Pebrero 18, 2015
Miyerkules ng Abo
Joel 2, 12-18/Salmo 50/2 Corinto 5, 20-6, 2/Mateo 6, 1-6. 16-18
Tuwing Miyerkules ng Abo, ang Ebanghelyong mapapakinggan natin ay hango sa ika-6 na kabanata ng Ebanghelyo ni San Mateo. Ito po ay bahagi ng pangangaral ni Hesus sa bundok. Sa Ebanghelyo, mapapakinggan natin na tinuturuan tayo ni Hesus ng tatlong bagay - panalangin, pag-aayuno, at pagkakawanggawa. Ang tatlong gawaing ito ay napakahalaga at napaka-importante para sa ating mga Kristiyano.
Una, PANALANGIN. Ang panalangin ay napakahalaga. Napakaimportante ang panalangin para sa ating mga Kristiyano. Sa pamamagitan ng pananalangin, naaalala natin at binibigyan natin ng panahon ang Diyos. Lumalalim din ang ating pananampalataya sa Diyos sa tuwing tayo ay nananalangin. Kapag hindi tayo nananalangin, hindi lalalim ang ating pananampalataya sa Diyos. Makakalimutan natin ang Diyos kapag hindi tayo nagdasal.
Sa pamamagitan ng panalangin, nakikipag-usap tayo sa Diyos. Bagamat hindi maririnig ng ating mga tainga ang sagot ng Diyos, kinakausap tayo ng Diyos sa katahimikan. Ang katahimikan ang wika ng Diyos sa atin. Laging handa at laging nandiyan ang Diyos upang kausapin tayo. Binibigyan tayo ng kapayapaan, kalakasan at inspirasyon ng Diyos sa ating pakikipag-usap sa Kanya.
Pangalawa, PAG-AAYUNO. Isang paraan ng pagsasakripisyo ang pag-aayuno. Ang pag-aayuno ay isang pamamaraan ng penitensya. Kapag tayo ay nagpepenitensya, nagtitiis tayo katulad ni Kristo. Tinutularan natin kahit sa mga munting paraan ang pagsasakripisyo ng Panginoong Hesukristo. Tiniis ng Panginoon ang apatnapung araw sa ilang na walang pagkain at tiniis din Niya ang sakit dulot ng Kanyang pagpapaksakit para sa ating lahat.
Bakit nagsakripisyo si Hesus? Dahil sa pagmamahal. Pagmamahal ang dahilan kaya't inialay ni Hesus ang Kanyang buhay sa krus. Ang dakilang pag-ibig ni Hesus ang dahilan kaya't ibinuwis Niya ang Kanyang buhay para sa atin. Ito rin ang tunay na dahilan ng pag-aayuno at pagpepenitensya. Hindi tayo nag-aayuno at nagpepenitensya dahil sa tradisyon lamang ito. Ang tunay na dahilan ng pag-aayuno at pagpepenitensya natin ay dahil mahal natin ang Panginoon, at nakikiisa tayo sa Kanyang pagtitiis, kahit sa pinakamunting paraan.
Ang pagsasakripisyo ay ginagawa alang-alang sa pag-ibig. Hindi ba, handa tayong magtiis at magsakripisyo para sa mga mahal natin sa buhay? Ganun din ang ginawa ni Hesus sa Kalbaryo. Inihain ni Hesus ang Kanyang buhay sa krus upang tayo ay mabuhay. Ganyan tayo kamahal ni Hesus. Iyan ang tunay na pag-ibig. Ang tunay na pag-ibig, handang magsakripisyo.
Ikatlo, PAGKAKAWANGGAWA. Ang mga Korporal at Espirituwal na Gawa ng Awa ay mga halimbawa ng pagkakawanggawa. Tinutulungan natin ang mga kapwa nating maralita sa pamamagitan ng pagkakawanggawa. Ipinapakita natin sa mga maralita sa pamamagitan ng pagkakawanggawa ang ating pagdamay sa kanila. Ipinapaalala natin sa mga kapatid nating mahihirap na may karamay sila sa kanilang paghihirap. Hindi sila nag-iisa.
Tandaan po natin ang sinasabi ng Panginoong Hesus sa ika-25 kabanata ng Ebanghelyo ni San Mateo, "Anuman ang ginawa ninyo para sa pinakahamak na kapatid Kong ito, ginawa ninyo ito para sa Akin." (Mateo 25, 40) Hindi lamang ginagawa natin ito para sa isang taong dukha. Ginagawa natin iyon para sa Panginoon. Kung paano tayo kinahabagan at dinamayan ng Panginoon, gayon din naman, kahabagan at damayan din natin ang ating kapwang nangangailangan.
Hinihikayat tayo ng Simbahan ngayong panahon ng Kuwaresma na gawin at sanayin ang tatlong ito - pananalangin, pag-aayuno, at pagkakawanggawa. Ang tatlong pagsasanay na ito ay napakahalaga para sa ating espirituwal na pamumuhay. Sa ating pagbabalik-loob sa Diyos, lalung-lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma, ating pagsanayin ang tatlong ito. Kung paanong kinaawaan at dinamayan tayo ng Diyos, ganun din naman, dapat nating kaawaan at damayan ang ating kapwa, lalung-lalo na ang mga kapatid at kapanalig nating dukha.
Ang panahon ng Kuwaresma ay panahon ng pagsisisi at pagbabalik-loob. Ang panahon ng Kuwaresma ay panahon ng pananalangin, pag-aayuno at pagkakawanggawa. Ang panahon ng Kuwaresma ay panahon ng pag-ibig. Nawa'y maging makabuluhan ang ating paggunita sa panahon ng Kuwaresma at Mahal na Araw. Gamitin natin nang mabuti ang mga araw sa banal na panahon ng Kuwaresma para sa panalangin, pag-aayuno, pagkakawanggawa, pagsisisi at pagbabalik-loob sa ating Panginoong Diyos na puno ng awa at habag.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento