Sabado, Pebrero 21, 2015

PAGSISISI AT PAGTALIKOD SA KASALANAN

Pebrero 22, 2015
Unang Linggo ng Apatnapung Araw ng Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B) 
Genesis 9, 8-15/Salmo 24/1 Pedro 3, 18-22/Marcos 1, 12-15


Ang salaysay ni San Marcos patungkol sa pagtukso kay Hesus ay napakaiksi kumpara sa salaysay nina San Mateo at San Lucas. Binanggit lamang ni San Marcos kung gaano katagal na nanatili si Hesus sa ilang. Pero, hindi binanggit ni San Marcos kung ano ang mga tinukso ng demonyo kay Hesus. Ang mahalaga lamang para kay San Marcos sa pagsasalaysay sa pangyayaring iyon, pinagtagumpayan ni Hesus ang mga tukso ng demonyo. 

Tinanggihan ng Panginoon ang lahat ng mga alok ni Satanas sa Kanya. Gaano mang kaaya-aya at kaakit-akit ang mga inaalok ni Satanas sa Panginoong Hesukristo, tinanggihan pa rin ng Panginoong Hesukristo ang mga alok ni Satanas. Bagkus, nanatiling tapat ang Panginoong Hesus sa kalooban at kagustuhan ng Ama. Pinili ng Panginoong Hesukristo na sundin ang kalooban at naisin ng Amang nasa langit. 

Pagkatapos tuksuhin ng demonyo sa ilang, sinimulan ni Hesus ang Kanyang misyon. Ang kauna-unahang sinabi ni Hesus sa Kanyang pangangaral? "Dumating na ang takdang panahon, at malapit nang maghari ang Diyos! Pagsisihan ninyo't talikdan ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa Mabuting Balitang ito." (Marcos 1, 15) 

Tinatawag ni Hesus ang lahat na magsisi at maniwala sa Mabuting Balita. Ito ang tawag sa atin ng Inang Simbahan, lalung-lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma. Tayong lahat ay tinatawag na magsisi at magbalik-loob sa Diyos. Paniwalaan din natin ang Mabuting Balita ng Diyos na mahabagin at mapagdamay. Mahabagin at mapagdamay ang Diyos. Kaya, tinatawag Niya tayong lahat upang magsisi at magbalik-loob sa Kanya. 

Subalit, ang mahirap para sa atin ay ang talikuran ang masama, lalung-lalo na kung nakakaakit at mukhang kaaya-aya ang masama. Ang mas mahirap pa diyan, kapag nasanay na tayo sa kasalanan at ginagawa natin iyon araw-araw. Napakahirap! Gustuhin man nating magbagong-buhay at magbalik-loob sa Diyos, hindi natin magawa nang buo. Nadadala tayo ng tukso na gawin iyon muli. 

Isang pamamaraan ng demonyo ay ang tukso. Sa pamamagitan ng pagtukso, ipinapakita ng demonyo na talagang matalino siya. Alam niya kung kailan at kung ano ang ating mga kahinaan. Ginagamit ito ng demonyo upang akitin tayong gumawa ng masama. Hindi niya ipapakita ang pangit at ang mga masasamang bagay na mangyayari. Bagkus, ipinapakita niya ang kagandahan ng masamang gawain upang mas lalo nating gawin iyon. 

Katulad natin, si Hesus ay hindi naging ligtas sa mga tukso ng demonyo. Subalit, binibigyan tayo ng pag-asa ni Hesus. Katulad Niya, maaari din nating pagtagumpayan ang tukso ng demonyo. Ang tukso ng demonyo, kahit gaano mang kaaakit-akit na tingnan, ay maaari ding pagtagumpayan. Hindi tayo manghihinayang kapag tinanggihan natin ang tukso ng demonyo. 

Ngayong panahon ng Kuwaresma, tatlong sandata ang ibinibigay sa atin ng Simbahan sa ating pakikipaglaban sa tukso ng demonyo - panalangin, pag-aayuno, at pagkakawanggawa. Sa pamamagitan nito, mapapalalim natin ang ating pananampalataya at pananalig sa Diyos. Ang tatlong ito ay makakatulong at makakaakay din sa atin sa ating pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan. Gamit ang tatlong sandatang ito, sa tulong at awa ng Diyos, mapagtatagumpayan at matatanggihan natin ang tukso ng demonyo. 

Ang demonyo ang pinakamahirap na kalaban natin. Subalit, hindi imposibleng talunin siya. Kayang-kaya nating talunin ang demonyo at ang kanyang mga tukso sa atin. Kasama natin ang Diyos. Mas makapangyarihan at mas dakila ang Diyos kaysa sa demonyo. Hinding-hindi makapananaig o magtatagumpay laban sa Diyos ang demonyo. 

Nawa'y akitin tayo ng kapangyarihan at kadakilaan ng Diyos na magsisi at talikuran ang masama ngayong panahon ng Kuwaresma. Ang Diyos ay maawain at mapagpatawad. Tayong lahat ay tatanggapin Niya sa ating pagbabalik. Hinihintay Niya tayo. Hinding-hindi tayo itatakwil ng Diyos sa ating pagbabalik-loob sa Kanya. Iyan ay isang Mabuti at Magandang Balita para sa ating lahat, lalung-lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma. 


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento