ANG IKAPITONG ISTASYON:
Tinulungan ni Simon Cireneo si Hesus sa pagpasan ng krus
(Mateo 27, 32/Marcos 15, 21/Lucas 23, 26)
Madalas nating iniisip na si Simon na taga-Cirene ay isa sa mga mabubuting tauhan sa salaysay ng pagpapakasakit ng Panginoong Hesukristo. Tayong mga Pilipinong Katoliko, iniisip natin na isang bida rin sa salaysay ng Mahal na Pasyon ng Panginoong Hesukristo si Simon na taga-Cirene. Bakit? Sapagkat tinulungan ni Simon Cireneo ang Panginoong Hesus sa pagpapasan ng krus patungong Kalbaryo.
Subalit, kung babasahin natin nang maigi ang salaysay ng Mahal na Pasyon ni Kristo, matutuklasan na hindi kusang-loob ang pagtulong ni Simon na taga-Cirene kay Hesus. Bagkus, pinilit si Simon na taga-Cirene na pasanin ang krus ni Hesus. Ayaw ng mga kawal na mamatay si Hesus nang wala pa sa Golgota. Kaya, naghanap sila ng isang tao upang tulungan si Hesus sa pagpasan ng krus.
Pinili ng mga kawal si Simon na taga-Cirene. Isang dayo o turista ang pinili ng mga kawal upang humalili kay Hesus sa pagpapasan ng krus. Hindi nag-boluntaryo si Simon na taga-Cirene. Inutusan at pinilit si Simon ng mga autoridad.
Siguro, nanghihinayang si Simon na taga-Cirene sa araw na iyon. Turista siya sa Jerusalem at lilibutin niya sana ang mga lugar doon sa Jerusalem. Masasabi din natin na nainteresado siya kung ano ang nangyayari sa Via Dolorsa. Pero, hindi niya inaasahan na siya ay uutusan at pipilitin ng mga autoridad na humalili kay Hesus sa pagpasan ng krus. Siguro, ito ang sinasabi ni Simon sa kanyang sariling isipan, "Bakit pa kasi ako pumunta dito? Kung alam ko lang na pag-uutusan ako ng mga autoridad, hindi sana ako pumunta dito!"
Ang isang halimbawa ng paggawa ng mabuti sa salaysay ng Pasyon ng Panginoon ay ang ginawa ni Santa Veronica para sa Panginoon. Ang pagpupunas ni Santa Veronica sa Banal na Mukha ni Hesus ay ang Ikaanim na Istasyon sa dating bersyon ng Daan ng Krus. Hindi ito matatagpuan sa Banal na Bibliya. Bagamat tahimik ang Banal na Bibliya tungkol sa ginawa ni Santa Veronica para kay Hesus, ang ginawa ni Santa Veronica para kay Hesus ay isang gawang kusang-loob sa kanya. Ninais niyang tulungan si Hesus, kahit sa munting paraan man lamang.
Hindi sapilitan lamang ang paggawa ng mabuti. Ang paggawa ng mabuti ay dapat taos sa puso. Gumagawa tayo ng mabuti sapagkat ito ay galing sa puso. Kapag tinutulungan natin ang ating kapwa-tao dahil sa ito'y gusto natin, iyon ay isang mabuting gawa. Hindi sapilitan ang mga mabubuting gawa. Ang mga mabubuting gawa ay ginagawa dahil ito'y taos sa puso.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento