang batang babae na ang pangalan ay Glyzelle Palomar ang pinaka-emosyonal na tanong. Ang kanyang katanungan ay, "Maraming mga bata ay iniwan ng kanilang mga magulang. Maraming mga bata ay naging mga biktima at maraming masasamang bagay ang nangyari sa kanila, katulad ng droga o prostitusyon? Bakit pumapayag ang Diyos na may mga ganitong mangyari, kahit hindi kasalanan ng mga bata? At bakit kakaunti lamang ang tumutulong sa amin?" 

Bilang sagot sa katanungan ni Glyzelle, buong pagpapakumbabang inamin ng Santo Papa na hindi niya alam ang sagot. Dagdag pa niya, "Kapag ang puso'y natutong tanungin ang sarili at umiyak, mauunawaan din natin... Kapag hindi tayo marunong umiyak, hindi tayo maaaring maging mga mabubuting Kristiyano." 

Ganun din siguro ang tinanong ng mga kapatid at kapanalig nating nasa Kabisayaan noong 2013. Dalawang malalakas na kalamidad ang gumuho sa Kabisayaan. Ang una ay ang lindol sa Bohol at Cebu noong Oktubre at ang pangalawa ay ang bagsik ng bagyong Yolanda noong Nobyembre. Sa pagsasara ng taong 2013, nakaranas ng matitinding pagsubok ang ating bansa. Ang ating katanungan, "Bakit pinapayagan ng Diyos na mangyari ito? Bakit pinabayaan tayo ng Diyos? Nasaan ang Diyos kung kailan kinailangan natin Siya?" 

Sa krus, si Hesus ay nananalangin para sa atin. Si Hesus, ang Tagapamagitan ng Diyos at ng tao, ay nananalangin sa Ama na huwag tayong pabayaan. Hindi nananalangin ang Panginoong Hesus para sa Kanyang sarili sa wikang ito. Tayong lahat ay ipinapanalangin Niya sa Ama. Ganyan tayo kamahal ni Hesus. 

Ang Diyos ay hinding-hindi nagpapabaya. Hinding-hindi tayo pababayaan ng Diyos. Siya ang ating Emmanuel. Kasama natin ang Diyos. Walang araw kung kailan pinabayaan tayo ng Diyos. Hinding-hindi tayo pababayaan ng Diyos dahil mahal na mahal Niya tayo. 

Sa panahon ng mga pagsubok, kaisa at karamay natin ang Panginoong Diyos. Kapag tayo ay nasasaktan, nasasaktan din ang Diyos. Kapag tayo ay nagdurusa, nagdurusa rin ang Diyos. Hindi tayo nag-iisa sa mga panahon ng pagsubok sa ating buhay. Ang Diyos ay kasama at karamay natin sa mga panahon ng pagsubok. Ipinapadama sa atin ng Diyos sa pagiging kasama at karamay natin sa bawat sandali ng ating buhay ang Kanyang pagmamahal sa atin. 

REFLECTIVE SONG: "Pananatili" - Hangad



IKALIMANG WIKA: 
"NAUUHAW AKO!" (Juan 19, 28)



Inialay ng Panginoong Hesus ang Kanyang buong buhay sa paglilingkod. Sa kabuuan ng Kanyang ministeryo, inilaan ng Panginoong Hesus ang Kanyang panahon sa paglilingkod. Pinaglingkuran Niya ang lahat ng mga nakikinig sa Kanya. Nagturo ang Panginoon tungkol sa Salita ng Diyos at ang Kaharian ng Diyos. Nagpagaling ng maraming maysakit ang Panginoong Hesukristo, anuman ang kanilang karamdaman. 

Noong ang mga tao'y nagugutom, pinakain ng Panginoong Hesus ang mga tao. Limang tinapay at dalawang isda lamang ang nandoon. Subalit, ginamit ni Hesus ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos upang paramihin ang pagkain. Ang limang tinapay at dalawang isda ay naparami at nabusog ang limang libong katao. 

Sa wikang ito, ang Panginoong Hesus naman ang humihingi. Ang Kanyang ikalimang wika mula sa krus ay nakakatawag ng pansin sa ating lahat. Nauuhaw ang ating Panginoon. Uhaw na uhaw Siya. Ang Panginoong Diyos na may likha ng lahat ng bagay. Nilikha ng Panginoong Diyos ang tubig. Siya ang may kapangyarihan sa lahat ng bagay. Bakit hindi mapawi ng Panginoong Hesus ang Kanyang pagkauhaw? Diyos pa naman si Hesus. 

Hindi nagsasalita ang Panginoong Hesus para sa Kanyang sarili. Nagsasalita Siya para sa mga kapatid nating dukha. Kung paanong nanalangin si Hesus sa Ama para sa atin sa ikaapat na wika, gayon din naman, tinatawag ni Hesus ang ating pansin. Tinatawag tayo ni Hesus na pansinin ang mga kapatid nating mga maralita. Sinasabihan tayo ni Hesus sa wikang ito na tugunan ang pangangailangan ng mga kapatid nating dukha. 

Kung paanong tinugunan ng Panginoong Hesus ang ating mga pangangailangan, kinakailangan din nating tumugon sa pangangailangan ng ating kapwa, lalung-lalo na ang mga aba. Binibigyang diin ng Panginoong Hesus sa wikang ito ang pagkakawanggawa. Ang pagkakawanggawa ay napakahalaga para sa ating espirituwal na pamumuhay. Ipinapadama natin sa ating kapwa, lalung-lalo na sa mga dukha, ang awa at pagdamay ng Panginoong Diyos sa kanila. 

"Anuman ang ginawa ninyong mabuti sa pinakahamak sa mga kapatid Kong ito, ginawa ninyo ito para sa Akin." (Mateo 25, 40) Iyan ang sinabi ng Panginoong Hesus sa mga tupa sa Araw ng Paghuhukom. Kaya, napakahalaga ang pagkakawanggawa. Hindi lang natin ginagawa iyon para sa kapwa natin, kundi para rin sa Panginoong Hesus. Anumang paglilingkod ang ginawa natin para sa ating mga kapanalig nating mahihirap, ginagawa din natin iyon para sa ating Panginoong Hesukristo na Siyang gaganti sa atin. 

Sa pamamagitan ng pagkakawanggawa, ipinapahayag din natin ang ating pag-ibig sa ating kapwa at sa Panginoon. Ang pagkakawanggawa ay isang gawa ng pag-ibig. Ipinahayag ni Hesus sa Kanyang pagkakatawang-tao at pag-aalay ng sarili sa krus ang Kanyang pag-ibig sa atin. Nagsakripisyo si Hesus dahil sa Kanyang pag-ibig sa atin. Naglingkod si Hesus dahil sa pag-ibig. Hinahamon din tayong maglingkod at magmahal, katulad ni Hesus. 

Ipinahayag ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang pagkauhaw. Paano tayo tutugon sa pagkauhaw ni Hesus? Gagawin ba natin ang ating makakaya para pawiin ang pagkauhaw ng Panginoon? Pababayaan ba nating mauhaw ang Panginoon? Hanggang kailan nating pananatilihing uhaw ang Panginoon para sa pag-ibig natin sa Kanya? 

REFLECTIVE SONG: "Panalangin sa Pagiging Bukas-Palad" 



IKAANIM NA WIKA: 
"NAGANAP NA." (Juan 19, 30) 



Ipinahayag ng Panginoong Hesukristo sa wikang ito ang Kanyang tagumpay. Matagumpay Niyang binuo at tinapos ang Kanyang misyon. Sa kabila ng pagdurusa, matagumpay na tinapos ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang misyon. Binayaran na ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng paghahain ng Kanyang sarili sa krus ang ating utang sa Diyos. 


Sa pamamagitan ng bawat dugong pumatak sa lupa, tinubos ni Hesus ang sangkatauhan. Dahil sa kasalanan, tayo ay nahiwalay sa Diyos. Naging alipin tayo ng kasalanan. Tayo'y namuhay bilang mga bihag ng kasalanan. Subalit, dahil sa pag-ibig ng Panginoon sa daigdig, ang Panginoon ay nagkatawang-tao at namuhay katulad natin, maliban sa kasalanan. At sa pamamagitan ng Kanyang pag-aalay ng sarili sa krus, tinubos Niya ang sandaigdigan. Ang bawat dugong dumaloy mula sa katawan ng Panginoong Hesukristo ang tumubos sa ating lahat. 

Tayong lahat ay pinalaya ng dugo ni Kristo. Hindi na tayo alipin ng kasalanan. Bagkus, tayo ay malaya na upang paglingkuran ang Diyos. Pinalaya tayo ng Panginoon dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig sa atin. Kahit nakabayubay at nagdurusa sa krus, ipinakita ng Panginoong Hesus hanggang sa huli ang Kanyang dakilang pag-ibig sa atin. Walang makahihigit pa sa pag-ibig na ipinakita ni Hesus noong Siya ay nakapako sa krus. 

Ang tagumpay na nakamit ng Panginoong Hesukristo sa krus ay hindi lamang ang personal na tagumpay Niya. Ang tagumpay na ito ay kinamit ng Panginoong Hesukristo para sa ating lahat. Napakalaki ng ating utang sa Diyos. Bilang taong makasalanan, hindi natin kayang bayaran ang napakalaking utang natin sa Diyos. Subalit, dahil sa awa at pagmamahal ng Diyos sa atin, ibinigay Niya ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus upang bayaran ang ating utang sa Kanya. 

Para sa Ama, napakasakit pagmasdan ang Anak na nakapako at nagdurusa sa krus. Masakit para sa Ama na makita ang Anak, na kaisa Niya, ay nagdurusa sa krus. Subalit, alam ng Diyos na ito'y para sa kabutihan nating lahat. Ang sangkatauhan ay maliligtas sa pamamagitan ng pagdurusa at pagkamatay ng Kanyang Anak na minamahal sa krus. 

Buong pagmamahal tinapos ng Panginoong Hesus ang Kanyang misyon dito sa lupa. Namatay si Hesus nang may pagmamahal. Buong pagmamahal na inalay ni Hesus ang Kanyang sariling buhay. Tinanggap naman ng Amang nasa langit nang may buong pag-ibig ang paghahain ni Hesus sa krus para sa ating lahat. 

Ipinakita sa atin ni Hesus ang Kanyang pagmamahal hanggang sa katapusan ng Kanyang misyon dito sa lupa ang ating pag-ibig sa atin. Ang dakilang pag-ibig ng Panginoon sa atin ang umudyok sa Kanya upang ialay ang Kanyang buhay sa krus para sa ating kaligtasan. Hindi man Niya kinailangang gawin iyon, pinili pa rin iyon dahil mahal na mahal tayo ng Panginoon. Sa pamamagitan ng paghahain ng Kanyang sarili sa krus, binayaran ni Hesus ang ating utang sa Diyos. Tinubos tayong lahat sa pamamagitan ni Hesus.

REFLECTIVE SONG: "Pagkabighani" - Himig Heswita



IKAPITONG WIKA:
"AMA, SA MGA KAMAY MO'Y IPINAGTATAGUBILIN KO ANG AKING ESPIRITU." (Lucas 23, 46) 



Kahit kailan, hindi nawalan si Hesus ng pananalig sa Ama. Hindi nawalan si Hesus ng pananalig sa Ama noong Siya ay nagdurusa sa Halamanan ng Getsemani o noong sinambit Niya ang ikaapat na wika, "Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?" Bagkus, si Hesus ay nananalig na lagi Niyang kasama ang Ama. Alam ni Hesus na hindi Niya pinabayaan ng Ama. 

Makikita natin na sa kabuuan ng misyon ni Hesus, lagi Siyang may ugnayan sa Ama. Kahit noong si Hesus ay nasa lupa, hindi nawala ang Kanyang koneksyon Niya sa Ama. Lagi Niyang kinakausap ang Ama sa bawat araw. Sa Ebanghelyo ayon kay San Lucas, madalas nating makikitang nananalangin si Hesus sa Ama bago ang isang mahalagang pangyayari sa Kanyang buhay. Isang halimbawa nito ay noong si Hesus ay nananalangin nang magdamag sa Ama bago Niya pinili ang Labindalawang Apostol. (Lucas 6, 12) 

Noong si Hesus ay nasa lupa, buong puso Niyang sinunod ang misyong ibinigay sa Kanya ng Ama. Si Hesus ay naging masunurin sa kalooban ng Ama. Hindi sinuway ni Hesus ang kalooban ng Ama kahit kailan. Bagkus, buong katapatan, pagpapakumbaba, at pagmamahal na sinunod ni Hesus ang kalooban ng Ama. 

Ang Ama ang naging bukal ng lakas at tapang ni Hesus. Natakot at nagdusa si Hesus sa Halamanan ng Getsemani. Ayaw ni Hesus na harapin ang Kanyang kamatayan. Kahit noong nasa Halamanan ng Getsemani pa lamang si Hesus, naramdaman na Niya ang sakit na dulot ng hampas, koronang tinik at ng pako. Sa kabila nito, pinili ni Hesus na sundin ang kalooban ng Ama. Buong pagpapakumbabang sumunod si Hesus sa kalooban ng Ama at hinarap ang Kanyang kamatayan sa Kalbaryo. 

Sinabi pa nga ng Panginoong Hesus, ayon sa sulat sa mga Hebreo, "Narito Ako, O Diyos, upang tupdin ang Iyong kalooban." (Hebreo 10, 9) Gayon nga ang ginawa ni Hesus noong Siya'y pumarito sa lupa. Kahit maaari Niyang suwayin ang kalooban ng Ama, pinili pa rin ni Hesus na sundin ang kalooban ng Ama. Iyan ang tunay na pag-ibig. Ang pag-ibig na handang magsakripisyo. 


Dahil sa pag-ibig ni Hesus sa Ama, hindi Siya nawalan ng pananalig, kahit nagdurusa. Kahit hinatulan ng kamatayan si Hesus, hindi nawala ang Kanyang pag-ibig at pananalig sa Ama. Alam ni Hesus na ang lahat ng ito'y bahagi ng dakilang plano ng Banal na Santatlo. Buong pagpapakumbabang tumalima si Hesus sa dakilang plano ng kaligtasan. 

Ang pag-ibig ni Hesus sa Ama ang dahilan ng Kanyang pagtalima sa kalooban ng Ama. Kahit karumal-dumal ang mga dinanas ni Hesus, tahimik Siyang sumunod sa Ama. Alam ni Hesus na makakabuti para sa lahat ang kalooban ng Ama. Sa pamamagitan ng pagkamatay ni Hesus sa krus, tinubos tayong lahat mula sa pagkaalipin ng kasamaan at kasalanan. 

Walang pag-ibig na makahihigit pa sa pag-ibig na pinamalas ng Panginoong Hesus noong Siya'y nakabayubay sa krus. Alam ng Panginoong Hesus na ang planong sinusunod Niya ay isang plano ng pag-ibig. Sa pamamagitan ng paghahain ng sariling buhay sa krus, ipinadama sa ating lahat ni Hesus ang Kanyang dakilang pag-ibig sa atin at namalas din ang dakilang pag-iibigan ng Banal na Santatlo sa isa't isa. 

REFLECTIVE SONG: "Kung 'Yong Nanaisin" - Bukas Palad Music Ministry 


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento