Biyernes, Pebrero 20, 2015

PAGNINILAY SA DAAN NG KRUS - IKALABING-APAT NA ISTASYON

ANG IKALABING-APAT NA ISTASYON: 
Ang Muling Pagkabuhay ni Hesus 
(Mateo 28, 1-6/Marcos 16, 1-6/Lucas 24, 1-7/Juan 20, 1-9) 



Kahanga-hangang pansinin ay noong muling nabuhay ang Panginoong Hesukristo, hindi nawala ang mga sugat sa Kanyang mga kamay at paa. Ang mga butas ng pako sa mga kamay ni Kristo ay nanatili, kahit na Siya'y muling nabuhay. Bakit hinayaan ng Panginoon na manatili sa Kanyang mga kamay ang mga marka ng pako sa Kanyang mga kamay at paa? Hindi ba pwedeng hilingin ni Kristo sa Ama na alisin ang mga marka ng pako sa Kanyang mga kamay at paa? 

Oo, maaaring hiniling iyon ng Panginoong Hesus sa Ama. Maaari ngang gamitin ni Hesus ang Kanyang kapangyarihan upang mawala ang mga sugat sa Kanyang mga kamay at paa. Subalit, hindi Niya ginawa iyon. Bakit? Ang mga sugat sa mga palad at paa ni Hesus ay ang tanda ng Kanyang pag-ibig sa atin. Hindi pinatinanggal ni Hesus ang mga sugat sa Kanyang mga kamay at paa dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig na walang katulad para sa atin. 

Ang bawat paghihirap at sakit na tiniis ni Hesus noong Siya ay pinatay ay pinaghirapan ni Hesus. Ayaw Niyang sayangin ang bawat paghihirap at pagtiis Niya. Ang mga sugat sa mga kamay at paa ni Hesus ay ang tanda ng Kanyang pag-ibig sa atin. Ang mga sugat sa mga kamay at paa ni Hesus ang buod ng Kanyang pag-ibig para sa ating lahat. Tunay tayong minahal at patuloy na mamahalin ng Panginoong Hesus. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento