Biyernes, Pebrero 20, 2015

PAGNINILAY SA DAAN NG KRUS - IKAANIM NA ISTASYON

ANG IKAANIM NA ISTASYON: Si Hesus ay nadapa sa bigat ng krus 



Habang pinapasan ni Hesus ang krus patungong Kalbaryo, si Hesus ay nadapa dahil sa bigat ng krus. Napakabigat ang krus. Sa sobrang bigat ng krus, si Hesus ay nadapa. Mahina na si Hesus magmula noong Siya'y pinaghahampas at pinutungan ng koronang tinik. Ang Kanyang dugo ay patuloy na pumapatak sa lupa. Patuloy dumadaloy ang Kanyang dugo mula sa Kanyang katawan. 

Subalit, sa halip na sumuko dahil sa bigat ng krus, bumangon pa rin si Hesus. Tumayo ang Panginoong Hesus mula sa Kanyang pagkadapa at pinatuloy Niya ang pagpasan ng krus. Napakadakila ng pag-ibig sa atin ng Panginoong Hesukristo! Hindi nagpatalo si Hesus sa kabigatan ng krus. 

Kapag tayo ay nahihirapan o humaharap sa mga matitinding pagsubok sa buhay, madalas tayong sumusuko. Nagpapatalo na tayo sa mga problema sa buhay. Tinatanggap na natin na talo na tayo at hindi natin mapagtatagumpayan ang mga problema o mga pagsubok sa buhay. Sinasabi natin na wala na tayong magawa upang pagtagumpayan ang mga problemang ito. Nagpapatalo tayo. Sumusuko na tayo. 

Pero si Hesus, hindi sumusuko. Lumalaban pa rin si Hesus hanggang sa katapusan. Tumayo si Hesus mula sa Kanyang pagkadapa at nagpatuloy sa pagpapasan ng krus para sa atin. Bakit? Dahil mahal na mahal tayo ng Panginoon. Hindi pinigilan ng bigat ng krus ang pagmamahal ng Panginoon sa atin. Ang bigat ng krus ay hindi naging hadlang upang ipakita ni Kristo na tayo'y mahal na mahal Niya. 

Magsilbi nawang inspirasyon para sa atin ang Panginoong Hesus na bumangon mula sa Kanyang pagkadapa. Patuloy nawa tayong bumangon at pagtagumpayan ang mga problema't pagsubok sa ating buhay, katulad ng ginawa ni Hesus habang pinapasan Niya ang krus patungong Kalbaryo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento