ANG IKAAPAT NA ISTASYON:
Si Hesus ay pinaghahampas at pinutungan ng koronang tinik
(Mateo 27, 15-18. 20-31/Marcos 15, 6-20/Juan 19, 1-3)
Ang Panginoong Hesus ay ipinaghagupit at pinutungan ng koronang tinik. Sa kabila ng mga sakit na dulot ng paghampas sa Kanya at ng koronang tinik, hindi sumigaw o nagreklamo si Hesus. Hindi Niya hiniling na tigilan ang lahat ng ginagawa ng mga kawal upang saktan Siya. Bagkus, tahimik Niyang tiniis ang lahat ng sakit dulot ng paghahagupit sa Kanya at ang pagpuputong ng koronang tinik.
Kapag tayo ay nasasaktan, ano ang ginagawa natin? Lumalaban, hinihiling na tigilan na ang pagsasakit sa atin. Kung maaari sana, maaaring gawin ni Hesus ang isa sa dalawang iyon upang tigilan ang sakit. Maaaring gamitin ni Hesus ang Kanyang kapangyarihan upang tigilan na ang pagdurusa Niya.
Subalit, walang ginawa si Hesus noong sinasaktan Siya. Ang Panginoong Hesus ay nagtiis noong Siya ay sinasaktan. Tiniis ng Panginoon ang lahat ng mga sakit. Hindi ipinagtanggol ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang sarili. Bagkus, buong kalooban inalay ni Hesus ang Kanyang katawan para lamang sa ating lahat. Ganun tayo kamahal ni Hesus. Inialay at inihandog ni Hesus ang sarili Niyang katawan at buhay alang-alang sa ating kaligtasan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento