Katesismo para sa Panahon ng Kuwaresma
Ang Miyerkules ng Abo ang hudyat ng pagsisimula sa panahon ng Kuwaresma o ang Apatnapung Araw ng Paghahanda para sa Pasko ng Muling Pagkabuhay. Sa pagdiriwang ng Banal na Misa sa araw na ito, binabasbasan at pinapahiran ang abo sa mga noo ng mga tao. Ang wika ng pari sa bawat isang pinapahiran niya ng abo sa ulo, "Magbagong-buhay ka at sa Mabuting Balita sumampalataya," o kaya, "Alalahanin mong abo ang iyong pinanggalingan at abo rin sa wakas ang iyong babalikan."
Matutunghayan natin sa Matandang Tipan na ang abo ay tanda ng pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Noong ipinahayag ni Propeta Jonas sa mga taga-Ninive na gugunawin ang Ninive pagkatapos ng apatnapung araw, ang lahat ng mga taga-Ninive; kahit ang hari ng Ninive, ay nagdamit ng sako, naupo sa abo at nag-ayuno, bilang tanda ng kanilang pagsisisi sa kanilang mga kasalanan. Dahil sa ginawang pagsisisi at pagbabalik-loob ng mga taga-Ninive, hindi itinuloy ng Diyos ang Kanyang plano na gunawin ang bayan ng Ninive.
Sa pasimula ng Kuwaresma, hinihikayat tayo ng Santa Iglesia na magsisi at magbalik-loob. Katulad ng mga wika ng pari sa atin sa pagpapahid ng abo sa ating mga noo, "Magbagong-buhay ka at sa Mabuting Balita sumampalataya." Tinatawag tayo ng Panginoon na magbagong-buhay. Kinakailangang talikuran natin ang ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya. Ang Diyos ay punung-puno ng awa at habag sa ating lahat. Hinhintay Niya ang ating pagbabalik-loob sa Kanya, katulad ng paghihintay ng ama sa pagbalik ng alibugang anak (Lucas 15, 11-32).
Pinapaalala din sa atin ng Simbahan na pansamantala lamang ang ating buhay dito sa lupa. Sinasabi rin ng pari sa atin sa pagpapahid ng abo sa ating mga noo, "Alalahanin mong abo ang iyong pinanggalingan at abo rin sa wakas ang iyong babalikan." Ipinapaalala sa atin na hindi tayo mabubuhay magpakailanman dito sa lupa. Sa mga simpleng salita, ang ibig sabihin noon ay mamamatay din tayong lahat balang araw. Ang buhay natin sa mundo ay isang paglalakbay. Darating din ang araw ng pagtatapos ng ating paglalakbay dito sa lupa.
May ugnayan ang dalawang ito. Tayong lahat ay pinapaalalahanan ng Simbahan na pansamantala lamang ang ating buhay dito sa sanlibutan. Tinatawagan din tayo ng Simbahan na magsisi at magbalik-loob sa Diyos. Habang may panahon pa, pagsisihan natin ang ating mga kasalanan at magbalik-loob tayo sa Diyos. Ang panahon ng Kuwaresma ay banal sapagkat ito ay isang panahon ng pagbabalik-loob. Ngayong panahon ng Kuwaresma, lalung-lalo na sa Miyerkules ng Abo, talikuran natin ang kasamaan at manumbalik tayo sa Diyos. Ang Kuwaresma ay ang panahon ng pagtitika at pagbabalik-loob sa Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento