Pebrero 2, 2015
Kapistahan ng Pagdadala kay Hesus na Panginoon sa Templo (ABK)
Malakias 3, 1-4/Salmo 23/Hebreo 2, 14-18/Lucas 2, 22-40 (o kaya: 2, 22-32)
Kasabay ng pagdiriwang ng Taon ng mga Dukha na idineklara ng CBCP dito sa Pilipinas, idineklara ng Santo Papa ang taong 2015 bilang Taon ng mga Relihiyoso't Relihiyosa (Year of Consecrated Life). Itinalaga ng mga relihiyoso't relihiyosa ang kanilang buhay sa paglilingkod sa Diyos. Katulad ng mga pari at mga madre, hindi sila nag-aasawa, bagamat hindi sila mga pari o madre. Ang kanilang buong buhay at pagkatao at itinatalaga at inilalaan sa Diyos. Isinusuko nila ang lahat ng mga bagay na ukol sa mundong ito bilang pagsunod sa Panginoon.
Sa salaysay ng Mabuting Balita ngayon, napakinggan natin na dinala ng Mahal na Birheng Maria at ni San Jose ang Sanggol na Hesus upang dalhin sa Diyos. Ayon sa batas ni Moises, kinakailangang dalhin ng mag-asawa ang kanilang anak apatnapung araw matapos ang pagsilang ng kanilang anak. Sa ikaapatnapung araw pagkatapos isilang ang sanggol, kinakailangang dumaan sa paglilinis ang ina ng sanggol at kinakailangan ding italaga ang sanggol upang iligtas.
Bagamat hindi kinailangang pagdaanan ng Sanggol na Hesus at ng Mahal na Inang Maria ang prosesong ito, pinili pa ring sundin ni Maria at Jose ang batas ng mga Hudyo. Sa pagpunta nila sa Jerusalem para sa paghahandog sa Sanggol na Hesus at paglilinis sa Mahal na Birheng Maria, ipinapakita nina San Jose at ng Mahal na Birheng Maria ang kanilang pagtalima at pagsunod sa utos at kalooban ng Diyos.
Si Simeon naman ay nanalig at tumalima sa kalooban ng Diyos. Ipinangako sa kanya ng Diyos na hindi siya mamamatay hangga't hindi pa niya nakikita ang Mesiyas. Napakatagal ang ginawang paghihintay ni Simeon. Binanggit ni San Lucas Ebanghelista na napakatanda na ni Simeon. Nakakainip para sa atin bilang tao ang paghihintay ng matagal na panahon. Subalit, si Simeon ay nanalig sa pangako ng Panginoon sa kabila ng napakatagal na panahon at paghihintay.
Balang araw, sa Kanyang pagtanda, si Hesus ay sumunod sa kalooban ng Ama. Sa Kanyang paglaki, tumalima at sumunod si Hesus sa utos ng Ama nang may buong pananalig. Nangaral ang Panginoong Hesus tungkol sa kaharian ng Diyos at pinagaling ang maraming may sakit. Pero, ang pinakamahirap gawin para kay Hesus ay ang mamatay para sa kasalanan ng sangkatauhan. Bago Siya dinakip, nanalangin si Hesus sa halamanan ng Hetsemani. Pero, buong pananalig at buong sigasig nanalig, tumalima at sumunod sa kalooban ng Ama. Ang panalangin ni Hesus sa halamanan, "Hindi ang kalooban Ko, kundi ang kalooban Mo ang masunod." (Lucas 22, 42)
Ipinahayag nga ni Simeon sa Mahal na Inang Maria at kay San Jose na itinalaga ang batang Hesus para sa kaligtasan o ikapapahamak ng marami. Ipinahayag ng Diyos kay Simeon na magiging malaki ang misyon ng sanggol na Hesus sa Kanyang paglaki. Ang batang Hesus ay itinalaga at hinirang upang maging Tagapagligtas ng marami. Ipinahayag din ni Simeon kay Maria na isang balaraw ang tatarak sa kanyang puso. Napakasakit para kay Maria ang marinig ang mga salitang ito. Subalit, sa kabila nito, si Maria ay nanalig, tumalima at sumunod sa kalooban ng Diyos, kahit anong sakit ang idudulot nito sa kanyang puso.
Hinihirang at itinatalaga tayo ng Diyos na maglingkod sa Kanya. Katulad ng Panginoong Hesukristo at ng Mahal na Birheng Maria, manalig, tumalima, at sumunod tayo sa kalooban ng Diyos. Napakahirap man o masakit man tanggapin ang kalooban ng Diyos, huwag tayong mawalan ng pananalig sa Panginoon. Si Hesus at Maria ay nanalig at tumalima sa kalooban ng Diyos, sa gitna ng mga pagsubok at mga mahihirap na sandali sa kanilang buhay. Hinahamon tayo ngayon na manalig, tumalima, at sumunod sa kalooban ng Diyos.
Panginoon, tulungan Mo kaming manalig, tumalima at sumunod sa Iyo. Hindi ang kalooban namin ang nais masunod, kundi ang kalooban Mo. Amen.
Mahal na Inang Maria, ipanalangin mo kami.
San Jose, ipanalangin mo kami.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento