Biyernes, Pebrero 20, 2015

PAGNINILAY SA DAAN NG KRUS - IKATLONG ISTASYON

ANG IKATLONG ISTASYON: Si Hesus ay hinatulan ng kamatayan
(Mateo 26, 57-66; 27, 1-2/Marcos 14, 60-64; 15, 1/Lucas 22, 66-23, 1)



"Ikaw ba ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos?" tanong ng punong saserdote kay Hesus. 
"Ako nga," sagot ni Hesus. 

Dahil sa sagot ni Hesus sa tanong ni Caifas, hinatulan Siya ng kamatayan. Ayon sa mga punong saserdote, nilapastangan ni Hesus ang Diyos. Nakahanap na ng ebidensya ang mga kaaway ni Hesus upang Siya'y hatulan ng kamatayan. Ginawang kapantay ni Hesus ang Diyos sapagkat tinawag Niya ang sarili Niya bilang Anak ng Diyos. Bagamat sinabi ni Hesus ang katotohanan, hindi ito matanggap ng Kanyang mga kaaway. 

Ano kaya ang naramdaman ni Hesus nang marinig Niya mula sa mga punong saserdote na dapat Siyang mamatay? Anuman iyon, tahimik na tinanggap ni Hesus ang parusa sa Kanya ng mga Pariseo at mga matatanda ng bayan. Alam ni Hesus na nagsisimula na ang plano ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Hindi na Siya umimik upang ipagtanggol ang Kanyang sarili. Bagkus, tahimik na sumunod at tumalima si Hesus sa kalooban ng Ama. 

"Sundin ang kalooban Mo." Iyon ang panalangin ng Panginoong Hesus sa Halamanan. Tahimik Siyang sumusunod at tumatalima sa kalooban ng Diyos. Hinihimok tayo na sundin din natin ang kalooban ng Diyos. Sa kabila ng mga pagsubok at problema sa buhay, tularan natin si Hesus na sumunod at tumalima sa kalooban ng Ama. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento