Biyernes, Pebrero 20, 2015

PAGNINILAY SA DAAN NG KRUS - IKASAMPUNG ISTASYON

ANG IKASAMPUNG ISTASYON: Ang Nagtitikang Magnanakaw 
(Lucas 23, 39-43) 



Kahit nakapako sa krus, ipinamalas ni Hesus ang Kanyang awa at habag sa mga makasalanan. Inamin ni Dimas ang kanyang kasalanan at humingi ng kapatawaran mula sa Panginoong Hesus. Si Hestas, ang isa pang kasama ng Panginoon noong ipinako sa krus, ay kumutya sa Panginoon nang buong pagmamataas. Hindi niya inaamin na siya'y makasalanan. Sa tatlong krus sa Kalbaryo, dalawa lang ang makasalanan samantala ang isa ay inosente at walang ginawang kasalanan buong buhay Niya. 

Naakit si Dimas noong tahimik na tiniis ni Kristo ang lahat ng mga paratang at pagkutya sa Kanya. Nananalig si Dimas na hindi lamang matuwid at inosente si Kristo. Alam ni Dimas na si Kristo ay isang hari at tunay ang Kanyang kaharian. Nananalig din si Dimas na ang Panginoon ay maawain at mahabagin. Kaya, humingi siya ng kapatawaran at pinatawad naman ng Panginoon si Dimas sa kanyang mga kasalanan. Ipinangako pa ng Panginoong Hesukristo kay Dimas na siya'y isasama Niya sa Paraiso. 

Ang buhay natin dito sa lupa ay pansamantala lamang. Habang tayo'y nabubuhay, pagsisihan natin ang ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Diyos. Katulad ni Dimas, magkaroon nawa tayo ng lakas ng loob na lumapit sa Panginoong maawain at mahabagin upang patawarin ang ating mga kasalanan at pagkukulang sa Kanya at sa kapwa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento