Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Lourdes
Isaias 66, 10-14k/Judith 13/Juan 2, 1-11
Ang Ebanghelyo ngayong Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Lourdes ay tungkol sa Kasalan sa Cana. Napakahalaga sa buhay ng Panginoong Hesukristo at ng Mahal na Birheng Maria ang pangyayari sa Kasalan sa Cana. Sa Kasalan sa Cana, ginawang alak ang tubig. Nangyari ito dahil sa kapangyarihan ni Hesus. Ipinamalas ni Hesus sa unang pagkakataon ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos sa pamamagitan ng himalang ito. Pero, napakalaki at napakahalaga ng papel ng Mahal na Inang Maria sa unang himala ng Panginoong Hesus.
Bakit tayong mga Katoliko ay nananalangin sa Mahal na Birheng Maria? Ito ang madalas tanungin ng mga Protestante at ng taga-ibang sekta. Para sa kanila, dapat idiretsyo natin ang ating mga panalangin sa Panginoon. Hindi na kailangang manalangin sa Mahal na Inang Maria o sa mga santo. Bakit? Ang Panginoong Hesukristo ang nag-iisang Tagapamagitan sa pagitan ng Diyos Ama at ng buong sangkatauhan. Bakit nga ba tayo nananalangin sa Mahal na Ina?
Sa Mabuting Balita ngayon, natunghayan natin ang dahilan kung bakit nanalangin tayo sa Mahal na Birheng Maria. Noong naubusan ang alak sa kasalan, hindi lumapit ang mga katulong sa Panginoong Hesus. Sino ang nilapitan ng mga katulong? Si Maria ang unang nilapitan ng mga katulong. At si Maria ang lumapit kay Hesus upang sabihin sa Kanya na naubusan sila ng alak.
At ano ang tugon ni Hesus? Ginawa ni Hesus ang hiningi ni Maria. Bagamat sinabi ni Hesus kay Maria na hindi pa dumating ang Kanyang oras, tinupad ni Hesus ang kahilingan ni Maria. Inutusan pa nga ni Maria ang mga katulong, "Gawin ninyo ang anumang sinasabi Niya sa inyo." (Juan 2, 5) Nananalig siya kay Hesus. Nananalig si Maria na tutuparin ni Hesus ang hinihiling niya. Ang kahilingan ni Maria ay hindi para sa kanyang sarili; ito ay para sa mga nasa kasalan. Si Maria ang humiling kay Hesus para sa mga taong nasa kasalan.
Itinuturo ng Simbahan na ang Panginoong Hesus ang nag-iisang Tagapamagitan sa pagitan ng Diyos at ng sangkatauhan. Subalit, tinutulungan din tayo ng Mahal na Birheng Maria sa pamamagitan ng kanyang mga panalangin sa kanyang Anak, ang Panginoong Hesukristo. Ang Mahal na Birheng Maria, kasama ng mga banal sa langit, ay nananalangin para sa ating lahat dito sa lupa kay Hesukristo. Hinding-hindi sila nakakalimot na ipagdasal tayo sa Panginoon, lalung-lalo na ang Mahal na Ina, ang Inang Maria.
Hindi lamang iyan, tayong lahat, humihingi tayo ng mga panalangin mula sa ating kapwa. Bilang mga Kristiyano, hinihiling natin sa ating kapwa na tayo'y ipagdasal. Halimbawa, kapag may pagsusulit, hindi ba sinasabi natin sa ating mga kakilala, "Ipagdasal mo ako na sana'y makapasa ako." Ganun din po ang ginagawa natin kapag tayo ay nananalangin sa Mahal na Inang Maria at sa lahat ng mga banal na nasa langit. Hinihiling natin sa Mahal na Ina at sa lahat ng mga banal na ipanalangin tayo kay Hesus, ang Tagapamagitan ng Diyos at ng sangkatauhan.
"Kay Hesus sa pamamagitan ni Maria." (Ad Jesum Per Mariam) Ang layunin ng ating mga debosyon, lalung-lalo na sa Panginoong Hesukristo at sa Mahal na Birheng Maria, ay lapitan tayo sa Panginoong Hesus. Halimbawa, ang ating debosyon sa Mahal na Birhen ng Lourdes. Sa pamamagitan ng ating debosyon sa Mahal na Ina sa ilalim ng anumang titulo (Inmaculada Concepcion, Birhen ng Lourdes, Ina ng Laging Saklolo, etc.), tayo ay pinapalapit ng Mahal na Ina kay Hesus.
Ngayon po ay ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Lourdes. Idalangin nawa natin sa Mahal na Birhen ng Lourdes na tayo ay akayin niya patungo sa kanyang Anak, ang Panginoong Hesus. Ang Mahal na Birheng Maria, ang Mahal na Birhen ng Lourdes, ay ang atin ding ina. Hindi lamang siya ang ina ng Panginoong Hesukristo. Ang Mahal na Inang Maria ay ina din natin.
Ang Mahal na Birheng Maria, bilang ina ng Panginoong Hesukristo at ating ina, ay hindi nagpapabaya. Patuloy tayong idadalangin ng Mahal na Inang Maria kay Hesus na nawa'y hindi tayo maligaw ng landas. Bilang ina natin, hinding-hindi tayo kakalimutan ni pababayaan ng Mahal na Birheng Maria. Lagi niya tayong gagabayan at aakayin patungo kay Hesus, kahit ilang ulit maligaw tayo ng landas.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento