Biyernes, Pebrero 20, 2015

PAGNINILAY SA DAAN NG KRUS - IKALABING-DALAWANG ISTASYON

ANG IKALABING-DALAWANG ISTASYON: 
Ang Pagkamatay ni Hesus sa Krus 
(Mateo 27, 45-49/Marcos 15, 33-37/Lucas 23, 44-46/Juan 19, 28-30)



Pagkatapos ng mahabang oras na pagtitiis ng kahirapan sa krus, si Hesus ay nalagutan ng hininga. Ang Panginoong Hesus ay namatay sa krus. Pagsapit ng ikatlo ng hapon, si Hesus ay pumanaw sa krus. Natapos na sa wakas ang Kanyang paghihirap sa krus. Hinarap ni Hesus ang Kanyang kamatayan nang buong pagpapakumba, pagsunod, at pagmamahal. 

Buong pagpapakumbabang tinanggap ni Hesus ang kamatayan. Tayong lahat ay pinarusahan ng kamatayan dahil sa ating mga kasalanan. Subalit, dahil sa dakilang pag-ibig sa atin ng Diyos, ipinadala Niya ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus. Ang Panginoong Hesus ang umako sa ating mga kasalanan. Pinasan ni Hesus ang ating mga kasalanan at Siya ay ang hain para sa mga kasalanan ng tao. Ganun tayo kamahal ng Diyos. 

Alam ng Diyos na hindi natin kayang bayaran ang ating mga kasalanan. Kaya, si Hesus ay ipinadala ng Diyos upang iligtas mula sa ating mga kasalanan. Sa pamamagitan ng pag-aalay ng sariling buhay sa krus, binayaran na ni Hesus ang ating utang sa Ama. Ang utang natin sa Diyos dahil sa ating mga kasalanan ay binayaran na ng Diyos Anak. Iyan ang tunay na pag-ibig. Mahal na mahal tayo ni Hesus at ibinuwis ang Kanyang buhay para sa atin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento