Linggo, Pebrero 8, 2015

HANDANG MAGLINGKOD KAHIT SAAN, KAHIT KAILAN

Pebrero 8, 2015
Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Job 7, 1-4. 6-7/Salmo 146/1 Corinto 9, 16-19; 22-23/Marcos 1, 29-39 


Nagsimula ang Mabuting Balita ngayong Linggo sa pamamagitan ng pagpapagaling ni Hesus sa biyenan ni San Pedro Apostol. Pinaglingkuran ni Hesus ang biyenan ni San Pedro Apostol sa pamamagitan ng pagpapagaling sa kanya mula sa kanyang lagnat. Kahit galing si Hesus sa sinagoga, naglingkod pa rin si Hesus. Pinili pa rin ni Hesus ang maglingkod. Si Hesus ang unang naglingkod, at pinaglingkuran din naman Siya ng biyenan ni San Pedro pagkagaling niya. 

Pagtatakipsilim, muli na namang nagpagaling si Hesus. Nagpagaling Siya ng maraming maysakit at nagpalayas ng mga demonyo mula sa mga inaalihan nito. Siguro, masasabi natin na pagod na si Hesus sa mga oras na iyon. Subalit, sa kabila ng kapaguran, si Hesus ay naglingkod sa mga tao. Kahit gaanong karami ang mga taong pumupunta sa Kanya, pinaglingkuran pa rin sila ni Hesus. 

Sa pagtatapos, matutunghayan natin na madaling-araw pa lang, handa na si Hesus. Inihahanda ni Hesus ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng panalangin. Si Hesus ay nananalangin sa Ama upang magkaroon ng lakas sa Kanyang paglilingkod sa mga tao sa araw na iyon. Sinabihan pa nga Niya si San Pedro Apostol na kailangang pumunta sila sa ibang kalapit-bayan upang maglingkod. 

Hindi nagsasawa si Hesus sa paglilingkod. Kahit nakakapagod ang ginagawa ni Hesus, hindi titigil si Hesus sa paglilingkod. Sinabi pa nga ni Hesus, "Naparito ang Anak ng Tao upang maglingkod, hindi upang paglingkuran." (Marcos 10, 45) Ito ang dahilan ng pagparito ng Panginoong Hesus sa lupa. Ang Panginoong Hesus ay buong pagpapakumbaba naparito upang paglingkuran ang sangkatauhan.  Mula sa simula hanggang sa katapusan ng Kanyang misyon sa lupa, hindi tinigilan o nasawa si Hesus sa paglilingkod sa mga tao. 

Dalawang linggo ang nakalipas mula noong ordenahan ang tatlong diyakano na nagsilbi sa mga Misa ng Santo Papa sa Maynila at sa mga Misa ni Luis Antonio Cardinal Tagle sa tuwing may misa siya sa Arkidiyosesis ng Maynila. Noong Enero 31 (Paggunita kay San Juan Bosco), inordenahan ang tatlong diyakono sa hanay ng kaparian sa Manila Cathedral. Sinabi ni Cardinal Tagle sa ordenasyon ng tatlong diyako sa pagkapari sa Manila Cathedral, "Kayo ay hinirang upang pagbayaran. Kayo ay hinirang upang asikasuhin ang mga tao." 

Ang mga pari ay naglilingkod na walang kabayarang hinahanap. Hindi isang trabaho ang pagiging pari. Ang pagkapari ay isang bokasyon. Tinatawag at hinihirang ng Diyos ang Kanyang mga pari upang paglingkuran ang Kanyang bayan. Kahit halos wala o kaunti lang ang kinikita ng pari, hindi iyon ang dahilan kung bakit sila pari. Ang pari ay isang pari upang maglingkod na walang hinihintay na kabayaran. 

Tayong lahat bilang tao ay hinirang ng Diyos upang maglingkod. Tinatawag tayong lahat ng Diyos upang paglingkuran ang isa't isa. Si Hesus ay handang maglingkod kahit saan, kahit kailan. Dapat tayo rin. Tayo rin nawa ay maging handa upang maglingkod kahit saan, kahit kailan, na walang hinihinging kabayaran. 

O Diyos, tulungan Mo kaming maging handang maglingkod na walang kabayarang hinahanap, kahit saan, kahit kailan. Amen. 

REFLECTIVE SONG: "Panalangin sa Pagiging Bukas Palad" 


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento